ANG TOTOO’y umasa akong may kahit kapiranggot na sasabihin ang Pangulong Arroyo ukol sa isyu ng Reserve Officer Training Corps sa nakaraang State of the Nation Address (SONA).

Hindi naman talaga natin masisisi ang Ale. Malaki ang ginampanan ng militar sa pagkakaluklok niya sa puwesto. Hindi natin makakalkula ang nasa isip ng pangulo, lalo na ngayong binubugbog ng kung anu-anong kontrobersya at panggugulo ang bayan. Nariyan pa rin ang Abu Sayaff. Halos kasabay naman ng pagbulusok ng piso sa merkado ang halos wala nang katapusang pagtaas ng presyo ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ng sambayanan. Sa dinami-dami ng panahong maaaring maging pangulo, palagay ko’y mapapakamot na nga lang si Ate Glo sa minana niyang katakut-takot na suliranin mula kay Erap.

Ngunit sadya yatang may isang uri ng “kultura ng himala” sa lipunang Pilipino. Kaya hindi ako magtataka kung may mga nagtatangka na namang bumalik sa kalsada upang maglunsad ng tinatagurian nilang “Edsa 4.” Masyado silang umaasang sa loob lamang ng halos anim na buwang panunungkulan ng Pangulong Arroyo, gaganda na ang buhay ng karaniwang tao. Na sa loob ng anim na buwan, magkakaroon ang bansa ng isang malinaw na landasin, sa kabila ng bombahan, literal man o hindi. Paanong uusad ang bayan sa ganitong sitwasyon? Paano kang makakapagplano nang maayos kung abala ka sa pagpapahupa ng mga unos, na dulot ng kalikasan at ng (mga) tao (Abu Sabaya, Puwersa ng Masa, makakaliwa, makakanan, maski yata gitna)? Walang himala!

* * *

Sa isang live broadcast ng programang Debate ng GMA 7, may isang taong nagpaalala sa akin ng isang malayang diskusyon ng mga patnugot ng Varsitarian at ilang mga kasapi ng isang samahang progresibo, mga buwan bago bumalik ang taumbayan sa Edsa noong Enero. Ipinaalala niyang sinabi umano namin na “pagbigyan ang Pangulong Arroyo”upang makapagpakitang-gilas, ika nga. Ang sambit pa sa akin ng mama, “May nagawa ba siya? Dapat “Erap-Gloria resign” na ‘di ba?” Naalala ko lang naman, hindi yata iyon ang kabuuang sinabi ng patnugutan ng Varsitarian. Ang nais naming “pagbigyan” noon ay ang batas. Noon, sa napipintong pagpapatalsik sa dating Pangulong Joseph Estrada, wala nang mas maiging gawin kundi pairalin ang batas. Tanggapin ang noo’y Pangalawang Pangulong Arroyo bilang kapalit ni Erap. Kapatid, kung iyo mang nababasa ang kolum na ito (na sinabi kong iyong abangan, nang muling magkrus ang ating landas at magkasabay tayo sa dyip at muli mo akong kinulit sa “Erap-Gloria resign” na iyan), nais kong ipahatid sa iyong isa ka sa milyun-milyong Pilipinong mahilig sa himala. Salamat na rin sa iyong pakikibaka’t pagbabantay (na siya rin namang ginagawa ng Varsitarian), ngunit, malala na ang ganyang kultura. Mahirap nang gamutin. Iyan yata’y dala na rin ng kulturang nakasanayan mula panahon ng mga Espanyol. Umasa sa Diyos, at umasa nang umasa, nang umasa, kahit nakatunganga. O kaya’y ngumawa nang ngumawa, sa pag-iisip na baka marindi ang Diyos at pasakan ka sa bibig ng hinihinging ginhawa. Muli tulo’y nagbabalik sa akin ang dakilang linya ni Nora Aunor sa pelikulang Himala: “Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Tayo ang gumagawa ng himala! Walang himala!”

READ
Admin, Faculty union clash on tenureship

Tama nga naman. Tayo ang gumagawa ng himala. At sa konteksto ng sinasabi kong “kultura ng himala,” tao ang gumagawa ng himala, ng mga sari-sariling himala. Kadalasan, ang mahimalang karanasang hinihingi ng tao ay ang himalang mabilisan. Deus ex machina nga naman, iyon ang silbi ng himala.

Simple lang naman ang analohiya, kapatid. Inaasahan ng lahat na maiaahon ng Pangulong Arroyo ang lahat mula sa kahirapan. At ngayong said na said na ang bulsa ng karaniwang tao, at bumabagsak ang halaga ng piso, isisisi nila ang lahat kay Ate Glo. Kaya kailangan na namang mag-resign si Ate Glo, tama ba? Ito ang klasikong halimbawa ng himala. Sa ganitong kabibigat na problema, makakaasa ka ba ng himala, sa loob ng anim na buwan?

* * *

Sa panuntunan ng kaisipan, lumalabas na nagiging gamot-pampalimot ang mga himala. Panandalian ang nagiging tugon. Pagkatapos ng lahat, tapos na talaga. Balik-realidad na naman. Nagiging panlabas lamang ang pagtugon sa mga paghihirap kung pananatilihin ng bayan ang kultura ng himala. Dahil ang pagsugpo sa kahirapan ay nagsisimula sa pagbibigay-pansin sa puno’t dulo ng suliranin. At kukulangin ang anim na buwan kung susundin ang ang ganitong pag-iisip. Madaling-madali ba para sa mga “nanggugulong” ito ang maiangat ang kalagayan ng mga mahihirap na magsasaka, halimbawa, na sa loob lamang ng maikling panahon ay gaganda na ang kanilang ani? Pupusta akong hindi. Baka nga ang iba sa inyo’y di pa napuputikan ang mga paa, o di pa nakatutungtong sa bukirin.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.