SA KABILA ng hindi mabilang na mga tala sa kasaysayan, marami pa ring mga katotohanang nananatiling lihim sa pagitan lamang ng mga kabilang sa katutubong sektor ng bansa.

Ito ang maiisip ng sinumang bubuklat ng mga pahina ng Awit ni Kadunung (UST Publishing House, 2008) ni Abdon Balde Jr., isang Bikolanong inhinyero na matapos ang 33 taon sa konstruksiyon ay nagpasyang pasukin ang larangan ng panitikan.

Umiikot ang nobela kay Peter, isang mayamang mananaliksik sa Maynila na pumunta sa Bikol upang mangalap ng impormasyon tungkol sa epiko ng Ibalong, ang alamat ng tatlong sinaunang bayani na sina Baltog, Handiong at Bantong. Bukod dito, nais din niyang malaman ang misteryo sa likod ng kaniyang hindi pangkaraniwang lakas ng katawan, liksi, at pandamdam na nakuha niya nang una siyang magpunta sa Bikol, limang taon na ang nakakaraan. Ang hindi niya alam, ang pagbabalik niyang ito ang magdudulot ng kapahamakan at maaaring maging sanhi ng kamatayan ng mga taong makikilala niya sa Kabikulan.

Nahahati ang akda sa marami ngunit maiikling kabanata, bagay na nagpaganda sa daloy ng kuwento. Impormal din ang ginamit na istilo sa pagsulat, na siyang nagpapadali ng pagbasa sa nobela.

Mabisa rin ang naging paglalarawan ni Balde gamit ang malalakas na salita tulad ng “umaalimpuyo” (uliuli ng hangin) at “higing” (huni) upang maipakita sa mambabasa ang mga imaheng kanyang inilalarawan. Nakatutulong din ang mga litrato ng ilang bahagi ng Bikol sa simula ng unang kabanata upang magkaroon ng ideya ang mga mambabasang hindi pa nakararating sa probinsya kung ano ang itsura ng mga lugar na nabanggit sa katha.

READ
Some things amiss with Top 200 list

Tinatalakay din ng nobela ang mayamang kultura at kasaysayan ng Bikol— mula sa mga tanawin, kaugalian at pagkain. Halos lahat ng kabanata ay mayroong sinasabi tungkol dito, kung kaya’t mararamdaman ng mambabasa na para na rin siyang taga-Bikol habang binabasa ang nobela.

Mahusay ding napagtagni-tagni ni Balde ang mga katutubong ideya sa mga kontemporaryo tulad ng Handiong na pangalan ng bigas noon sa mga pangalan ng bigas ngayon na de-numero na. Subalit mayroon ding mga “katutubong” pagkakamali na hanggang ngayon ay buhay pa rin. Halimbawa nito ay ang paghahabol ng metro at rima na nagbubunga ng pagkasasakripisyo ng istorya— ang paghahabol ng istorya upang umabot sa deadline ay nagbunga ng ilang pagkakamali sa impormasyon maging sa pagpili ng salita.

Nakatulong naman ang paggamit ng apat na lenggwahe—Filipino, Ingles, Espanyol at Bikolano— sa pagpapaganda ng takbo ng kuwento. Ginamit ang Ingles upang panatilihing kontemporaryo ang paraan ng pagsasalita ng ilan sa mga tauhan, samantalang naipakita naman ang epekto ng pananakop sa Bikol ng mga Kastila sa pamamagitan ng Espanyol.

Samantala, ang palasak na paggamit ng dayalektong Bikolano sa nobela ay maaaring hindi lubusang maunawaan ng mga taong hindi marunong ng salita. May ilang salitang Filipino rin na sa sobrang lalim ng kahulugan ay puwedeng hindi maintidihan ng pangkaraniwang mambabasa.

Gayunpaman, naging matagumpay ang Awit ni Kadunung sa pagsasalaysay ng isang epiko sa paraang kontemporaryo. Hindi lamang ito nagbukas ng bagong kaalaman sa kasaysayan kundi nagpakita rin ng tunay na ganda ng Kabikulan sa pamamagitan ng masining na pagsasalaysay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.