RAMDAM ni Maro ang pamumuo ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata habang unti-unting lumalayo sa pampang ang barkong kanilang sinasakyan. Nagpasya siyang sumama kay Kalay upang lisanin ang Indanan, Sulu—ang lugar na kaniyang kinalakhan at ang sangktuwaryo ng kaniyang mga pangarap.
“O Maro, ano pang ginagawa mo riyan? Huwag ka ng pasilip-silip diyan sa bintana at baka may makakita pa sa iyo. Mahirap na, pumuslit lang tayo,” ani Kalay.
Hindi matanggal sa isip ni Maro ang kapatid niyang si Raya. Labindalawang taong gulang pa lamang si Raya at nasa unang taon sa mataas na paaralan sa kabilang bayan sa Pasil. Ang tanging hiling niya lang ay hindi pabayaan ni Tiya Loy si Raya dahil may pagkasutil pa naman ang batang iyon. Hindi pa sila masyadong nakalalayo ay tila gusto na niyang bumalik. Parang ayaw na yatang niyang tumulak pa-Maynila
“Alam mo Maro, ang sabi sa akin ni Tiyang Rosie, sigurado na ang trabaho natin sa Maynila,” walang tigil na kumbinsi ni Kalay kay Maro.
Mula nang tumungo ang nanay nina Maro sa Maynila at hindi na bumalik, sila ay inampon na ni Tiya Loy, ang kapatid ng kanilang nanay na isang matandang dalaga. Kinailangang tumigil ni Maro sa first year high school upang hindi makabigat sa Tiya na sapat lang ang kinikita para sa kanilang pagkain at pampaaral kay Raya. Nang namatay ang tatay nila noong sila ay limang taong gulang pa lamang, halos si Maro na ang naging ama kay Raya. Sa edad niyang 13 ngayon, pinili nitong umalis sa Indanan para makapagtrabaho at makapag-ipon ng pera para sa pag-aaral niya pati na rin ng kay Raya.
Sa pitong araw nila ni Kalay sa barko, nilunod siya nito ng mga magagandang bagay tungkol sa Maynila. Nariyan ang maraming oportunidad na naghihintay sa kanila at kung anu-ano pa. Kulang na lang ay sabihin nito na ang Maynila ay langit. Pinangakuan si Kalay ni Tiyang Rosie, isang Badjao na naninirahan na ngayon sa Maynila, nang minsang dumalaw ito sa Indanan. Bibigyan daw siya nito ng trabaho pagdating sa Maynila. Si Kalay, tulad ni Maro, ay 13 taong gulang na rin at huminto rin sa pag-aaral mula noong grade five pa lamang siya.
Tumayo ang mga balahibo ni Maro sa ideya ng pagtatrabaho. Sa Indanan, ang tanging alam niya lamang ay ang mangisda at sumisid sa dagat para sa kakaunting barya.
“Ngunit desidido akong umasenso. Desidido akong magtrabaho para sa magandang kinabukasan namin ni Raya,” bulong ni Maro sa sarili.
***
Pagdaong ng barko sa pantalan sa Maynila, mistulang ibang mundong kanilang nilapagan.
Sa obserbasyon ni Maro, iba ang simoy ng hangin dito sa Maynila—mas maalinsangan at tila may halong polusyon. Ibang-iba sa hanging malamig ng Indanan. At para sa kaniya, marami ang tao rito sa Maynila at sari-sari ang mga ginagawa na tila walang pakialam sa ibang nagdaraan.
Sa gitna ng kanilang pagmamasid sa tila ibang mundo, sumigaw si Kalay sa ‘di kalayuan ng “Tiyang Rosie” sa isang matabang babae na papalapit sa kanila. Agad ipinakilala ni Kalay si Maro bilang kaniyang kaibigan ngunit hindi ito kumibo at tanging pagtingin mula ulo hanggang paa ang inabot ni Maro mula sa kaniya.
Dinala sila ni Tiyang Rosie sa kaniyang bahay sa Sampaloc, isang bunggalo na gawa sa mga lumang kahoy. Sa loob ay mayroong dalawang bata, halos kasing edad ng dalawa.
