ANG GATAS ng ina ay nakabubuti sa sanggol hanggang edad dalawang taon.
Madalas itong ipinaaalala sa publiko sa pamamagitan ng mga patalastas na “breastmilk is still best for babies up to two years.” Taliwas sa paniniwala ng nakararami na hindi makaaapekto sa sanggol ang simpleng pagtimpla ng formula milk o tinitimplang gatas, may mga bagay na tanging breastmilk o gatas ng ina lamang ang makapagbibigay sa mga anak.
‘Best for babies’
Ayon kay Jocelyn Yu-Laygo, isang obstetrician-gynecologist sa UST Hospital, ang pagpapasuso ay isang proseso ng pagpapainom ng gatas mula sa ina na hindi gumagamit ng bote o formula milk.
“Ang gatas ng ina ay may mga sangkap na nakakatulong sa paghubog ng intellect ng isang sanggol. Kaya lamang, may mga milk formulas na sinusubukang gayahin ang mga sangkap na ito,” sabi ni Laygo.
Maraming benepisyo na naidudulot ang pagpapasuso. Una at higit sa lahat ay ang nutrisyong naibibigay ng gatas ng ina, at pangalawa naman ang dagdag na proteksyon na naidudulot nito sa mga sanggol.
Ang breastmilk ay may immune cells at immunoglobulins, isang uri ng antibodies na nakakatulong palakasin ang immunity ng bata laban sa mga sakit na tumutulong sa mga sanggol upang makaiwas sa anumang uri ng impeksiyon.
Gayon din karami ang naidudulot ng hindi pagpapasuso sa isang bata. Isa na rito ang madaling pagkakasakit nila tulad ng hika at kanser, ayon kay Eleanor Sibug, isang nutritionist sa Department of Nutrition and Dietetics ng College of Education. Dahil walang nakukuhang dagdag na proteksyon ang mga sanggol mula sa gatas ng ina, humihina ang resistensya nila.
Ayon naman kay Jen Tan, tagapayo ng grupong Lactation, Attachment, Training, Counselling, Help (LATCH), mas nakabubuti kung breastmilk ang ibibigay sa mga sanggol kaysa sa tinitimplang gatas.
“[Ngunit] may mga pagkakataong kinakailangang bigyan ng ina ng formula milk ang kanyang anak,” ani Tan.
Sinang-ayunan ito ni Laygo na sinabing makasisiguro ang ina sa kalinisan at tamang temperatura ng gatas na ipasususo nito sa kaniyang anak dahil galing mismo ito sa kaniya.
“Ang gastusin ay mababawasan, lalo na sa mga mahihirap na pamilya dahil hindi na kailangang bumili at gumastos [nang malaki] kumpara sa tinitimplang gatas,” aniya.
Dagdag pa niya, pagkatapos manganak ng isang ina ay nagkaroroon ng natural family planning kapag ginawa ang exclusive breastfeeding sa kaniyang anak. Dahil sa pagpasususo ng ina, ang hormones na nagbibigay ng gatas sa kaniya ay siya ring hormones na tumutulong mabuntis ang isang ina. Sa paraang ito, maiiwasan ang pagbubuntis sa loob ng tatlong buwan.
Karamihan sa mga nanay ngayon na nagtatrabaho ay nawawalan ng oras para magpasuso sa kanilang mga anak kaya ang ilan ay gumagamit ng tinitimplang gatas.
May mga paraan na iminungkahi sina Laygo at Sibug para tuluy-tuloy ang pagpapakain sa sanggol.
Ayon sa kanila, maaaring ipunin ng ina ang gatas mula sa kaniyang suso at ilagay ito sa isang malinis o sterilized na bote. Pagkatapos ay ilagay ito sa refrigerator para hindi agad mapanis.
Ang mga institusyon at breastmilk banks gaya ng LATCH, The Breastfeeding Club, Arugaan, Breastfeeding Philippines, at Breastfeeding Pinay ay ilan sa mga institusyong nagbibigay ng breastmilk sa mga inang nahihirapan kumuha ng gatas mula sa kanilang dibdib.
“Posibleng kumuha ng gatas mula sa ibang ina. Dati, wet nurse ang tawag namin dito. Ngayon, cross-nursing na,” paliwanag ni Sibug. Ang mga wet nurse ay ang mga inang nagpasususo sa sanggol na hindi nila anak.
Mayroon ding mga ina na hindi talaga kayang magpasuso ng kanilang mga anak dahil sa ilang mga dahilan. Ayon kay Laygo, mayroong kaso ng inverted nipples o baliktad na utong kung saan hindi kayang sipsipin ng mga sanggol ang gatas mula sa mga suso. Sa iba naman ay tumitigil nang kusa ang paglabas ng gatas mula sa dibdib ng ina dahil sa maling pamamaraang pagpasususo.
Ayon kay Sibug, ang tamang pamamaraan ng pagpasususo ay ang pagsalit-salit nito kapag nagpapakain ng sanggol. Dapat ay tumagal nang hindi hihigit sa 15 minuto ang pagpasususo.
Batas sa breastfeeding
Ipinagdiriwang ngayong Agosto ang National Breastfeeding Awareness Month upang suportahan ang tamang pagpasususo. Kaugnay nito, may mga batas na ipinatutupad upang hikayatin ang mga inang mag-breastfeed.
Ang R.A. No. 7600 o The Rooming-In and Breastfeeding Act of 1992 ay isa sa mga batas na ipinatutupad ng gobyerno upang suportahan ang pagpasususo o breastfeeding sa mga ina. Nakasaad sa batas na ang mga bagong luwal na sanggol ay itatabi sa kwarto kasama ang kanyang ina, para makapagpasuso at mapagtibay ang bond ng mag-ina.
Kamakailan lamang ay binago ang naunang batas na R.A. 7600 at pinalit ang R.A. 10028 o Expanded Breastfeeding Act of 2009 sa pangunguna ni Senador Pia Cayetano, na magbibigay ng suporta sa mga kompanyang nagbibigay ng pasilidad sa pagpasususo. Kaugnay nito, inaasahang maglalagay ng lactation stations ang lahat ng pampribado at pampublikong institusyon sa bansa.
Bukod pa rito ay inilunsad ng United Nations Children’s Fund at World Health Organization ang programang Baby Friendly Hospital Initiative noong 1991 sa buong mundo. Layunin nitong ipaalam sa mga bansa ang pagpabubuti ng tungkulin ng mga ina sa kanilang mga anak.
“Tinawag nila itong baby-friendly hospitals dahil dinadala nila ang sanggol paglabas ng nursery room papunta sa silid ng kaniyang ina upang mapasuso ito,” ani Laygo. Masasabing isa ang UST Hospital sa mga baby-friendly hospitals sa Pilipinas dahil sinusunod nito ang nasabing pamamaraan.
Bagamat maraming batas na ang naipatupad upang ilunsad ang pagpasususo, kakaunti pa lamang ang lubusang nakaiintindi sa kahalagahan nito sa mga sanggol dalawang-taong gulang pababa.
Noong 2007 naitalang 21 porsyento lamang sa kabuuang bilang ng mga ina sa Pilipinas ang nagpasususo ng anak anim na buwang gulang pababa, ayon sa data ng National Statistics Office.
“Para sa mga ina, huwag kayong magdalawang isip na magpasuso sa inyong mga anak. Ito na ang pinakamagandang bagay na maibibigay ninyo para sa inyong mga sanggol,” payo ni Sibug.