NAGISING si Islaw sa biglaang pagbuhos ng malakas na ulan. Tumayo siya mula sa bangketng kaniyang hinihigaan sa tabi ng Unibersidad at sumilong sa harap ng Wakdolans… iyon ang naririnig niyang pangalan ng tindahan na ‘yon eh, tindahan ng mga masasarap na pagkain.

Hindi na iba ang ganitong umaga sa kaniya. Wala siyang permanenteng masisilungan kaya naman bata na lang niya tinutungo ang lugar kung saan siya makakatagpo ng kaalwahan.

Tila matatagalan sa pagdating noong araw na iyon ang kaniyang kalarong si Kat. Naantala siguro ang pagpunta nito dahil sa naging buhos ng malakas na ulan. Bertdey daw ng kaibigan nitong hindi naman niya kilala, ngunit dahil may ‘chibog,’ bibitbitin siya nito. Maliwanag ang usapan nila kagabi, ano kaya at hindi pa ito nagpapakita.

Buhat nang dumating si Islaw sa dakong iyon ng lungsod, si Kat ang naging kaniyang matalik na kaibigan. Siya ang nagturo sa kaniya kung paano bigkasin ng maayos ang “ate, kuya, pangkain lang po” at “please, food” naman kapag mga ‘poreyner’ ang makakasalubong nila.

“Galing-galingan mo naman ang pagdadrama, Islaw! Kailangan yung tipong may pakala-kalabit ka pa dapat at hindi kumukurap na mata. Wala na ngayong nagbibigay sa mga pasali-salita lang!” parating pangaral ni Kat.

Paghahalungkat naman ng mga kung ano-anong bagay sa basurahan ang gawi nila kung gabi. Tuwad doon, liyad dito kahahanap ng ‘kalakal’ o mga bagay na puwede niyang simutin pampalaman ng tiyan o ipagpalit sa junk shop kinabukasan.

Mag-lilimang taon na rin ang nakalipas mula nang iwan siya ng kaniyang ina sa mismong sulok sa bangketa kung saan siya inabala ng ulan sa kaniyang paghimbing kanina. Limang taon, ngunit tandang-tanda niya pa kung paanong puno ng pagtitiwala siyang sumama sa kaniyang ina at dalawa pang maliliit na kapatid upang tunguhin ang Maynila at iwanan ang kanilang bukirin.

READ
Father Rector named Outstanding Manilan

“Ang sabi niya, may bibilhin lang siya at maghintay ako dito,” palagian niyang kasagutan sa mga nagtatanong sa kaniya kung paano siya napadpad sa Sampaloc.

Hindi naman niya alam ang daan pauwi, tatlong taong gulang pa lang kasi siya noon. Wala rin siyang pera. Kaya roon siya natutulog sa sulok na iyon ng P. Noval, aniya, “Ang Inay, wala siyang ibang katatagpuan sa’kin kung ‘di rito. Kailangan ko lang siyang hintayin,” sambit niya nang may buong pag-asa.

“Kuya, barya lang… ate, akin na lang po ‘yang iniinom mo…” ramdam ni Islaw ang madalas na inis sa kaniya ng mga nililimusan niya. Hindi lang naman kasi kapag biglang umulan niya nakikita ang sarili sa tapat ng Wakdolans.

Halos araw-araw niya rito idinidistino ang sarili. Ang amoy ng maalat na pagkaing umaalpas sa pagbukas ng pintuan ang madalas makaaliw sa kaniya at pansamantalang makabusog sa katitingin sa katiting na ‘prays’ at ‘berger’ na nadidilihensya niya sa mga lumalabas o nahahalukay niya sa mga basurahan.

Hndi niya masyadong gusto ang mga manok sa Wakdolans. Bukod sa hindi siya mahilig sa prito, wala na rin naman kasing laman ang mga manok na lumalabas dito. Ibinibigay niya na lang ito kay Tagpi, iyong asong madalas niyang katabi sa bangketa pagsapit ng gabi. Katuwiran niya, ano pa ba ang mapakikinabangan niya doon, wala rin naman siyang makukuha.

Patuloy na bumuhos ang malakas na ulan. Ngayon lang siya nakaupo ng ganoon katagal sa labas ng Wakdolans. Madalas kasi, kung hindi umuulan, tumagal lamang siya doon ng sampung minuto at palalayasin siya ng manager. Malas daw kasi siya sa negosyo at mandidiri lamang ang mga kakain.

READ
UST Museum opens papal visit exhibit

Gayunpaman, matagal na itong pinagtatakahan ni Islaw, pare-pareho lang naman daw silang ngumanganga, ngumunguya at lumulunok. Wala naming kinalaman ang pagtayo niya sa labas sa gutom at pagkain ng mga nasa loob. Limang taon, limang taon niya nang problema ‘yon. “Manghingi man ako mula sa bintana, hindi naman nila ‘ko pagbibigyan, iilan lang naman talaga ang nagbibigay. At saka, hindi ko na kasalanan kung bigyan nila ako, sarili nilang gawa iyon!” madalas niyang depensa kapag pinalalayas na siya.

Sana’y may uniporme din siya, hiling ni Islaw sa sarili. Dagdag pa kasi sa mga palaisipan niya kung paanong pinapayagan ang mga mag-aaral na naghihintay sa labas ng Wakdolans na nakatatayo roon ng higit sa sampung minuto nang hindi sinisita.

“Hay, nakakainis! Kung hindi lang talaga itinatawid ng mga amoy ng pagkain nila ang gutom ko, hindi ako magtitiyagang tumayo doon!” ismid ni Islaw.

Isang oras nang nasa silong ng kainan si Islaw. “Boy, alis na diyan.” Ayan na ang sekyu. Abala siguro ang manager kaya si kuyang sekyu ang nagpapaalis ngayon sa kaniya.

“Nasaan na kaya si Kat? Sabi niya ay dadaanan niya ako nang higit na maaga ngayon.” bulong niya, “Umulan na nga at lahat, wala pa rin.”

Tila may pagka-umay siyan nararamdaman sa amoy ng Wakdolans nang araw na iyon. Tumingala siya at tiningnan ang mga patak ng tubig na nakikipaglaro sa malakas na ihip ng hangin.

“Nasaan na kaya si Kat?”

Sumugod siya sa malakas na buhos ng ulan. Pinaaalis na siya. Ayaw niya na ang pakiramdam ng iniiwanan. Pagod na siyang maghintay.

READ
History on the silver screen

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.