LUBOS ang pag-aalala ng mga Dominikano noong Digmaang Kastila-Amerikano ng 1896 dahil sa pangambang mapaalis ang iba’t ibang grupong panrelihiyon dito sa bansa.

Kung mananalo ang mga Amerikano noon, katumbas ito ng pagkawala ng higit sa tatlong siglo na ipinundar nilang mga Kastila lalo na ng mga Dominikanong pari.

Noong Agosto 9, 1898, naghanda ang mga Dominikano ng isang kondisyon sakaling sumuko ang mga Pilipino sa mga Amerikano. Ito ang pananatili ng mga Dominikano sa Intramuros at pagkuha nila ng kanilang mga ari-arian, lupain, at mga gusali na kanilang nakalagay sa insurance.

Ibinenta ang mga gusali ng UST sa secretary-general noon na si Blas Alcuaz sa halagang P512, 327.00. Ito ay ginawan naman ng deed of sale ng noo’y rektor na si P. Santiago Paya, O.P.

Dahil dito, marami ang nag-akala na pangmatagalan ang pagsasara ng Unibersidad. Isa na sa mga nangamba ang dating arsobispo ng Maynila na si P. Bernardino Nozaleda, O.P., na siyang nagpadala pa ng sulat kay Paya na nagsasabing pipigilan niya ang pagsasara ng UST sakali mang ito ay matuloy.

Hunyo 13, 1899 nang magpadala si Paya ng liham kay Elwell Otis, ang gobernador heneral ng Amerika rito sa bansa, na humihiling na muling buksan ang klase sa Unibersidad sa taong pampaaralang 1899-1900. Sa kasamaang palad, hindi ito tinugunan ni Otis.

Noong Hulyo 16, 1899, inanyayahan si Paya na sumali sa Schurman Commission. Kinailangan ng komisyon ang payo at opinyon ni Paya sapagkat nasa ilalim ng administrasyon ng UST ang sekondarya at mataas na edukasyon noon. Inatasan siyang isalaysay ang kalagayan ng edukasyon sa bansa, gayun din ang kalidad ng edukasyong inihahain sa mga Pilipino. Naging matagumpay ang resulta ng pagtestigo ni Paya kaya’t matapos ang dalawang buwan, nabigyan ng permiso ang Unibersidad na muling magbukas.

READ
Chabet tries hard at digital art in new installation

Pormal na nagbukas ang taong pampaaralang 1899-1900 noong Agosto 1, 1899.

Makalipas ang apat na dekada, muling nakaranas ng pagsubok ang Unibersidad nang umusbong ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan ang buong Unibersidad, maliban sa Central Seminary, ay inokupa ng mga Hapon. Ang mga gusali sa dating campus ng Unibersidad sa Intramuros ay sinunog noong Pebrero 8, 1944, habang ang mga kagamitan at iba pang ari-ariang nailipat na sa kasalukuyang campus ay nakaranas lamang ng pagkasira.

Nang sumunod na taon, ang Unibersidad ay nakalaya at nakabangon muli, sa tulong ni Manuel Colayco, isang dating sundalong Pilipino na naging kaanib ng mga gerilya.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng isa sa mga tanyag na bakery chain sa bansa?

Si Christopher Ong, ang kasalukuyang production manager ng Bakers’ Fair, ay nagtapos ng kursong Food Technology sa UST.

Nagsimula bilang isang maliit na panaderya noong 1965 sa Maynila, ang Bakers’ Fair & Foodmart, Inc. ay unang nakilala sa kanilang produkto na Pan de Sal at Pullman Bread.

Lumago ang una at nag-iisang Bakers’ Fair noon sa iba’t ibang branch sa Quiapo, Binondo, at Sta. Cruz na siyang nagbigay katanyagan sa panaderya. Mula noon, naging suki nito ang iba’t ibang hotel, restawran, at paaralan dito sa Maynila.

Taong 1982 nang lumipat ang Bakers’ Fair sa mas malaking lugar sa Sta. Cruz. Gamit ang mga modernong kagamitan at sa tulong ng mga well-trained na panadero, ang Bakers’ Fair ay nagbibigay sa mga mamiimli ng iba’t ibang uri ng tinapay gaya ng mga hopia, moon cake, croissants, at mga cake.

READ
Thomasian grievance system underscored

Mula noon, patuloy ang paglago at pagapapatayo ng mga branches sa loob at labas ng Metro Manila.

Sa kasalukuyan, ang Bakers’ Fair ay mayroong humigit-kumulang 20 branches sa bansa.

Matatandaan noong 2009 sa kasagsagan ng bagyong Ondoy, ang Bakers’ Fair ay isa sa mga panaderya na nagbigay ng mga tinapay sa maraming Pilipino. Noong 2009 din ay inihalal si Ong bilang Chairman Emeritus ng Philippine Society of Baking.

Pinarangalan si Ong noong 2010 ng Outstanding Thomasian Alumni Business Leaders sa Thomasian Expo na ginanap sa SMX Convention Center. Maria Arra L. Perez

Tomasalitaan

Limid (pnr)—pataksil na pagpinsala sa kapuwa.

Halimbawa: Si Alex ay limid na pumatay ng kaniyang kapitbahay nang dahil sa isang hindi pagkakaunawaan.

Mga Sanggunian:

(2007). Torres, J.V. In Transition: The University of Santo Tomas During the American Colonial Period (1898-1935). UST Publishing House, Espana, Manila.

(2009). Clodualdo del Mundo. Retrieved September 22, 2011 from http://en.wikipilipinas.org/index.php?title=Clodualdo_del_Mundo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.