NOONG nakaraang buwan, nasaksihan ng mga Tomasino ang pagsasakatuparan ng isang facebook event na pianamagatang “Sabay-sabay tatawid sa Espanya.” Sa loob-loob ko, sana ganito rin ang maging mithiin ng pamilya Ampatuan—ang sabay-sabay na humarap sa korte.

Tila nahaharap ngayon ang dating gobernador ng ARMM na si Zaldy Ampatuan sa pinakadramatikong tagpo ng kaniyang buhay, kung saan siya ang parehong bida at kontrabida.

Kamakailan nang lumabas ang balitang nais ni Zaldy Ampatuan na maging state witness sa malagim na Maguindanao Massacre at sa naganap na pandaraya ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo noong eleksyon 2004. Nangangahulugan ito ng pagharap niya sa korte laban sa kaniyang ama na si Andal Sr. at kapatid na si Andal Jr.

Habang pinakikinggan ang balitang ito, hindi ko napigilang magduda sa kung ano ang tunay na motibo ni Ampatuan sa paglalaglag ng kaniyang mga kapamilya at pagpipilit na maging isang bayani. Maaaring tinatablan na siya ng konsensiya, maaaring hindi.

Noong nakaraang administrasyon, mumunting aksyon ang naigawad sa pamilya ng 58 mga namatay dahil sa karumal-dumal na pagpaslang, maliban sa mga pangakong pagsuporta sa naiwang pamilya at ang “katarungang” hinihingi ng lahat. Sa kasalukuyan, 79 mga tao ang nakakulong dahil sa kaso tungkol sa Maguindanao Massacre ngunit hanggang ngayon, wala pa rin mismong maituro bilang ugat ng naganap na krimen.

Sa pagkakalantad ni Ampatuan ngayon sa mga naging anomalya noong panahon ni Arroyo, tila lumalabas na kaya niya ito ginagawa ay dahil isang masidhing reporma ng kasalukuyang administrasyon ang paghahalungkat ng “korapsyon” noon. Bagaman tinanggihan ni Pangulong Aquino ang ideya ng pagiging state witness ni Ampatuan, hindi malabong gamitin pa rin niya ito upang madiin si Arroyo.

READ
Kapuri-puring panimula

Sa pagdadawit niya sa kaniyang ama at kapatid, bakit kaya hindi na lang silang lahat ang maglakas-loob na harapin kung ano man ang magiging hatol ng Korte Suprema? Hindi ba’t kaduwagang maituturing ang paglalaglag sa mga kasama sa oras ng kagipitan? Sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagharap sa korte, higit na magiging malinaw ang pagtatanong sa mga suspek at sa gayong paraan, ang kanilang pamilya ay magkakaroon ng iisang malinaw at matibay na paninidigan laban sa isyu.

Ang katotohanang hinahanap ng lahat ay ang katarungang mailap. Maski gaano kalalim ang ungkatin natin mula sa nakaraan, hindi nito maibabalik ang mga buhay na naibuwis—mga buhay na nawala dahil mismo sa pagahahayag ng katotohanan.

Sa aking pagsusulat nito, bukas ay ipakikita pa lamang ni Pangulong Aquino ang kaniyang SONA o State of the Nation Address. Umaasa ako na may gagawin siyang kongkretong aksyon hindi lamang para sa mga pamilya ng mga biktima, kundi upang mapabuti ang sistema ng hustisya sa ating bansa. Kung noon ay ipinangako niyang wala ng wang-wang, nawa’y ngayon ay mawala na rin ang bang-bang.

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mayroong pinakamalayang pamamahayag. Ang kalayaan ay hindi agad-agad masusupil ng pananakot o paninindak. Huwag nating hayaan mapunta sa wala ang buhay na ibinuwis ng 58 mga tao na nagbuwis ng buhay para sa kanilang kapwa Pilipino. Sila ang tunay na mga bayani at hindi ang kung sino-sino na nagsasalita ukol sa krimen.

Mahigit dalawang taon na ang lumipas mula nang mangyari ang malagim na pagpatay sa 58 na tao sa Maguindanao na karamihan ay mga mamamahayag na nagnais lamang na gamapanan ang kanilang tungkulin. Nasaan na ang konsepto ng hustisya sa ating bansa? Sabi nga ng isang kasabihan sa Ingles, “Justice delayed is justice denied.”

READ
CTHM produces most students with laudes

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.