Pagsilay sa Pista ng Pelikulang Pilipino, part 1: “Patay na si Hesus,” “100 Tula Para Kay Stella,” “Bar Boys”

0
2967

Isang malaking pagdiriwang ang Pista ng Pelikulang Filipino na pinasinayaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika para sa taong ito. Itinampok ang 12 pelikulang likhang Filipino mula sa iba’t ibang genre sa pakikipag-ugnayan ng Film Development Council of the Philippines sa Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang mga ahensya.

Buhat ng pagiging audience-oriented nito, itinakda ng kapistahang makaugnay sa mas maraming Filipino at umaasang maipakilala ang mga ito sa pandaigdigang entablado. Kaugnay nito, sinikap ng Varsitarian na suriin ang mga tampok na pelikula.

 

“Patay na si Hesus”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Pinatunayan ng pelikulang “Patay na si Hesus” ni Victor Villanueva na nararapat lamang na mabigyang parangal ito sa 2016 QCinema filmfest na Audience Choice Award at Gender Sensitive Film Award.

Naging tampok sa palabas ang pagpapasyang ginawa ni Maria Fatima o Iyay (Jaclyn Jose) na maglakbay kasama ang kaniyang tatlong anak mula sa Cebu patungo sa Dumaguete upang makiburol sa namatay na dati niyang asawang si Hesus.

Lulan ng kanilang pulang minivan, hindi na inisip pa ni Iyay ang pagkakaroon ni Hesus ng kalaguyo bagkus ipinagpatuloy niyang puntahan upang mabigyang-galang ang yumao.

Dagdag din sa rekado ng Cebuano dark comedy film na ito ang kani-kaniyang ganap nina Hubert (Vicent Viado), ang panganay na anak at mayroong Down syndrome; Judith Marie o Jude (Chai Fonacier) na isang lesbian/trans man; Jay (Melde Montanez), ang bunsong hindi makapasa-pasa sa board exams; si Sister Lucy (Mailes Kanapi) na pinsan ni Iyay at ang aso nilang si Hudas.

Binatikos man sa Internet ang paggamit nito ng mga konseptong relihiyoso kagaya na lamang sa mismong pamagat nito, mapapanood sa pelikula ang matibay at masayang samahan ng pamilyang Filipino sa kabila ng dinaranas na daluyong sa buhay.

 

“100 Tula Para Kay Stella”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Tiyak na naging tampok sa mga kabataan ang pelikula ni John Paul Laxamana na “100 Tula para kay Stella.”

Nagsimula sa Freshmen Night nang nagtagpo ang matalinong grade conscious na si Fidel Lansangan (JC Santos) at si Stella Puno (Bella Padilla), isang babaeng rocker na ‘may itim na lipstick,’ kapuwa 17-anyos na mag-aaral ng sikolohiya sa Pampanga Agricultural College, ang pagsulat sa mga tula.

Lumikha ng mga tula si Fidel para kay Stella subalit hindi nito magawang ipabasa sa kaniya. Nagtagal ang pagtatago nito katumbas ng pagpapalit-palit naman ni Stella ng kasintahan upang makamit lamang ang inaasam na recording contract.

May sungkit sa puso at nakabibigat sa kalooban ang pagtatapos ng pelikula.

Ipinapakita kung gaano bihagin, bulagin at saktan ng pag-ibig ang isang nagmamahal, isang karaniwang bahagi ng pelikulang romansa.

Magbubukas naman ng katanungan sa mga kabataan ang pagsambit sa mga cassette tapes, Friendster at iba pang kagamitang naging sangkap upang maging makatotohanan ang panahon.

 

“Bar Boys”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Kuwento ng pagsasakripisyo at tunay na kahalagahan ng pamilya at pagkakaibigan tungo sa pagkamit ng inaasam na tagumpay ang pangunahing tampok sa pelikulang “Bar Boys.”

Hinati ng manunulat at direktor na si Kip Oebanda ang mga tagpo sa kani-kaniyang kalagayan ng apat na pangunahing tauhan sa tahanan at sa paaralan sa gitna ng kanilang pag-aaral sa law school.

Hindi malilimutan ang makulit at nakatatawang pamilya ni Torran Garcia (Rocco Nacino), ang may malahalimaw na talas ng memorya, higit na nang ipinabatid niya ang resulta ng bar exams. Buhat naman ng hindi pagpasa ni Josh Zuniga (Kean Cipriano) sa law school, pinili na niyang maging model at artista.

Kasama rin sa barkada si Erik Vicencio (Carlo Aquino) ang anak ng isang psecurity guard na hindi alintana ang hirap ng buhay maging abogado lamang ang anak. Taliwas ito sa buhay ni Chris Carlson (Enzo Pineda) na bagaman mayaman, mayroon naman itong mahigpit abogadong ama na nagdulot din ng sigalot sa pagitan nila ng kasintahan.

Natuon din ang mga kaganapan sa mga nakasisindak na propesor pati na ang pagkakaroon ng hazing sa mga kapatiran sa paaralan.

Punong-puno man ito ng kakulitan at katatawanan, masasabing tatlo lamang sa mga pangunahing tauhan ang nabigyang-pansin. Si Josh, maliban sa una at huling bahagi, ay pasulyap-sulyap lang sa pelikula.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.