INABUTAN kong nag-iisa sa dulo ng kalsadang iyon ang isang lalaking walang kiming winawalis ang paligid ng animo’y tahanan niya sa magdamag. Tila hari sa kanyang maliit na kaharian at tanging ang mga lamok lamang sa malamig na gabi ang kanyang mga alagad. Malungkot kong pinagmasdan mula sa malayo ang ginagawa niya.

“Masuwerte na rin pala ako,” sambit ko sa aking sarili. Hindi ko na rin siya pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad sa mahaba at maruming kalyeng iyon papunta sa kinaroroonan ni Inay.

Ayaw ko na rin sanang dalawin si Inay. Nasasaktan lang ako lalo na kapag naaalala ko ang mga maririing panunumbat niya tungkol sa mga naging pagkukulang sa kanya ng Itay noon. Lagi niya na lamang akong pinagdidiliman ng paningin. Lahat ng bigat ng mundo, sa akin niya ibinabaling. Nakapapagod na. Gayunpaman, siya pa rin ang nanay ko.

Hindi na muna ako uuwi sa bahay. Wala rin naman akong daratnan doon. Napagod na rin siguro siya kaya kinailangan na niyang magpahinga.

Parang kanina ko pa binabagtas ang kalsadang ito pero bakit…

“Bumalik na lang kaya ako? Baka alam niya ang daan.”

Tahimik kong tinunton ang lugar pabalik doon sa lalaking nakatayo sa may kanto. Habang iniisip ko ang itatanong sa kanya ay nakita ko ang karatula ng Kundiman. Sandali akong napanatag habang iniisip na malapit lang naman pala ang kinaroroonan ni Inay.

Naupo muna ako sa mataas na upuan sa maliit na puwesto ng kanyang tindahan. Sinulyapan lamang niya ako at nagpatuloy sa kanyang paglilinis nang mapansing hindi ako sa kanya nakatingin kundi sa mahabang kalsadang pinagkaligawan ko.

Nagparamdam ang aking sikmura sa mabango at masarap na singaw ng pagkain sa aking paligid. Tila alintana ang mga naghihintay na malutong hamburger, bigla kong naalalang hindi pa pala ako naghapunan.

“Ehem,” pasimple kong kinuha ang atensyon niya, “Magkano ba ‘yung Bart Burger?”

“Sandali lang ho,” mahinang tugon niya sabay ligpit sa hawak na walis at pandakot. Dali-dali siyang umakyat sa stall at tinungo ang kanyang istasyon. Kumuha siya ng patty sa ref at isinalang niya ito sa mainit na grill na malapit sa aking harapan.

“Magkano?,” nakalimutan yata niyang nagtatanong lang ako.

READ
Med alumni donates millions for faculty dev't

“Ah diyes y syete, sir. O-order po ba kayo?”

“Sige bigyan mo ‘ko ng isa.”

Pinagmasdan ko siya habang inihahanda niya ang order ko. Sobrang bilis niyang kumilos. Hindi ko na tuloy halos napansin kung naghugas ba siya ng kamay. Tiningnan ko na lamang ito at kapansin-pansin ang mga malaahas na ugat na naghihinagpis kumawala sa maitim at malapad na mga palad na iyon.

Habang binabaliktad niya ang bilog na karne sa kalan ay bahagya akong napabaling sa mga makapal na lukot ng kanyang noo at sa malalaki at mapupula niyang taghiyawat. Mistulang pinagkaitan ng edad ang payat na payat niyang mukha, bagsak na mga mata at tuyo’t na mga labi.

“Etong bayad ko.” Kasabay nito, iniabot niya sa akin ang mainit na hamburger. Bumalot ang nakabibinging katahimikan habang nilalasap ko ang inihanda niya sa akin. Hindi naman ako nagdalawang-isip na basagin ito para mawala ang antok ko.

“Matagal ka na ba rito, pare?”

“Matagal na rin po, sir.”

“Lester na lang pare, halos magka-edad lang tayo eh,” sabay abot ko sa kanya ng aking kamay.

“Arkie, pare,” marahan niya ring iniabot ang kahuhugas at medyo basa pa niyang kamay, “May apat na buwan na rin ako rito.”

“Matagal na rin pala ano?”

“Oo, pero kailan lang iyon,” kontra niya sabay tingin sa malayo.

Dagli ko pa itong sinundan ng marami pang mga tanong. Naipasok ko rin ang mga sarili kong pangamba sa pag-iisa, lalo na sa dilim.

“Sanay na rin ako pare, wala man akong magagawa pero kasali na ang peligro dito sa trabaho ko.”

Muling nangibabaw ang katahimikan sa buong paligid. Bigla na lamang akong kinilabutan sa malamig na hanging kumalabit sa akin. Nakaramdam ako ng kaunting pagkahiya sa aking sarili. Muli na namang bumalik sa aking isipan ang mga nakatotoreteng hiyaw ni Inay sa akin:

Ang laki-laki mo na! Mahiya ka naman sa sarili mo! Hindi tayo mayaman kaya matuto ka namang magbanat-banat ng buto!

“Alam mo, dahil sa mga katulad mo, naging miserable ang buhay ko. Paborito kasi akong ikumpara ng nanay ko sa mga gaya mo.”

Natigilan si Arkie sa nasabi kong iyon. Matagal siyang hindi umimik. Nakatingin lang siya sa akin habang nagsasalita at nakatitig ako sa malayo.

