IPAGBABAWAL din kaya ang pagbebenta ng energy drinks sa Pilipinas?
Sikat man ang mga ito sa mga mag-aaral bilang pantanggal ng antok habang nag-aaral, nagbabala ang mga eksperto na ang labis na pagkonsumo ng energy drinks ay makasasama sa kalusugan.
Ang energy drinks ay mga inuming nakapagdadagdag ng pisikal na lakas at nakatutulong na gawing mas listo ang isipan.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala ng Royal College of Psychiatrists, direktang naaapektuhan ng energy drinks ang central nervous system (CNS) at cardiac muscles ng ating katawan.
Ang CNS ay responsable sa pagsasama-sama ng mga impormasyon na ipinapadala ng iba’t ibang parte ng katawan at nagtutugma ng mga gawa at kilos ng tao, samantalang ang cardiac muscles naman ang responsable sa pagtibok ng puso.
Bagaman ang mga inuming ito ay nagbibigay ng mga nabanggit na pansamantalang epekto, may mga pananaliksik na naglalahad na ang labis na pagkonsumo nito ay maaaring magdulot ng pinsala sa kalusugan.
Ayon sa isang pananaliksik ng University of North Texas (UNT), hindi lamang pagtaas ng presyon ang posibleng maging epekto ng labis na pag-inom nito dahil maaari rin itong magdulot ng sakit ng ulo, mabilis na pagtibok ng puso, pagsusuka, at insomnia—isang kondisyon kung saan nahihirapan sa pagtulog ang isang tao.
Ang mga karamdamang ito ay maaaring epekto ng labis na pagkonsumo ng caffeine na siyang pagunahing sangkap ng energy drinks.
Ang caffeine ay isang mapait na chemical compound na nagsisilbing stimulant na pansamantalang nagpapalakas ng katawan at isipan. Ito ay karaniwang natatagpuan sa buto ng kape at dahon ng tsaa.
Isinasaad din sa pag-aaral na ang dami ng mga inumin na kinokonsumo sa isang araw ng isang tao ay dapat mas mababa sa 300 miligramo o katumbas ng tatlong tasa ng kape.
Base sa mga datos ng naturang pag-aaral, mayroong mga energy drinks na doble ng sa kape ang dami ng caffeine, bagaman mayroon din namang sapat lamang ang dami.
Masamang kombinasyon
Sinang-ayunan ni Cristina Sagum, tagapangulo ng Department of Nutrition and Dietetics ng College of Education, ang mga pag-aaral na maaaring magdulot ng “alta-presyon” ang labis na pag-inom ng energy drinks.
“Hindi maganda sa katawan ng tao kapag sumobra ang pag-inom, lalo na para sa mga [atleta] dahil ang mismong laro ay nakapagpapabilis na ng heart rate, higit pa kung sasamahan ito ng pag-inom ng energy drink,” aniya.
Idinagdag pa niya na hindi rin makabubuti sa katawan ang pagkonsumo ng energy drinks bilang sports drink.
“Hindi maganda dahil ito (energy drink) ay may dehydrating effect. Hinihila nito ang electrolytes mula sa katawan ng tao,” ani Sagum.
Binigyang-linaw din niya ang pagkakaiba ng energy drinks sa sports drinks sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga pangunahing sangkap ng bawat isa.
“Ang pangunahing sangkap ng mga energy drinks ay caffeine na nagsisilbing energy booster dahil pinapanatili nitong gising at listo ang taong uminom nito,” ani Sagum. “Samantala, ang sports drink naman ay iniinom ng mga taong aktibo sa pampalakasan.”
Naaapektuhan ng electrolytes, mineral sa dugo ng tao, ang antas at dami ng tubig sa katawan. Labis na pagpapawis ang kadalasang sanhi ng pagkawala nito.
Nagbabala rin si Sagum na hindi magandang pagsabayin ang pag-inom ng energy drink at alak.
“Magkasalungat ang epekto ng dalawang inuming ito. Ang mga alak ay nagsisilbing depressant, samantalang stimulant naman ang ganap ng energy drinks,” aniya.
Pinabababa at pinababagal ng mga depressants ang takbo ng isipan at katawan ng taong uminom nito, habang kabaligtaran naman ang ginagawa ng isang stimulant.
Ayon sa Office of Alcohol and Drug Education ng University of Notre Dame, ang kombinasyon ng alak at caffeine ay nagdudulot ng hindi pagkaramdam ng pagod, kaya naman may posibilidad na ang taong umiinom ay lumagpas sa ligtas na lebel at dami ng alkohol na maaaring ikonsumo.
Nilinaw din ni Sagum na ang mga energy drinks ay nakapagdadagdag lamang ng pisikal na lakas at hindi maituturing na isang dietary supplement.
“Ibinibigay ng dietary supplements ang mga kulang na sustansiya sa mga kinakain ng isang tao. Hindi ito (energy drink) maaaring maging supplement kung wala ito ng mga sustansiya na kailangan ng katawan ng tao,” aniya.
Dahil sa ilang pananaliksik kung saan napag-alaman na negatibong naaapektuhan ang konsentrasyon ng mga mag-aaral sa klase, may ilang mga paaralan sa England at Mexico ang nagsulong na ipagbawal ang pagbebenta ng mga inuming ito sa mga mag-aaral. May ilang energy drinks na rin ang ipinagbawal sa Germany, France, Norway, Uruguay, at Denmark.
Sa Pilipinas, may isang tatak ng energy drink ang ipinagbawal dahil sa hinalang nagiging sanhi ito ng pagkabaog ng mga lalaki.
Samantala, sinabi ni Sagum na uminom lamang nito kapag kailangan, bagaman maaari namang makuha ang mga benepisyo na ninanais sa pamamagitan ng malusog na sistema ng pamumuhay.
“Kailangan magkaroon ng balanse sa pagkain. Ito ay naglalaman ng mga pagkain na mayaman sa protina, tulad ng kanin at karne. Kailangan din ito sabayan ng pagkain ng prutas at gulay pati ng pag-inom ng maraming tubig,” aniya.
Kasama ng tamang nutrisyon, inirekomenda rin ng UNT ang pagtulog sa tamang oras at pag-eehersisyo bilang ilan sa mga natural na paraan upang palakasin ang katawan.