“Dito kayo sa sahig matutulog at bukas na bukas din ay magtatrabaho na kayo. Hala sige, magpahinga na kayo dahil mahaba pa ang araw niyo bukas,” utos ni Tiyang Rosie sa dalawang bata habang siya’y nanonood ng TV.
Sa himbing ng kanilang tulog dala na rin marahil ng pagod sa biyahe, biglang naramdaman ni Maro ang palo sa kaniyang mga binti na may kasunod na “Gising, boy,” na tiyak kong boses ni Tiyang Rosie.
Dali-dali itong tumayo upang maghilamos at magpalit ng damit na ibinigay ni Tiya.
“Teka, ano itong mga damit na ito? Bakit butas-butas at tila isang taon nang hindi nalalabhan?” tanong ni Maro sa sarili.
Gayon pa man, isinuot pa rin ito ng dalawang bata. Pagkatapos nito ay inabutan sila ni Tiya ng mga sobre at tambol na gawa sa mga lumang plastik na nilagyan ng goma.
“Kayo na ang bahala sa dalawang ito. Turuan n’yo sila at siguraduhing may kita ang mga iyan pagbalik,” ani Tiyang Rosie sa dalawang bata na makakasama namin.
“Doon tayo sa España, maraming tao roon,” sabi ng matangkad na bata paglabas nila ng bahay.
Ano nga ba ang gagawin nila? Maski si Kalay ay hindi alam ang pinasok nilang dalawa. Sa kanilang paglalakad, tumambad sa kanila ang isang kalsadang puno ng mga jeep at mga sasakyan na may mga kabataang naka-uniporme.
“Ako nga pala si Axel at ito si Bing. Mga Mangyan kami ngunit Badjao rito sa Maynila tuwing nanlilimos,” banggit ng matangkad na bata.
Manlilimos? Kaya pala nakabihis sila nang ganito. Sa Indanan, silang mga Badjao, kahit mahirap ang mga tao ay hindi nanlilimos. Hindi nila ginagawa ito dahil sagana naman ang dagat sa mga isda na maaari nilang kainin.
“Kalay, hindi ako marunong manlimos, ikaw ba?” bulong ni Maro sa kaniyang kaibigan.
Bago pa man siya makasagot, inunahan na siya ni Axel.
“Hoy payat! Anong binubulong mo riyan? Makinig ka sa akin. Ganito lang ang gagawin n’yo ng kasama mo. Kapag nakatigil ang mga sasakyan, lalo na ang mga jeep, sumakay kayo at ibigay sa mga nakasakay ang mga sobreng dala n’yo. Sumayaw- sayaw lang kayo ng mga sayaw n’yo sa Indanan habang tinutugtog ng isa ang tambol,” ani Axel.
“’Di ba’t galing kayo sa Indanan sa Sulu? Siguro naman mga Badjao talaga kayo kaya hindi na kayo mahihirapan tulad namin noong simula. Pag-uwi, ibibigay natin ang kita natin kay Tiyang Rosie at siya na ang bahalang magbigay ng parte natin,” paliwanag ni Bing.
Sa pagtigil ng mga sasakyan, itinulak ni Axel si Maro sa unang jeep na huminto sa kanilang harapan. Kasama si Kalay, nahihiya silang pumasok sa jeep at iniabot ang sobreng kanilang bitbit.
“Sa saliw ng tunog ng tambol, hinubad ko ang hiya at pinilit umindak sa bawat tunog ng tambol,” takbo ng isip ni Maro.
Nakaipon si Maro ng ilang barya mula sa hapong iyon at magmula noon ay hindi na bumaba sa singkuwenta ang kaniyang kita.
Sa paglipas ng mga araw, natuto siyang humabol ng mga jeep, sumakay sa likod ng pedicab, tumugtog ng tambol nang walang tiyempong sinusundan, at mamalimos kahit dagat na ang baha sa España. Para sa kaniya, madali lang namang sabihing: “Kami po ay mga Badjao mula Sulu. Pahingi naman po ng kahit konting barya pangkain lang.”
