ANG PILIPINAS ba ay isang bansa ng mga manggagaya? Nangangalawang na ba tayo pagdating sa pagiging malikhain? Ang kalidad ba ng ating mga programa sa telebisyon at sinehan ay tuluyan nang bumaba?

Dahil sa aking mga naoobserbahan, isang malaking “oo” ang aking sagot.

Bihira na lang akong magkaroon ng pagkakataong manood ng telebisyon. Ngunit kamakailan lang ay nalaman ko na napakarami nang programa sa mga higanteng TV station ang kadalasa’y ginaya lamang o kinuha ang ideya mula sa ibang bansa. Ang “The Biggest Loser,” “Green Rose,” “Who Wants to be a Millionaire,” “All About Eve,” at “Pilipinas Got Talent” ang ilan lamang sa mga ito.

‘Wag ding kalimutan ang mapagmatyag na mga kamera ni Big Brother. At sa halos walong taon na nitong pag-ere, isa pa ring malaking palaisipan sa akin kung anong meron at nahuhumaling dito ang mga Pilipino. Marahil likas lang talaga sa atin ang pagiging usisero sa buhay ng iba.

Kahit ang musika ay hindi ligtas sa krisis ng pagiging malikhain. Ilang beses ko nang narinig ang iba’t ibang rendisyon ng mga awiting “Crazy for You,” “Umbrella,” “Bakit ngayon ka lang,” at “I’m Yours.” Hindi ako natutuwa sa revivals. Pakiramdam ko isa lang itong gimik ng mga musikero upang maging tanyag sa pamamagitan ng pagkanta din ng mga sikat na awitin. Theory of association, ika nga. Dagdag pa rito, hindi na nila kailangang maghirap at maghanap ng inspirasyon upang makabuo ng bagong mga liriko at komposisyon.

Ngunit hindi katwiran ang globalisasyon upang hindi na tayo mag-isip ng mga makabagong ideya. Sinabi ni Herman Melville ang katagang “It is better to fail in originality than to succeed in imitation” ng may magandang dahilan: Ang pagkilala dahil sa isang bagay na ginaya mo lamang ay isang ilusyon sapagkat hindi mo masasabing pinaghirapan mo ito.

READ
Reconciling print and online journalism

Isa ring dahilan ang komersiyo. Sa kapitalistang bansa tulad ng Pilipinas, ang pagkakaroon ng mas maraming manonood at advertisers ang pina-prayoridad ng mga kompanya. “Law of Supply and Demand,” ika nga. Kung ang gusto ng madla ay isang palabas na may mga babaeng sumasayaw na halos kita na ang kaluluwa sa tanghaling tapat, ibibigay nila ito. Kung nakahahanap sila ng inspirasyon (kung ito man ang maitatawag) sa mga programang makakakuha ka ng mabilisang pera sa pamamagitan lang ng pag-kembot sa harap ng kamera at pagpili ng bayong na maaaring naglalaman ng malaking papremyo, ibibigay nila iyon. ‘Wag ding kalimutan ang obligatory na pagpapasalamat sa programa at sa mga advertiser para sa kanilang “ginintuang puso.”

Pero sino nga ba ang may kasalanan? Ang mga TV station ba na naghahain ng ganitong mga programa o ang mga taong tumatangkilik nito?

Maaari kong sabihin na huwag tangkilikin ang programang may kwestiyonableng kalidad, pero hindi lahat ay may cable sa bahay. Kaya naman minsan kung ano lang ang nasa telebisyon ay ‘yun na ang tatangkilikin nila.

Pangalawa, hindi yata alam ng media ang kapangyarihan nilang hulmahin ang kaisipan ng mga manonood. Kung ang mga simpleng bagay tulad ng pagpapakita ng kalaswaan sa tanghaling tapat ay gagawing araw-araw, iisipin nilang normal na lang ito.

Samakatuwid, ang mga TV station ang may pangunahing responsibilidad upang siguraduhin ang mga inihahain nila sa mga manonood ay mga dekalidad na programa at hindi basura.

***

Nakakalungkot din ang mga Pinoy films na lumalabas sa mga sinehan ngayon. Ang mga palabas tulad ng “The Adventures of Pureza, the Queen of the Riles,” “Tween Academy,” at “Lisensyadong Kamao,” ay tunay ngang nakakalungkot. Kailan ba huling nagkaroon ng mga palabas ang mga malalaking film companies na hindi isang novelty film kung hindi bilang isang sining o paglalarawan ng ating lipunan at kultura? Makapanonood pa kaya ulit tayo ng mga bagong de-kalbreng pelikulang tulad ng “Anak,” “Dekada ’70,” “Tanging Yaman,” at “Jose Rizal?

READ
Madalas na pag-inom ng 'energy drinks,' delikado para sa katawan

Nagpapasalamat na lang ako at mayroon tayong Cinemalaya na pinapatunayang minsan, ang magagandang mga palabas ay hindi nangangailangan ng malaking salapi, bigating sponsors, at tadtarang advertising. Ang “Magnifico,” “Pagdadalaga ni Maximo Oliveros,” “Engkwentro,” at “Serbis” ay mga patunay na hindi pa tuluyang lugmok ang mundo ng pinilakang tabing. Dagdag pa rito, ang pagsikat ng “Ang Babae sa Septic Tank” ay isang magandang pangitain na ng mas maraming Pilipino na ang tumatangkilik sa independent films.

***

Kung may dalawang uri ng pahayag man na sa tingin ko’y dapat nang mawala sa ating mga Pilipino, ito ay ang “basta” at “kahit na.” Unang-una, ang pahayag na “basta” ay ang pinakamababang uri ng diskurso dahil wala ka namang binibigay na katwiran. Kapag tinanong ka kung bakit kailangan mong gawin ang isang bagay at “basta” lang ang isasagot mo, nagmumukhang hindi mo din alam o kaya nama’y may tahasan kang inililihim.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.