DALAWANG propesor ng Faculty of Arts and Letters ang nakapag-uwi ng unang gantimpala sa ika-55 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na ginanap noong Setyembre 1 sa Peninsula Manila Hotel, Makati City.
Nanalo si Filipino propesor Eros Atalia sa kategoryang Maikling Kuwento para sa kanyang, “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino.” Lumabas noong 2005 ang unang libro ni Atalia na Taguan-Pung at Manwal ng mga Napapagal na limbag ng UST Publishing House. “Kasalukuyan akong gumagawa ng librong maisusunod sa Taguan at pinaplano ko ring sumali muli sa susunod na Palanca gamit ang iba pang disiplina ng ating wika na unti-unting nababaon sa limot,” ani Atalia sa Varsitarian.
Idinagadag pa ni Atalia na walang gaanong pagbabago sa kanyang pagtuturo sa kabila ng pagkapanalo niya ng Palanca, bagkus nakikita niya ito na dahilan upang mas lalong maging responsible sa pagsusulat. “Gusto ko sanang makatulong sa ating wika sa pamamagitan ng pagsusulat, na kahit papaano ay nakakapagpabago ng pas-iisip para sa mga mambabasa,” ani Atalia.
Nanguna naman si Literature alumna Rebecca Añonuevo sa kategoryang Tula para sa koleksiyong, Sa Tanda ng Pagsisimula ng Buhay. Noong isang taon, nanalo rin si Añonuevo ng ikalawang gantimpala para sa Tula sa kanyang lahok na koleksiyong Buong-Buo. Nagtuturo si Añonuevo ng Literature sa Faculty of Arts and Letters at UST Graduate School. Nanalo rin ngayong 2006 sa National Book Award ang kanyang librong Saulado para sa Tula.
Itinayo ang Palanca Awards ni Carlos Palanca Sr. noong 1950 upang lumago ang kalagayan ng panitikan sa Pilipinas sa pagbibigay pug ay sa mga mahuhusay na akda taun-taon.