PANGKARANIWAN mang maituturing ang isang bagay, mayroon at mayroon pa rin itong makabuluhang epektong maidudulot sa atin.

Dito nakasentro ang antolohiyang Baha-bahagdang Karupukan ni Jim Pascual Agustin (UST Publishing House, 2011), isang makatang kasalukuyang naka-base sa bansang Aprika, kung saan niya isinulat ang ilan sa mga tula sa aklat. Ang Baha-bahagdang Karupukan ay isang koleksiyon ng mga tulang nakatuon sa mga bagay at pangyayaring mistulang nalilimutan nang pahalagahan ng mga tao dahil sa pagiging abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain.

Inilarawan ng may-akda ang iba’t ibang obserbasyon niya sa kaniyang paligid sa pamamagitan ng mga tulang ginamitan niya ng malayang taludturan, kaakibat ang ilang mga kabalintunaan ng buhay, gaya ng kabigatan sa damdaming dala ng kawalan, o ng mga salitang dulot ng katahimikan?mga pahayag na ang sinasabi ay kasalungat ng tunay na nangyayari.

Nahahati sa apat na bahagi ang aklat, kung saan ang bawat bahagi ay mayroong pamagat na nagsisilbing gabay ng mambabasa sa mga temang nakapaloob sa mga tula.

Sa unang bahagi na pinamagatang “Dugo sa Tuhod,” ang mga tula ay nakatuon sa pinakamahalagang yunit ng lipunan—ang pamilya. Sari-saring mga tauhan ang ginamit sa bawat tula gaya ng sanggol, na inilalarawan sa tulang “Aral Sa Wika,” isang mag-anak, na matatagpuan naman sa tulang “Nakatayo sa Tagaytay,” at ang mga magulang ng may-akda, na tinutukoy sa tulang “Gunita ng Aking Mga Magulang #1.” Ibinahagi rin ng may-akda ang kaniyang mga karanasan at saloobin noong siya ay musmos pa lamang. Samantala, may mga tula ring nakapaloob sa bahaging ito na tila ang may-akda lamang ang may kakayahang makaintindi ng tunay na mensahe dahil sa taglay nitong mga personal na detalye’t damdaming tanging siya lamang ang maaaring makapagpaliwanag sa mambabasa, gaya ng tulang “Matalik Kitang Kaibigan, Anne, Gayong Nagpakamatay Ka Bago pa Ako Magkamalay.”

READ
Librarians protest master's requirement

Ang tulang “Ang Regalo ni Tiyo Pepe” sa ikalawang bahagi ng antolohiya (Sining ng Pagkalas). Ito ay ang kauna-unahang tulang naisulat sa koleksiyong ito na nalikha niya noong 1989. Hindi sinasadyang natagpuan ang tula sa bahay ng kaniyang ina sa San Roque, Marikina, matapos ang paghupa ng bahang dulot ng bagyong Ondoy noong 2009.

Sa mga susunod pang tula sa bahaging ito, binigyang-pansin ng may-akda ang mga manggagawa, na matatagpuan sa tulang “Papuri sa mga Manggagawang Humabi ng Repridyereytor,” ang mga kasambahay, na siyang tinutukoy sa tulang “Sundo,” at pati na rin ang mga sinasabi niyang biktima ng death penalty, na mahihinuha sa tulang “Ang Pagdiriwang ng mga Aswang.” Bagaman ang may-akda ay nananahan sa ibang bansa, ang pagkakaroon niya ng pagpapahalaga sa ilang mga lugar sa Pilipinas ay hindi maikakaila, lalo na sa mga tulang “Lipas (sa EDSA),” “Cainta-Crossing,” at “Bus Marikina.”

Ang ikatlong bahagi ng antolohiya ay pinamagatang “Baha-bahagdang Karupukan.”

Ang paninirahan ng may-akda sa Aprika ay mapapansin sa ilang mga tulang nakapaloob sa bahaging ito, ilan na rito ang “Sa Sudan?,” “Ang Tanging Dalangin,” “Ambon sa Timog Afrika,” at “Taglamig sa Timog Afrika.” Sa kabila nito, ang pamumuhay niya sa ibang bansa ay hindi nangangahulugang nalimutan niya na ang katotohanang siya pa rin ay isang dayuhan dahil sa mga tulang “Dayuhan” at “Dayuhang Bigas.”

Bukod sa pisikal na kinalalagyan niya, ang ilang tula rin ng may-akda ay nakatuon sa kaniyang mga pansariling kuwento at damdamin, tulad ng kaniyang pananaw sa paglimot, na kaniyang ipinaliwanag sa tulang “Pag-iwan ng Bukas” at ang kaniyang pag-iisa, na inilarawan niya sa tulang “Kabigatan ang Kawalan.” Gayun pa man, may ilang tula sa bahaging ito na, tulad ng sa unang bahagi, mga personal na damdamin na lamang ng may-akda ang napapaloob, gaya ng mga tulang “Sikyong Tanod sa Hanay ng Unemployment Insurance Fund” at “Ang Larawan ni Flor Contemplacion sa Weekly Mail & Guardian, SA.” Ang mga tulang ito ay mistulang dulot na lamang ng pasumalang mga ideya ng may-akda na naisipan niyang isali sa tula, sa puntong ang mga mambabasa ay wala nang matatagpuang kaugnayan nito sa tema ng ikatlong bahaging ito.

READ
A new-generation chef-preneur

Ang mga tulang “Sa Bundok na Itong Yakap-yakap” at “Karayom sa Iyong Karupukan,” na inialay ni Agustin sa kaniyang asawa’t mga anak, ay matatagpuan sa huling bahagi ng antolohiya na pinamagatang, “Aking Kayumanggi, Iyong Puti.” Ang mga tula sa parteng ito ay nagbibigay-pansin sa mga lugar na napuntahan ng may-akda sa Pilipinas. Sa huli, nag-iwan ang may-akda ng isang alamat na sumasalamin sa tunay na halaga ng kalayaan.

Ang antolohiyang ito ni Agustin ay may kagandahang mahirap mawari sa umpisa, ngunit siguradong mapagtatanto rin sa pagtagal ng pagbabasa at pagsusuri dahil sa maiiwan nitong leksiyon sa mambabasa. Ang mga aral na dala ng kulturang Filipino ay hindi nalimutang ipakita ng may-akda, gaya ng pagtanaw ng utang na loob at hindi paglimot sa pinanggalingan. Sa tulong ng antolohiya, ang mambabasa ay higit na magiging mapagmasid at mapagpahalaga sa kaniyang paligid. Mahihinuha ng mambabasa ang sinasabing ganda nito–isang gandang hindi pangkaraniwan, dahil tumatanaw ito sa mga bagay na karaniwang nakaliligtaan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.