INILAPIT ng Unibersidad ang sining sa mga Tomasino sa pamamagitan ng paggamit at paglinang nito.

Pinangunahan ni Padre Silvestre Sancho, O.P., dating rector magnificus ng UST, ang pagbubukas ng kauna-unahang art gallery para sa mga mag-aaral noong Hulyo 1940 na dinaluhan ng iba’t ibang bihasa sa mundo ng sining.

Tampok sa naturang gallery ay ang mga gawang pinta ng mga estudyante ng Unibersidad.

Samantala, pinamunuan ni Galo B. Ocampo, propesor ng sining sa Unibersidad, noong Marso 1941 ang paglulunsad ng kauna-unahang exhibit ng mga iba’t ibang obrang gawa ng mga Tomasino.

Mayroong 93 na mga dibuho’t mga larawang kasama sa naturang exhibit na itinanghal sa dating University gymnasium at ibinukod sa tatlong pangkat—relihiyoso, makasaysayan at Filipiñana.

Bagaman sadyang ikinubli sa publiko ang mga pangalan ng mga batikang pintor na kasali sa patimpalak, hindi ito naging hadlang upang mapukaw ang mga interes ng mga taong dumalo.

Bukod sa mga obra ng mga kalahok, itinanghal din ang mga dibuho at obra ng mga mag-aaral mula sa dating School of Architecture and Fine Arts.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang nasa likod ng pagpapatatag ng ng Nursing education sa bansa?

Nagtapos si Sor Paz Taningco Marfori ng summa cum laude sa kursong Nursing noong 1951 at magna cum laude naman sa kursong Education noong 1954 sa Unibersidad.

Matapos magkamit ng matataas na parangal akademya, pinangunahan ni Marfori ang pagtaguyod sa larangan ng Nursing sa bansa sa pamamagitan ng pag-aalis ng dalawang taong supplemental program at ginawa na lamang ang Nursing bilang isang professional degree.

READ
Supply havens just around the corner

Noong 1958, isinulong din niya ang kursong Master of Arts in Nursing sa Graduate School ng Unibersidad.

Siya rin ay nagsilbing dekana ng UST College of Nursing sa loob ng siyam na taon kung kailan nakilala ang naturang kolehiyo sa pananatili nito ng 100-percent passing rate sa board exam.

Dahil sa kaniyang angking husay, iginagalang si Marfori at itinuturing na panghabangbuhay na miyembro ng Philippine Nurses’ Association, Catholic Nurses’ Guild, International Council of Catholic Nurses at Association of Deans and Principals of Philippine Colleges and Schools of Nursing, Inc.

Natagpuan ni Marfori ang kaniyang tunay na tungkulin sa pagiging disipulo ng kongregasyon ng Daughters of Charity of St. Vincent De Paul kung saan siya kasalukyang nananatili. JONELLE V. MARCOS

Tomasalitaan:

Gupiling (PNG)—mababaw na pagtulog; idlip

Hal.: Idinaan na lamang niya sa isang gupiling ang panandaliang paglimot sa kaniyang malubhang karamdaman.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 6, July 12, 1940

The Varsitarian: Tomo XIII, Blg. 8, August 10, 1940

The Varsitarian: Tomo XIV, Blg. 3, Marso 22, 1941

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.