READ
Freshmen enrollment down by 5%

“May dahilan kung bakit napapasubo ang tao sa isang bagay. Kadalasan, hindi niya ito gusto pero ginagawa niya dahil kailangan,” marahang wika niya.

Lumabas ang lalim ng pagkatao niya sa sinabi niyang iyon. Sa wakas, nakatagpo rin ako ng taong hindi ako iiwan pagdating sa aking mga sentimyento. Mahirap aminin pero si Arkie ay isang ebidensya ng aking kahinaan. Malamang sa taong ito ko maunawaan ang buhay na hindi ko matanto. Ang buhay na sa akin ay isang malawak na pagbubulay-bulay.

“Taga-rito ka ba, Lester?” tanong niya na nagpakita ng interes sa aming usapan.

“Hindi, pare. Nandito lang ako dahil sa aking Inay.”

Lumamig ang hangin sa paligid. Pinatindi nito ang pangungulila at pag-iisang nadarama ko. Naisip kong nag-iisa na lamang ako ngayon.

“Ano’ng problema, pare? May nasabi ba akong masama?” gulat na pagtatanong ni Arkie.

“Hindi ako tagarito. Narito lang ang burol ni Inay.”

Magkahalong awa at pakikiramay ang naramdaman ko sa pagtapik ni Arkie sa aking balikat matapos kong banggitin iyon. Unti-unti niyang isinalaysay sa akin ang mga katulad na pangyayari sa buhay niya may limang buwan nang nakalipas. Kamamatay din noon ng kanyang ate, ang nag-iisa niyang kasama sa buhay, nang mapadpad siya sa lugar na ito. Simula noon, lagi nang mabigat ang kapalaran sa kanya.

Nakita ko sa mga mata niya ang tila nawawalang bahagi ng aking sarili. Nagulat ako sa pag-agos ng nilalaman ng aking isip sa kanyang mga labi. Lalo pang gumaan ang naging takbo ng aming usapan.

“Dapat Lester, isipin mo na sarili mo lang ang kakampi mo para lalo kang tumatag. Kapag alam mong wala kang aasahan, pursigido ka kahit mahirap.”

“Hindi na ba mahalaga sa iyo ang kabataan mong nawawala sayo?” taimtim kong usisa sa kanya.

“Alin? Yosi? Bilyar? Sine? Trip? Panandalian lang ang mga iyan. Ang mahalaga, marunong na ako sa buhay at dito ko masasabing walang nasayang sa kabataan ko, diba?”

Hindi ako nakasagot. Naisip ko na mas malawak sana ang pananaw ko sa buhay ngayon kung nakapag-aral lang ako ng kolehiyo. Tinimbang kasi ako laban sa bisyo at kamalasan at ang nakalulungkot, mas pinahalagahan ang huli kaysa sa akin.

READ
Pitong Tomasino nanguna sa Pharmacy board

Napansin ni Arkie ang muling pamumula ng mga mata ko. Sa panginginig ng aking mga kamay ay napakagat na lamang ako ng labi.

“Wala na sigurong pinakamasarap maramdaman kundi ang malamang nagtatagumpay ka dahil sa mga hinanakit mo, inspirasyon mo ang sarili mong kahinaan.”

Tumulo nang tuluyan ang mga namumuo kong luha nang sambitin niya ang mga katagang iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon, may nakaunawa at naniwala sa akin.

Natigil ang usapan namin nang may dumating na jeep sa aming harapan. Lumapit sa amin ang tsuper nitong may malaking tiyan at kulubot na balat. Umo-order siya ng hamburger nang sinundan siya ng dalawang babaeng mestisa’t pula ang buhok na nagmula rin sa kanyang jeep. Bumili sila ng softdrinks at parang mga sawa nang pumulupot sa naka-sandong tsuper.

Nagtawanan kami sa pag-alis ng mga linta, tulad ng sabi ni Arkie sa mga taong nabubuhay sa kamandag ng iba. Nagitla ako nang matauhan ako’t mag-uumaga na pala. Malakas na ang mga ugong at busina ng sasakyan sa paligid. Nakaligtaan ko na pala ang oras.

“Pa’no, pare? Mauna na siguro ako.”

“O sige, ingat, Lester. Huwag kang mag-alala, punta ka lang dito kung kailangan mo ng kausap!”

Nagkamayan kaming muli simbolo ng aming nabuong pagka-kaibigan.

Akmang lalakad na ako paalis nang matigilan at maalala kong naliligaw nga pala ako. Dahil sa pagkaligta ko sa tamang daan kaya ako napadpad sa kantong ito. Hindi pala ang daan pabalik sa burol ni Inay ang ituturo sa akin kundi ang malawak na landas na dapat kong tahakin patungo sa panibagong tagpo ng aking buhay.

“May problema ba Lester?”

“Wala, pare. Sige, salamat pala uli!” Hindi na ako lumingon nang sambitin ko iyon. Baon ang bagong lakas ng loob, nagpatuloy na lang ako sa paglakad kahit hindi ko alam ang daan pabalik. Hindi na bale, sa paghanap ko ng daang iyon, marami pa akong matutuklasan na mas malalawak na daan at siguradong may isang kanto na aking mapagpapahingahan.

Sa lamig ng pagbubukang-liwayway, buong-tapang kong ipinagpatuloy ang aking paglalakbay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.