ANG KALIWA’T kanang pagpapalabas ng infomercials ng mga pulitiko sa telebisyon ay tabing upang pagtakpan ang kanilang intension na tumakbo sa darating na eleksiyon.

Lumang tugtugin na ito kung tutuusin, lalo na’t ilang buwan na lang ay Mayo na ulit. Isang buwan ito pagkatapos ng aking kaarawan, at doon ko naalala na nasa hustong gulang na pala ako para bumoto. Naku, magparehistro nga!

Tumungo ako sa Office of the Elections Officer (OEO) ng aming munisipyo sa Quezon City dala ang kaunting identification gaya ng kopya ng birth certificate at student ID. Hindi naman mahaba ang pila dahil matagal pa naman ang ika-31 ng Oktubre, ang huling araw ng pagpaparehistro.

Kailangang dumaan sa unang proseso, ang verification, kung saan susuriin kung valid ang mga dokumentong hinihingi. Sumunod ang recording and precinct assignment, kung saan ang mga magrerehistro ay may sasagutang form upang mangalap ng karagdagang impormasyon. Pagkatapos ay isusumite ito sa opisyal na siyang magtatakda ng precinct number.

Sa data recording and biometrics, ililipat ng opisyal ang mga impormasyon sa computer at doon din kukuhanan ng litrato, fingerprints at lagda ang mga magpaparehistro. Mabilis na lamang ang mga sumunod na proseso gaya ng thumb printing at issuance of acknowledgment receipt.

Halos kalahating oras ang tinagal ng proseso at hindi na rin masama. Mabilis ang usad ng pila at swabe ang takbo ng pagpaparehistro. Ngunit kapansin-pansing kakaunti pa lamang ang mga nagpaparehistro gawa ng matagal pa ang deadline.

Masasabing hindi pa ito kasama sa prayoridad ng mga mamamayan dahil sa dami ng higit pang mahalagang gawain sa magdamag. Ngunit dapat ding tingnan kung gaano nga ba kaigting ang kampanya ng gobyerno upang hikayatin ang maagang pagpaparehistro.

READ
The UST Post Office in the electronic age

Sa telebisyon pa lamang, mapapansing kulang na kulang ito dahil sa halip na public service announcements ang mamayagpag, puro infomercials na may halong pamumulitika. Bihira rin ang paghihikayat ng maagang pagpaparehistro sa mga lansangan, bagkus ay puro pagyayabang lamang ng mga proyekto ng mga kung sinu-sinong pulitiko ang makikita.

Siguro, malaking problema rin ang procrastination o ang pagpapaliban sa mga tungkulin at cramming o pagmamadali hindi lamang ng mga mamamayan. Maski ako ay aminado dito dahil sadyang may mga bagay lang talaga na nakakatamad gawin. Ngunit hindi dapat baliwalain ang kahalagahan ng pagpaparehistro at pagboto sapagkat sa ganitong paraan natin naibabandila ang demokrasyang utang na loob natin sa mga bayaning nagsulong nito gaya ng yumaong pangulong Corazon Aquino.

Madalas na sinasabi ng mga matatanda na daig ng maagap ang masikap at palasak na kung tutuusin ngunit buhay na buhay ang linyang ito lalo na sa konteksto ng eleksiyon.

Nais ng lahat ang pagbabago. Ngunit paano kung hindi makakaboto ang isang tao gawa ng hindi nito pagrehistro sa takdang panahon. Kay laking kawalan hindi ba? Hindi na nga naibigay ang suporta sa napiling kandidato, hindi pa naisakatuparan ang isa sa pinakamahalaga niyang karapatan.

Isipin na lamang ang panghihinayang kung matalo ang napupusuang kandidato, o kung manalo man ay wala namang partisipasyon gawa ng hindi nito pagboto. Nakapanghihinayang ang hindi maging bahagi ng pagbabago. Ilang taon din ang hihintayin bago mag eleksiyon muli.

Bilang mamamayan ng bansang republikano, hawak natin sa ating mga kamay ang paghirang sa mga taong magsasagisag sa ating mga karapatan sa gobyerno. Kung sawa na sa pagrereklamo sa bulok na sistema, mabuting tayo na ang gumawa na ng paraan habang hindi pa huli ang lahat.

READ
Kalidad at moralidad, idiniin ng Rektor

Bahagi ng pagiging matalino sa pagboto ang maagang pagpaparehistro. Iligtas ang bayan mula sa hindi karapat-dapat na kandidato sa pamamagitan ng pagboto at iligtas ang sarili sa panghihinayang at konsumisyon sa pamamagitan ang maagang pagpaparehistro.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.