MAY BISA ang pagbabasa na humihigit sa nakaimprentang teksto ng mga aklat, lathalain at iba pang mga babasahin.
Bisa na nakapagpapaintindi sa mga bata ng mahahalagang alituntuning-moral sa buhay, sa pamamagitan ng mga hayop na nakikipaghalubilo at nakikipag-usap sa bawat isa. Bisa na nakapagpapalawak ng bokabularyo sa wikang Filipino man o sa Ingles. Bisa na nakapagpapalakbay sa mortal na buhay ng mambabasa tungo sa iba’t ibang dimensiyon ng mundo.
Ngunit ano na nga ba ang kahalagahan ng pagbabasa sa nagmamadaling panahon ng internet at social media lalo na ngayong buwan ng Abril na ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikang ng Filipinas?
Masasabi na ang layunin ng selebrasiyong ito ang pagpapaunlad sa kaalaman ng mga Filipino ukol sa panitikang Filipino (paglilinaw, ang sumasalamin ang panitikang Filipino sa lahat ng panitikan sa bansang Filipinas at hindi lamang “Tagalog”) gayundin ang pagtataguyod ng isang kultura ng pagbabasa sa Filipinas.
Mababatid na sumasabay ang panitikan sa modernisasiyon ng mundo—sa pabago-bagong aspekto ng teknolohiya at internet. Ang modernisasiyon na ito ang nagluwal sa mga makabagong anyo at pamamaraan ng pagtula, pagkukuwento at iba pang anyo ng panitikan.
Nariyan ang mga kuwentong isinulat sa anyo ng isang bidyo na may kaagapay na musika habang binabasa kung saan maaalalang sumikat si Marcelo Santos III, na mayroon na ngayong dalawang nailimbag na libro. Nariyan ang mga lupon ng maiikling tula na mabilis basahin ni Lang Leav. Nariyan ang lumalagong panitikan ng spoken word poetry sa bansa kung saan naging tanyag si Juan Miguel Severo na pinamagatang “Prinsipe ng Hugot.” At nariyan din ang battle rap na pinabantog ng FlipTop Battle League na itinuturing na makabagong anyo ng balagtasan.
Dahil din sa internet, mas naging malapit o accessible ang mga akda, tula at sulatin ng mga manunulat sa maraming mambabasa. Katulad na lamang ng mga kuwento sa Wattpad na kalaunan inilimbag bilang mga aklat.
Nariyan ang mga social networking site na nagsisilbing plataporma ng mga manunulat. Halimbawa na lamang dito ang unang aklat ni Joselito Delos Reyes na iStatus Nation, lupon ng kaniyang mga istatus sa Facebook na tumatalakay sa iba’t ibang mukha ng buhay: masaya, masalimoot, mapolitika, “ma-ano-ano.”
“Ang mga makabagong anyo at pamamaraan ng pagkukuwento ang nagpalapit sa bituka ng henerasiyon ngayon o tinatawag na mga “milenyal” sa kultura ng pagbabasa. Walang masama sa pagbabasa ng Wattpad, ang mahalaga rito nagbabasa sila,” ani Delos Reyes sa naunang ulat ng Varsitarian.
Nakatutulong nga ang mga ito upang maging malay ang mga milenyal sa kultura ng pagbabasa. Ngunit sapat ba ito? Hindi siguro. Hindi tayo nakatitiyak kung may kalidad na pampanitikan ang mga akdang binabasa nila sa internet lalo na sa social media.
May malay nga sila sa pagbabasa ng ganitong mga akda, ng mga hugot at mga bidyong may musika, ngunit mulat ba sila sa makulay at malawak na kasaysayan ng panitikang Filipino?
Halimbawa, sa mga maiikling kuwento ni Nick Joaquin? Sa mga tula nina Rio Alma, Bienve?ido Lumbera at Edith Tiempo? Ang tanong pa nga, kilala ba sila ng mga milenyal na kinalakhan na ang mga modernong manunulat?
Sa mga milenyal ngayon, higit sa kilalang mga Filipinong manunulat, tunay ba talaga nilang binabasa at ninanamnam ang hiwaga ng kanilang mga akda? Hindi masama ang pagbabasa ng mga banyagang akda ngunit mas mabuting malaman at mabasa rin ang mga akdang isinulat ng mga Filipino pagkat ang mga akdang ito ang sumasalamin sa ating kultura at pagka-Filipino.
Dagdag pa rito, higit pa sa kultura ng pagbabasa ang nanganganib na pagkalaho ng ilang mga panitikan sa Filipinas. Sa isang ulat, natatakot ang ilang mga Kapampangang makata dahil iilan na lamang sa kanilang probinsiya ang may interes at humaling sa pagtula sa Kapampangan.
Ayon pa sa ulat, internet ang tinutukoy na isa sa mga dahilan ng kawalan ng interes ng mga milenyal sa ganitong panitikan dahil mas nahuhumaling ang mga mambabasa ngayon sa mga banyagang akda at ibang anyo ng panitikan.
Higit sa layunin ng pagkakaroon ng kultura ng pagbabasa sa bansa at pagtatampok sa panitikang Filipino ngayong buwan ng Abril, hinihimok tayo ng selebrasiyong ito na kilalanin at alamin ang ating pagka-Filipino sa pamamagitan ng mga akdang kinatha—hindi lamang gamit ang tinta kundi ang buhay at karanasan—ng mga Filipinong manunulat.
Katulad na lamang ng nagsulat ng sanaysay na ito—isa siyang Kapampangan, ngunit kamakailan lamang niya nalaman kung ano ang Krisotan (ang Kapampangang anyo ng balagtasan). Jasper Emmanuel Y. Arcalas