BAHAGI NA ng pamumuhay ng mga Pilipino ang panonood ng telebisyon. Ang mga umaatikabong balitaan at mga nagpapaiyak sa ating mga telenovela ay ilan lamang sa mga libangang nagbibigkis sa lipunang ating ginagalawan. Ngunit paano nga ba sumasalamin ang mga ito sa ating kultura?

Wikang Filipino sa pamamahayag

Sinasabi na ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum sa pamamahayag ay ang pinakaepektibong paraan upang mas maunawaan ng mga tao hindi lamang ang mga balita kundi pati na rin ang mga kasalukuyang isyung kinahaharap ng bansa.

Ayon kay Paul Henson, isang dating mamamahayag at kasalukuyang executive producer ng late-night program na Bandila ng lokal na istasyong ABS-CBN, ginagamit nila ang wikang Filipino sa isang conversational na pamamaraan upang mas mabilis maintindihan ng mga tao ang mga bagay na kanilang ibinabalita.

“Sa paggamit ng Filipino sa pagbabalita, hindi ito ‘scholarly’ o ‘academic’ kundi conversational,” ani Henson.

Aniya, iniaangkop ng mga pambalitang programa katulad ng Bandila ang kanilang mga balita at paraan ng pagbabalita sa masang Pilipino na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa, taliwas sa mga programang mapanonood sa cable na gumagamit ng wikang Ingles.

“Filipino ang ginagamit na wika sa aming pagbabalita dahil ito ang wikang nakaaabot sa mas malawak na sektor ng manonood ng free channel sa buong bansa,” aniya. “English ang ginagamit sa cable news channel dahil ito ang mas naaangkop na wika para sa kanilang mga manonood. Kapag pumunta ka naman sa iba’t ibang lalawigan, may lokal na balita ang mga rehiyon gamit ang kani-kanilang native languages.”

Pinabulaanan ni Henson na hindi sila gumagamit ng wikang Ingles sa pagbabalita at ginagamit lamang ito kapag walang direktang pagsasalin ang isang salita.

READ
Reject RH candidates, imperialist stooges; vote pro-life, vote pro-Filipino

“Gumagamit man ng ilang English na salita sa pagbabalita, ang base language ay Filipino pa rin,” aniya. “Direktang ginagamit ang ilang salitang Ingles kung ito ay mas karaniwang ginagamit upang mas madaling maunawaan o ‘di kaya’y walang katumbas sa Filipino.”

Sinabi rin ni Henson na tungkulin ng isang mamamahayag na sundin ang prinsipyo ng tamang balarila, Filipino man o Ingles o anumang wika ang gamit. Minsan, may ilan ding komento silang natatanggap mula sa kanilang mga manonood hinggil sa paggamit nila ng wika.

“May ilang komento mula sa mga manonood tungkol sa paggamit ng ilang salita o kataga,” aniya. “Ito ay aming pinag-aaralan kung makabubuti sa aming pagbabalita.”

‘Hallyu’ sa telebisyon

Pinaibig ng hallyu o Korean wave ang mga Pilipino hindi lamang sa kanilang mga kanta kundi pati na rin sa kanilang mga telenovela. Sa katunayan, maraming nang ipinalabas na mga telenovela hango sa mga kuwento ng mga Koreanovela na naging patok dito sa bansa.

Sa isang artikulo ng Korea Times, isang pahayagan sa South Korea na nasa wikang Ingles, sinabi ni Joey Abacan, network vice-president for program management ng lokal na istasyong GMA, na naiuugnay ng mga Pilipino ang kanilang pamumuhay sa mga karakter na ginaganapan ng mga nasa Koreanovela. Idinagdag pa niya na tulad ng mga telenovela sa bansa, ang mga Koreanovela ay emosyonal at “escapist” na mayroong bagong “twist” sa mga kuwento nito.

Samantala, sinabi naman ni Leng Raymundo, vice-president for program acquisition ng ABS-CBN, na kahit na simple lamang ang pag-ikot at tema ng kanilang mga istorya ay binibigyan pa rin nila ito ng panibagong paraan ng pagkukuwento at pagpapalabas sa kanilang mga manonood.

READ
Artists' take on 'Supremo'

Ang “My Girl” na unang ipinalabas noong 2006 ay ginawan ng remake sa bansa noong 2008. Tungkol ito sa naging pag-iibigan ng babaeng nagpanggap bilang pinsan ng isang mayamang binata alinsunod sa kahilingan ng kaniyang lolo. Sa parehas na taon din ginawan ng remake ang “Ako si Kim Sam-Soon” na orihinal na ipinalabas noong 2006. Umikot ang kuwento sa isang pastry chef na kinahihiya ang kaniyang pangalan hanggang sa siya’y nagtrabaho sa isang restaurant ng kaniyang masungit na boss at doon ay nahulog ang loob sa isa’t isa.

Sa mahabang panahon, Hollywood ang naging pamantayan ng mga Pilipino sa paggawa ng mga pelikula at mga soap opera. Sa mga palabas, ginagaya ng mga karakter kung paano magsalita, manamit, at mamuhay ang mga taga-kanluran. Ang mga drama ay sensuwal at hindi gaanong angkop sa pamilyang Pilipino.

Ngunit nang dumating ang mga Asianovela sa bansa, partikular na ang mga Chinovela at mga Koreanovela, ang mga sumunod na mga Pilipinong telenovela ay mas naging simple at mas inaangkop sa popular na masa—ang mga kabataan.

Sa isang pagsasaliksik na isinagawa ng Asia Future Initiative, isang non-governmental organization na nagsasagawa ng mga pag-aaral ukol sa kultura ng Korea, sinasabi na mabilis nagugustuhan ng mga tao ang Korean drama dahil sa “cultural proximity” kung saan ang mga ipinapakita sa mga Koreanovela ay halos katulad din ng nasa Pilipinas.

Isinaad din sa Korea Times na ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kultura ng mga Koreano sa kanilang bansa ay isang simbolo hindi lamang ng pagkakaibigan ng dalawang bansa kungi hindi ang pagiging bukas na rin ng kaisipan ng mga Pilipino. Elora Joselle F. Cangco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.