SA LOOB ng 78 taon, nagkaroon ng isang lugar ang mga Tomasino upang maipahayag ang kanilang mga saloobin at masaksihan ang bawat tagumpay at kabiguan ng mga kapwa nila mag-aaral at ng mga alumni ng ating Unibersidad. Ito ang Varsitarian.

Bilang opisyal na pahayagan ng UST, naniniwala ako na hindi pa rin nagagamit ang ating student publication sa lubos nitong potensyal.

Maliban sa gampanin nitong makapaghatid ng tapat at balanseng balita, nagsisilbing avenue rin ito upang makapagpalitan tayong mga estudyante, guro, akademiko, at pari ng mga opinyon at impormasyon. Ito ang silbi ng mga sulat sa mga patnugot at komentaryo.

Ilan itong paraan para makapag-debate tayo sa mga napapanahong isyung pambansa o pang-Unibersidad patungkol sa seks, buhay, droga, mga bagong patakaran sa eskwela, pagtaas ng tuition, at marami pang iba.

Ngunit, kakaunti lamang ang mga feedback na natatanggap namin kaya’t naisip ko na karaniwang nababaon sa limot ang karamihan sa mga balitang nailalathala sa Varsitarian dahil kulang o walang malalim na diskusyon o pagtatalakay na ginagawa ang mga Tomasino.

Hindi nagiging ganap ang layunin ng Varsitarian bilang isang dyaryo na binansagang marketplace of ideas kung hindi nagiging aktibo ang mga Tomasino, sa pagpuna at pagkilatis ng mga balita.

Mainam na makialam ang bawat isa lalo na ang mga akademiko upang mas mabigyang-linaw ang mga isyu at makapagbigay tayo ng naaangkop na solusyon sa ating mga problema. Sa pamamagitan din nito, nagtutulungan tayo upang mahubog ang opinyon ng mga Tomasino.

Subalit hindi lamang diyan nagtatapos, kinakailangan din ng masusing talakayin ang mga isyung ito ng guro at mag-aaral sa silid-aralan. Nagpapasalamat kami sa ilang guro sa Institute of Religion na ginawang parte ng diskusyon ang mga isyu na tinalakay sa aming dyaryo.

READ
'Dignity, non-negotiable' - theologian

Sa kabilang banda, mali ang paniniwala na ang ating dyaryo ang siyang sagot upang malutas ang ating mga pansariling interes.

Kung may reklamo ang isang estudyante laban sa isang opisyal, kinakailangan niyang makapagbigay sa administrasyon ng sulat o petisyon tungkol dito dahil may sarili namang prosesong dinadaanan ang mga ganitong hinanaing. Hindi ito ang talagang gampanin ng aming dyaryo.

Hindi rin lang sa pagsusulat tayo maaring makialam. Maraming modo ng media at aktibismo kung saan maipapahayag natin ang ating saloobin at katwiran.

Higit pa sa papel ng Varsitarian na maging training ground para sa mga umuusbong na journalists, isang lugar ang ating dyaryo upang matutunan ng mga Tomasino na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa malayang pamamahayag na may pananagutan. Muli, na may pananagutan.

Panahon na upang marinig ang boses mo, kapwa ko Tomasino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.