MULING pinatunayan ng Simbahang Katoliko na walang pagkiling sa partikular na relihiyon ang tunay na pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng Pondo ng Pinoy (PnP), ang programang inilunsad ni Arsobispo Gaudencio Rosales ng Maynila. Kabilang si Menandro Diaz, isang Protestante, sa mga sinuportahan ng PnP para mapaunlad ang kanyang kabuhayan.

Isa si Diaz sa mga libu-libong katutubo sa lungsod ng Cavite na naninirahan sa dikit-dikit na hilera ng mga barung-barong na nakatayo sa dalampasigan mismo ng look ng Bacoor.

Tulad ng karamihan sa mga Caviteño, kinamulatan na niyang hanapbuhay ang pangingisda. Ngunit kahit malapit ang tirahan sa look, hindi niya magawang kumita ng malaki dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan sa pangingisda ng malakihan.

“Swertihan lang kapag nakakabenta kami ng P200 sa isang araw,” ani Diaz. “Pero kadalasan, P50 lang ang kinikita namin sa pangingisda.”

Ngayong 32 gulang na siya, pangingisda pa rin ang tangi niyang paraan upang itaguyod ang pag-aaral ng kanyang dalawang anak na nasa elementarya. Bagaman may pag-aari siyang palaisdaang 90 metro kwadrado, hindi niya ito magawang pagyamanin dahilan na rin sa kawalan ng puhunan.

“Laking pasasalamat namin sa puhunang ipinahiram ng Pondo ng Pinoy para tuluyan naming mapaunlad ang aming palaisdaan,” ani Diaz.

Grupo ng apat

Bukod kay Diaz, isa rin si Armando Solivet sa mga nakitaan ni P. Dominador Medina, kura paroko ng Parokya ni San Pedro Apostol, ng kakayahang paunlarin ang kabuhayang susuportahan ng kanilang programang pangkabuhayan. Kasama ang anak na si Arnold, manugang na si Saldy Halayahay at si Diaz, sinumulan ni Solivet ang kabuhayang pagpapalaki ng hipon.

READ
UST hosts Vatican meet

“Napagkasunduan naming mag-alaga na lang ng hipon. Bukod sa kumakain lang sila ng natural na pagkain mula sa dagat, hindi pa sila gaanong sensitibo sa pag-iiba-iba ng tubig sa dagat,” ani Solivet.

Matapos ilahad ang isang kongkretong plano, pinautang ng parokya noong Marso 28 ang grupo ng P120,000 na walang interest bilang puhunan. Ipinambili nila ang P100,000 ng mga kagamitan sa pagpapatayo ng palaisdaan at ipinambili naman nila ng semilia ng hipon ang natirang P20,000. Noong nakaraang buwan, nakaani sila ng 160 kilong hipon.

“Sa una lang naman maliit ang kikitain ng grupo. Pero kapag tumagal, lalaki rin ang kikitain nila. At kapag naibalik na nila ang kapital na naipahiram ng parokya, maaari na rin itong ipahiram sa iba pang gustong sumama sa pangkabuhayang proyekto na ito,” ani Medina

Sa tulong ng PnP

Kasama si Medina, humingi sila ng rekomendasyon sa diyosesis ng Imus para maisulong ang isang kooperatiba sa tanggapan ng PnP. Kasama ang endorsong iginawad ni Obispo Luis Antonio Tagle ng Imus, ipinadala ang kanilang plano sa sanggunian ng PnP sa Intramuros, Manila.

Dahil na rin sa adhikain ng proyekto na makalikha ng matatag na hanapbuhay para sa mga karaniwang mamamayan, nabiyayaan ito ng karagdagang puhunang nagkakahalaga ng P400,000 mula sa PnP. Sa paraang hulugan, ibinigay ang donasyong nagkakahalaga ng P100,000 bawat isa, kasabay ang panahon ng muling pagpapalaki ng mga semilia ng hipon sa Setyembre at Nobyembre ng taong ito, at sa Enero ng susunod na taon.

“Ang totoo niyan, hindi kami humingi ng puhunan sa PnP. Umutang lang kami ng karagdagang pondo dahil ayaw naming tuwirang umasa lang sa PnP,” dagdag pa ni Medina.

READ
Former rector leads TOTAL honorees

Ayon din kay Medina, sa panahong tuluyan nang matatag ang negosyo ng grupo, babayaran din nila ang puhunang ipinahiram ng parokya at ng PnP.

“Sa pagkakataong ito, makakapagbigay kami ng hanapbuhay sa iba pa naming mga kababayan na hirap din dahil sa kawalan ng hanapbuhay tulad namin,” ani Solivet.

Sa loob lamang ng isang taon, nakakalap ang PnP ng P19 milyon mula sa mga tigbebente-singkong donasyon ng mga simpleng tao. Ang mga baryang ito ay nagsisilbing pag-asa ng mga maralitang Pilipino upang tuluyang magsumikap, hindi lamang para sa kanilang ikauunlad kundi na rin ang ikauunlad ng lipunan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.