SA LOOB lamang ng isang linggo, dalawang kaso ng pagnanakaw ang naitala ng pulisya sa tulong ng UST security office noong Agosto 11 at 18 sa Kalye Lacson.
Dalawang menor de edad na lalaki ang inaresto ng awtoridad nang maiulat na nanghablot ang mga ito ng isang kwintas na ginto sa labas ng kampus noong Agosto 11. Nahuli ang mga batang suspek na edad 13 at 14 ng isang roaming guard ng UST sa tulong ng isang sidewalk vendor na nakasaksi sa krimen.
Sa interogasyon ng pulis, umamin ang dalawa na kasapi sila ng isang grupo ng kabataang nagnanakaw sa Kalye España at Quiapo. Ngunit itinanggi nila na pinamumunuan sila ng sindikato.
“Naging trabaho na po namin ito pero ‘di po ito alam ng aming mga magulang,” ani ng 13 anyos na bata.
Dinala ng awtoridad ang mga bata sa University Belt Area (UBA) Police Station na siyang nagdala sa mga bata sa Department of Social Welfare and Development.
Samantala, tatlo pang magnanakaw ang nahuli ng pulisya noong Agosto 18. Huli sa salang pandurukot sina Alexander Chua, Mary Grace Flores, at Mary Anne Alvarez, 28, 34, at 25 anyos, matapos nilang nakawin ang pitakang naglalaman ng P400 ng Tomasinong si Donna Erica Nonog, estudyante sa Nursing.
Nangyari ang pandurukot malapit sa Dominican School sa Lacson, ganap na 6:40 ng umaga habang naglalakad si Nonog papasok ng UST.
Ikinulong ang tatlong suspek sa UBA Police Station, ngunit pinalaya rin matapos ang 24 oras dahil hindi nagsampa ng kaso ang biktima.
Ayon kay PO1 Jimmy Cawaling, Jr. ng UBA Police Station, nakuha na ng di-pinangalanang babae ang kwintas mula sa mga bata, at naibalik na rin kay Nonog ang kaniyang pitaka.
“Nakikipagtulungan ang lokal na awtoridad sa security office upang maiwasan ang mga katulad na pangyayari,” ani Cawaling.
Ayon naman kay Joseph Badinas, acting detachment commander ng security office, patuloy ang pagmamanman ng kanilang mga guwardiya sa paligid ng Unibersidad upang maiwasan ang madalas na nakawan.
“Kailangang masigurado na hindi na madadagdagan pa ang ganitong kaso [ng pagnanakaw] kung kaya’t ngayon palang ay kailangan nang umaksyon,” ani Badinas.
Matatandaang ilang kaso na ng pagnanakaw ang bumiktima sa mga Tomasino sa nagdaang dalawang buwan sa loob at labas ng Unibersidad. Ilan sa mga kaso ay nangyari sa loob mismo ng mga fast food chains sa UST.
Pag-iingat at ang hindi pakikipag-usap sa mga hindi kilala ang payo ni Cawaling sa mga estudyante upang makaiwas sa mga ganoong insidente.
“Maging alerto rin sila (estudyante) sapagkat marami na kaming natatanggap na reklamo hinggil sa pang-hoholdap,” dagdag pa niya. Alexis Ailex C. Villamor, Jr. at may ulat mula kay Cliff Harvey C. Venzon