UNIVERSITY of Santo Tomas Hospital (USTH) na ang bagong opisyal na pangalan ng dating Santo Tomas University Hospital (STUH). Inaprubahan ng UST Board of Trustees at USTH Governing Board ang nasabing pagbabago ng pangalan ng ospital ng Unibersidad kamakailan lamang.
Ayon kay Atty. Pilar Almira, chief operating officer ng USTH, iminungkahi ng Dominican community ang pagpapalit ng pangalan ng University hospital.
“They (Dominican community) felt that there is a need to revive the name which is really known all over the country, that is UST Hospital,” wika ni Almira.
Sinabi niya na kilala ng karamihan ng mga pasyente ang ospital ng Unibersidad bilang UST Hospital at hindi STUH. Idinagdag pa niya na maging sa mga probinsya, mas popular ang pangalang USTH kaya’t nagpasiya sila na ito ang ipalit na pangalan.
“It’s UST that really catches the name and not the Santo Tomas University. It’s the one that rings the bell,” dagdag pa ni Almira.
Binanggit din ni Almira na pinalitan na rin ang pangalan ng ilang centers sa USTH. Kabilang dito ang Center for Respiratory Medicine (CRM) na kilala dati bilang USTH Lung Institute at ang Center for Kidney Diseases na inilunsad noong Agosto 8. Matatagpuan sa mga center na ito ang makabagong teknolohiya na inaasahang malaki ang maitutulong sa paggamot ng iba’t ibang uri ng sakit.
Samantala, nagbigay ng US $200, 000 ang UST Medical Alumni Association of America (USTMAAA) sa USTH na siyang ginamit upang bumili ng mga bagong kagamitan para sa Catherization and Intervention Laboratory Unit. Sa pamamagitan ng mga bagong kagamitang ito, maisasagawa na ang iba’t ibang paraan ng paggamot sa sakit sa puso tulad ng heartbypass, angioplasty at thoracic surgery.
“These services are also available at the other hospitals, but I think we have the latest technology aside from the competent and professional doctors in our hospital,” wika ni Almira.
Bukod dito, nagbigay rin ng US $14,000 ang USTMAAA na siya namang ginamit sa pagbili ng karagdagang ambulansya para sa USTH.
Bilang pasasalamat sa USTMAAA, nagbigay ang USTH ng 10 porsiyentong bawas sa room rates para sa mga miyembro ng UST Medical Alumni Association (USTMAA). Inaasahang sa pamamagitan nito, mas lalo pang titibay ang pakikitungo ng USTH sa USTMAA.
Samantala, hinirang na bagong medical director ng University of Santo Tomas Hospital (USTH) ang dating dekano ng Medisina na si Dr. Tito Torralba noong Hulyo 1. Humalili siya sa dating medical director ng USTH na si Dr. Estrella Paje-Villar.
Nagtapos sa UST Faculty of Medicine and Surgery noong 1955 si Torralba. Natamo niya ang ika-anim na puwesto sa medical board examinations noong 1955. Bahagi siya ng unang pangkat ng UST medical interns na tinanggap sa United States Air Force Hospital sa Clark Air Base, Pampanga.
Nang matapos niya ang residency training para sa Internal Medicine sa USTH at fellowship sa Rheumatology sa Hospital of the University of Pennsylvania noong 1966, nagturo si Torralba sa Unibersidad.
Naging dekano siya ng Fakultad sa loob ng pitong taon. Sa kanyang administrasyon naitatag ang Dr. Hubert GH Wong, Ph.D. Learning Resource Unit at Health Research Management Group. Naging responsable rin siya sa paghihiwalay ng iba’t-ibang departamento sa Fakultad katulad ng Physiology, Pharmacology, Dermatology, Ophthalmology, Otorhinolaryngolgy, Family Medicine, at Medical Education.
Pinarangalan si Torralba ng Philippine Medical Association bilang Most Distinguished Physician at Presidential Recognition Awardee para sa taong 2000. Kabilang din siya sa mga tumanggap ng The Outstanding Thomasian Alumni (TOTAL) Award – Medical Category para sa taong 2001.
Naging pangulo rin siya ng Asia-Pacific League of Associations for Rheumatology, Rheumatology Association of ASEAN, Philippine College of Physicians, Philippine Rheumatology Association, at Osteoporosis Society of the Philippines. Siya rin ang nagtatag ng Arthritis Care and Research Foundation of the Philippines.
Kasalukuyan siyang pinuno ng USTH Joint and Bone Center, section chief ng Rheumatology and Clinical Immunology Unit, at direktor ng Asia-Pacific Osteoporosis Foundation.
Sinubukan ng The Varsitarian na kapanayamin si Dr. Torralba subalit nasa ibang bansa siya ngayon upang asikasuhin ang mga bagay na ukol sa USTH. Girard R. Carbonell