HINDI nakukulong sa loob ng silid-aralan ang paggamit ng wikang Espanyol sa Unibersidad. Patunay dito ang pagkakatatag ng La Voz Estudiantil na nagsilbing daan upang magamit ng mga mag-aaral ang kanilang natutunan sa pag-aaral ng wikang Espanyol.

Nagmula ang Voz Estudiantil, ang dating opisyal na pahayagang mag-aaral ng UST sa wikang Espanyol, sa “El Universitario” na dating seksyong Espanyol ng Varsitarian.

Upang mas bigyang halaga ang paggamit ng wikang Espanyol sa Unibersidad, humiwalay ang Voz Estudiantil sa Varsitarian. Gamit ang pangalang “El Universitario,” lumabas ang unang sipi nito noong Enero 31, 1937.

Si Francisco Reyes Cuerva, na siyang patnugot ng seksyong Espanyol ng Varsitarian, ang naging unang punong patnugot ng Voz Estudiantil samantalang si Eduardo Gilde Montes naman ang naging katuwang na patnugot. Kabilang din sina Antonio Porta, Ramon Diaz, Amelia Romero, Lourdes Altonaga, Jesus Lopez, Pablo Bacud at Antonio Covarrubias sa mga unang miyembro ng publikasyon. Samantalang si P. E. Bazaco, O.P. naman ang kanilang naging moderator.

Noong 1938, inilathala sa “El Universitario” ang mga gawa ng mga mag-aaral sa isang advanced class sa Espanyol na idinaos sa Unibersidad. Sa taon ding ito, nagkaroon ng patimpalak upang baguhin ang pangalan ng pahayagang Espanyol na siyang nagbigay dito ng karampatang katawagang La Voz Estudiantil, na nangangahulugang “ang boses ng mag-aaral.”

Gamit ang bagong pangalan, lumabas ang unang kopya ng Voz Estudiantil sa pormang magasin noong Agosto 1938. Tulad ng Varsitarian, nahahati ito sa mga seksyong pampanitikan, balitang pang-unibersidad, pangkadete, palakasan, ospital, alumni, COED, at seminaryo. Naging regular din ang paglabas ng publikasyon kada buwan.

READ
Education reforms vital

Sa unang sipi ng publikasyon gamit ang bagong pangalan, isang espesyal na tampok na pinamagatang “Lecciones de Castellano: Practical Method of learning Spanish,” ang isinulat ng isang propesor na hindi nagpatukoy.

Sa naturang artikulo, nagbigay ng ilang pinakapayak na salitang Espanyol at ang mga kahulugan nito sa Ingles, kasama na rin ang ilang mga payo sa tamang pagsulat ng mga simpleng pangungusap sa wikang gamit ng Voz Estudiantil.

Natigil ang operasyon ng pahayagan sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagpatuloy lamang muli ang paglalathala ng Voz Estudiantil matapos ang digmaan, sa ilalim ng pamamahala ng UST Spanish Institute. Kasabay nito ang pagpapaliit sa nasabing magasin at paglalathala nito kada dalawang buwan.

Ayon kay P. Fidel Villaroel, O.P., ang katuwang na archivist ng UST, karamihan sa mga artikulong inilabas ng pahayagan noong unang bahagi ng dekada 1950 ay mula sa mga peryodikong inilathala sa Espanya.

Noong panahong ito rin, mangilan-ngilan na lamang ang mga mag-aaral na nagsusulat para sa pahayagan, ani Villaroel, na naging patnugot rin ng Voz Estudiantil noong 1957. Kaya naman maging ang mga propesor ng Espanyol ay nagsimula na ring magsulat sa magasin.

Noong taong 1957, naging pahayagan ang pormat ng Voz Estudiantil, kung saan nilalathala ang mga balitang pang-unibersidad at gawang pampanitikan ng mga mag-aaral.

Dahil sa kumakaunting bilang ng mga mag-aaral na mahusay sa pagsulat sa wikang Espanyol, inamin ni Villaroel na bukod sa pagiging tagapamahala, nagsilbi rin siyang manunulat, patnugot at copy editor ng pahayagan.

Ani Villaroel, ang papaubos na bilang ng mga mag-aaral na kayang sumulat at mamahala sa pahayagan at ang pag-alis ng asignaturang Espanyol sa kurikulum ng Unibersidad ang naghudyat ng tuluyang pagsasara ng mga pahina ng Voz Estudiantil noong taong 1967. Mark Andrew S. Francisco

READ
Paglipad ng malikhaing pag-iisip

Tomasalitaan:

bayakwir (pandiwa; sinaunang Tagalog) – matisod

Halimbawa: Napaiyak siya sa sakit nang mabayakwir siya habang naglalakad sa dalampasigan.

Sanggunian:

The Varsitarian Tomo:11 Blg. 5. Hulyo 10, 1938

The Varsitarian Tomo:11 Blg. 6. Hulyo 25, 1938

The University of Santo Tomas in the Twentieth Century ni Josefina Pe.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.