SA PANAHON ng Twilight, Twitter, at Facebook, may lugar pa ba ang wikang Filipino?

Paulit-ulit ko itong itinanong sa aking sarili nang minsang mag-internet ako. Sa dinami-rami ng “tweets” ng mga contacts ko sa Twitter, mabibilang na lamang sa daliri ang gumagamit ng wikang Filipino. Isa naman sa aking mga kaibigan sa Facebook ang sumagot ng survey na “favorite books” at hindi ko na ikinagulat ang isinagot niya. Nangunguna sa listahan niya ang Twilight ni Stephenie Meyer at wala ni isa man sa limang inilista niya ang isinulat ng Filipino. Bukod pa rito, kahit na itinatampok naman sa mga networking site tulad ng Friendster at Plurk ang paggamit ng Filipino bilang pangunahing wika ng website, mas pinipili pa ring ng nakararami na gamitin ang Ingles.

Hindi naman masisisi ang pamamayani ng wikang Ingles kaysa Filipino dahil ito rin ang nakasanayan, lalo na’t ginagamit na pakikipagtalastasan ang Ingles sa pagtuturo sa paaralan. Ayon kay Pamela Constantino sa kaniyang akdang “Filipinolohiya: Tungo sa Pagbuo ng Disiplinang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon,” tila kaakibat na ng globalisasyon ang “pagiging agresibo” ng wikang Ingles na ginagamit ng mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo tulad ng Amerika. Dahil dito, itinuturing na mas nakaaangat ang paggamit ng wikang Ingles kaysa Filipino. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa ring ginagamit ang wikang Filipino sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino. May mga nanonood pa rin ng pelikulang Tagalog. Inaawit pa rin ang mga kanta nina Basil Valdez at Regine Velasquez. Wikang Filipino rin ang ginagamit sa halos lahat ng programa sa telebisyon at radyo. Sa kabila ng globalisasyon, nagkakaroon din ng tinatawag na “Filipinisasyon” ng mga kulturang dayuhan na pumapasok sa ating bansa. Isinasalin sa wikang Filipino ang mga telenobelang Koreano, maging ang mga kanta nina Rihanna at Chris Brown. Nagkakaroon din ng bersyong Pinoy ang mga sikat na programang banyaga tula d ng Survivor at Big Brother.

READ
Makabagong teknolohiya tungo sa kaunlaran

Sa nangyayaring ito, sa halip na magpasailalim, iniaangkop natin ang makadayuhang kultura sa sarili nating panlasa. Sumasalamin ito sa kakayahan nating sumabay sa agos ng globalisasyon nang hindi isinasakripisyo ang sarili nating pagkakakilanlan, ani Constantino.

Ngunit mabalik tayo sa una kong tanong: napapanahon pa ba ang wikang Filipino sa panahon ng “Twitterisasyon” at “Twilightisasyon”? Sa tingin ko’y hindi ito kailanman mawawalan ng puwang hanggang nananatili sa ating mga Filipino ang kahusayan sa pakikisalamuha at pakikibagay sa anumang kultura. Wika nga ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Bienvenido Lumbera, “Hindi dapat magbunga ang globalisasyon ng panibagong pagkaalipin para sa sambayanan.”

* * *

Hanggang sa ngayon, nananatili pa ring isang pangarap ang pagkakaroon ng sariling kagawaran ng Filipino sa UST.

Makailang-ulit nang nailathala sa Varsitarian ang hinaing ng mga guro sa Filipino ngunit sa halip na magkaroon ng sariling opisina, isang Departamento ng Wika lamang ang mayroon sa Unibersidad na siyang nangangasiwa sa Ingles, Espanyol, Filipino, at Panitikan. Dahil dito, walang sapat na pokus na naibibigay sa bawat disiplina, lalo na sa Filipino.

Sa kawalan ng pokus, nakakahon ang mga guro sa Filipino na magsaliksik at bumuo ng sariling grammatical standards para sa UST na kaparis ng sa ibang unibersidad sa bansa. Iniulat ng Varsitarian noong Agosto 2004 na maisisisi rito ang pagiging analitiko ng mga Tomasino, ngunit mahina naman sila sa komunikasyong pasulat at pasalita. Resulta nito ang kawalan ng reputasyon ng UST sa pagtuturo ng Filipino.

Nakalulungkot isiping ang may-akda ng kaunaunahang diksyunaryong Filipino-Ingles sa bansa na si Jose Villa Panganiban, “Ama ng Varsitarian” at dating puno ng Surian sa Wikang Pambansa, ay isang Tomasino. Kung sana’y magkakaroon ng sariling kagawaran sa wikang Filipino ang Unibersidad, inaasahang magkakaroon ng direksyon at mapapalawak ang saklaw ng pag-aaral ng Filipino sa UST.

READ
Sona, daang matuwid, dilang tuwid

Bukod dito, mabibigyang-halaga rin ang kabuluhan ng wikang Filipino sa panahon ng globalisasyon. Sa ngayon, ani Constantino, “walang ibinibigay na kahulugan at katwirang magpapalinaw at manghihikayat sa mga Filipino na itaguyod ang wikang (Filipino) dahil mahalaga ito sa kan ilang pang-araw-araw na buhay at sa pagunlad ng kanilang lipunan.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.