NAGBIGAY-PUGAY ang UST Symphony Orchestra sa bayaning si Benigno Aquino, Jr. sa isang musikal na pinamagatang “Ako si Ninoy” sa Meralco Theater noong Agosto 14 hanggang 16.
Kasama ang Tomasinong kompositor na si Pipo Cifra, pangulo ng Conservatory of Music Alumni Association, itinanghal ng Philippine Stagers Foundation ang palabas bilang bahagi ng kilusang “I Am Ninoy” na naglalayong hikayatin ang mga Filipino na maging ehemplo ng nasyonalismo gaya ng senador na pinaslang noong Agosto 21, 1983.
Sa ilalim ng direksyon at panunulat ng Aliw awardee na si Vincent Tañada, ang presentasyon ay umikot sa buhay ng apat na ordinaryong Filipino—isang overseas Filipino worker na nagnanais bumalik sa kaniyang pamilya, isang doktor na nagsisilbi sa masa, isang pinuno ng unyon, at isang batikang artista, na naisipang magtapos muna ng kaniyang pag-aaral—na naging bayani sa kanilang sariling pamamaraan.
Patuloy na itatanghal ang musikal hanggang Marso 2010 sa iba’t-ibang sinehan, sa University of the Philippines, at Cultural Center of the Philippines. James C. Talon