Ang pagkain nila sa araw-araw sa bahay ni Tiyang Rosie ay limitado sa dalawang pirasong tuyo at kanin, at kadalasan ay iniaawas pa sa kanilang mga kita. Minsan ay tinitiis na lamang ni Maro ang gutom para makapagpadala kay Raya at kay Tiya Loy.
Masaya niyang ipinadadala ang kakaunting kita upang makatulong sa mga pangangailangan ng itinuturing na pamilya. Hindi na baleng siya ang magutom, huwag lang sila. Madalas nagsusulatan ang magkapatid na sina Raya at Maro. Masaya niyang ibinabahagi ang mga karanasan niya rito sa Maynila—hindi bilang isang pulubi, kundi bilang isang manggagawa sa pabrika ng papel. Ayaw niyang malaman pa nila ang hirap na dinaranas nito sa araw na araw na pakikipagsapalaran sa kalsada. Makapagpadala lang sa kanila ay kuntento na ang batang si Maro. Ayaw na niyang mag-aalala pa sila para sa kaniya.
***
Isang araw ay hindi na sumagot si Raya sa ipinadadalang mga sulat ng kapatid. Naisip niyang baka hindi umaabot sa Indanan ang kaniyang mga pinadadala at sulat. Mula noon, wala na itong natanggap na sulat mula sa kaniya.
Sa anim na buwan na paghihintay, hindi ito kailanman nawalan ng pag-asa na baka sakaling may dumating na sagot sa perang pinaghihirapan niyang ipadala.
Isang araw ay nilapitan siya ni Tiyang Rosie at kinuwentong nakausap niya raw ang isang bagong Badjao na kaniyang na-recruit at doon ko narinig ang masaklap na balita.
Si Raya, ang kaniyang kapatid, kakampi, at kasama sa lahat, ay tuluyan nang nagrebelde at sumama sa nobyong labing-anim na taong gulang pa lamang.
“Kung naroroon lamang ako ay baka hindi ako makapagpigil at masaktan ko siya. Bakit niya ito nagawa? Habang nagpapakahirap ako rito sa Maynila, ayun siya—pariwara,” sigaw ni Maro sa kaibigang si Kalay.
Matapos ang araw na iyon, natuto si Maro magbisyo dahil sa galit sa mundo. Ang malamig na usok sa kaniyang baga ay nagsisilbing takas sa masaklap na realidad na kaniyang dinaranas.
Ang paminsan-minsang bisyo ay naging madalas. Sa higpit ni Tiyang Rosie sa kanila, tumatakas sila sa gabi upang sa labas magkasiyahan. Ang kakaunti nilang kita, kapag pinagsama-sama, ay sapat na upang mairaos ang kanilang bisyo.
Trabaho sa umaga, liwaliw sa gabi. Minsan pa ay mayroong mga oras na ang apat na magkakaibigan na sina Maro, Kalay, Axel, at Bing ay tumutungo sa Manila Bay. Doon ay nagbababad, nag-iinuman, naglalaro na lamang sila kasama ang kanilang mga tunaw na pangarap na iiinom na lamang kasama ang gin.
Sa perya din ay madalas tumambay ang apat upang magpalipas ng oras sa mga larong walang katuturan. Isang gabi ay nagkayayaan sila na magpustahan sa perya na nagkakahalaga ng isandaang piso. Nang lumabas ang kulay pula sa roleta—nanalo si Maro. Mayroon na naman siyang libreng pera na magagamit para sa kanilang pang happy-happy sa susunod na linggo dahil nalalapit na ang kaniyang kaarawan.
“Maro, hindi mo ba iyan itatabi para makauwi sa Indanan? Kapag natalo ka riyan ay masasayang ang pamasahe mo pauwi,” tanong ni Kalay.
Indanan? Biglang bumalik sa mga alaala ni Maro ang lahat ng tungkol sa Indanan at sa kanilang mga Badjao—si Raya, si Tiya Loy, at ang dagat.
Tumalikod ito sa kaniya at muling itinaya ang pera sa roleta.