(Kuha ni Arianne Maye D.G. Viri/The Varsitarian)

NANAWAGAN si Arthur Casanova, tumatayong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na gawing pokus ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa (BWP) ang kontribusyon ng wikang Filipino sa gitna ng pandemyang Covid-19.

“Inaasahan po ng KWF na maging focus ng pagdiriwang ng BWP ang mga saliksik at talakay hinggil na pandemyang coronavirus upang makapag-ambag tayo sa pagbangon at pagsulong ng ating bansa sa inaasahang Bagong Normal ng ating buhay,” wika ni Casanova.

“Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika” ang tema ngayong taon na may sub-tema na “Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.”

Binigyang-diin din ni Casanova na dapat gamitin ang wikang Filipino sa talakayan, forum at diskurso sa mga napapanahong paksa sa lipunan.

“Lalo pa nating paigtingin ang mga gawaing magpapatotoo na ang ating wikang pambansa ay mabisang nagagamit sa mga mataas at malalim na diskurso sa lalong mataas na edukasyon na nagpapatunay na intelektuwalisado na nga ang wikang Filipino,” wika niya.

Ipinaalala rin ni Casanova na dapat bigyan ng pantay na pagpapahalaga ang mga wika sa bansa kabilang na ang mga katutubong wika.

Hinati sa apat na lingguhang tema ang BWP: “Pagtangkilik sa Katutubong Wika bilang Pagpapahalaga sa mga Pamanang Pangkultura sa Panahon ng Pandemya,” “Katutubong Wika: Wika ng Pagtugon at Artikulasyon ng Bayanihan sa Panahon ng Krisis at Pandemya,” “Kasaysayan ng Wika, Wika ng Kasaysayan Kamalayan sa Kasaysayan sa Pagsasawika ng Karanasan tungo sa Bayanihan sa Panahon ng Pandemya” at “Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.”

Ipinagdiriwang mula ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto ang Linggo ng Wika sa bisa ng Proklamasyon Blg. 186, serye 1955 na nilagdaan ng Pangulong Ramon Magsaysay.

Nagsimula ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa batay sa Proklamasyon Blg. 1041 ng Pangulong Fidel V. Ramos noong ika-15 ng Enero 1997.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.