NOON pa man ay batid na ang karunungang bigay sa silid-aralan ay may ilalawak pa kaya tuwing bakasyon ay naghahandog ang Unibersidad ng extra-curricular activities. Taong 1954 nang maitala ang kauna-unahang Summer Cultural Series, isang extracurricular activity kung saan naghahandog ng seminar ang Unibersidad para sa mga Tomasino tungkol sa iba’t ibang paksa tulad ng kasaysayan ng Pilipinas, mass media at sex education. Tinatalakay ito ng mga propesor, doktor at opisyal ng gobyerno na nagdadagdag ng kaalaman sa mga mag-aaral kahit tapos na ang araw ng klase.
Isa si Norberto De Ramos, dating secretary general ng Unibersidad, sa mga naging tagapagsalita sa naturang seminar kung saan ibinahagi niya ang kaniyang kaalaman sa paksang geopolitics noong 1958. Ang geopolitics ay ang pag-aaral sa mga teorya na nagsasaad na ang lokasyon, laki at sukat ng lupain, klima, populasyon, mga likas at industriyal na yaman ng isang bansa ay nakakaapekto sa pulitika, paraan ng pamumuhay at pag-unlad nito.
Tinalakay din ni Gerardo Roxas, dating senador at anak ni dating pangulong Manuel Roxas ang “Pilipinas sa pananakop ng mga Amerikano” noong 1967. Nang sumunod na taon naman ay naging tagapagsalita ng paksang sex education si Gilberto Gomez na noo’y tagapangulo ng Department of Neurology and Psychiatry sa Unibersidad, habang naging paksa naman noong 1969 ang mass media.
Kasabay ng ika-400 na anibersaryo ng pagiging lungsod ng Maynila ay tinalakay ang paksang “Manila: 400 years of a city,” taong 1971 na siya ring naging kahuli-hulihang serye ng nasabing seminar.
Sa kasalukuyan, ang Office for Student Affairs ang namamahala ng mga aktibidad tuwing bakasyon para sa mga mag-aaral. Ilan sa mga ito ang Leadership Training Seminar-Workshop at All Leaders Community Development Seminar-Workshop na tumutulong sa paghubog ng mga kabataang may potensiyal sa pamumuno sa iba’t ibang organisasyon sa Unibersidad.
Tomasino siya
Sa panitikan man, pag-arte, palakasan, at maging sa kosmetiko’t pampaganda, hindi maaaring mawala ang pangalan ng mga Tomasino.
Si Khristine Gabriel ay isa sa mga pinakakilalang pangalan ngayon sa larangan ng produktong kosmetiko at nasa likod ng tagumpay ng Ever Bilena bilang executive at tagapagsalita nito.
Nagtapos ng kursong Communication Arts noong 1998, hindi naging hadlang ang kahirapan sa buhay upang makamit ni Gabriel ang tagumpay.
Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, hinirang ng Watsons, isang sikat na botika, ang Ever Bilena bilang Cosmetic Brand of the Year sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.
Taong 2010 nang gawaran ng Faculty of Arts and Letters ng Gawad Binhi Award si Gabriel dahil sa natatangi nitong galing sa larangan ng negosyo at pagsisilbing huwaran sa mga kapwa niya Tomasino.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Gabriel ang proyektong “Gandang Pinay” ng Ever Bilena kung saan binibigyang-pansin ang mga inaabusong kababaihan, mga balo, at mga matatandang tuluyan nang inabandona ng kani-kanilang mga pamilya. Ang nasabing proyekto ay patuloy na nagbibigay-daan sa pag-unlad ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng kaalaman sa kosmetiko na maaari nilang pagkakitaan. Sa tulong ng kaalamang ito ay maiaangat ng mga kababaihan ang kani-kanilang kabuhayan at tuluyang makaaahon sa mga pinagdaanan nilang suliranin. Jonah Mary T. Mutuc at Maria Arra L. Perez
Tomasalitaan:
Hitod (pnr)—masarap
Halimbawa: Si Karissa ay naghain ng isang hitod na almusal para kay Efigenio.
Mga sanggunian:
De Ramos, N.V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books Inc., 2000.
Oyvind Osterud, “The Uses and Abuses of Geopolitics”, “Journal of Peace Research, no. 2, 1988, p. 192.
Ever Bilena: Eblog. (2011, March 28). Retrieved April 18, 2011 from http://everbilena.com.ph/eblog/.
Khristine Gabriel: Substance and light. (2010, March 21). Retrieved April 18, 2011, from http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=559805&publicationSubCategoryId=89.
Ang pagpapalawak ng bokabularyo gamit ang ibang wika sa Pilipinas ay daan sa pagyaman ng ating wikang Filipino!