BILANG pagkilala sa mga natatanging kontribusyon ng media sa lipunan, ang Unibersidad ay nagkaroon noon ng scholarship grants para sa mga mamamahayag.
Layunin ng programang ito na mapalawak ang kaalaman ng mga mamamahayag bilang mga “mata” ng lipunan, at isa sa mga tagapaghubog ng nasyonalismo ng mga mamamayan.
Taong 1956 nang makipag-ugnayan ang dating dekano ng Civil Law na si Ramon Oben kay Jose Aspiras na noo’y pangulo ng National Press Club (NPC) sa posibilidad ng pagkakaloob ng grants sa Unibersidad para sa mga mamamahayag.
Agad namang sinang-ayunan ng noo’y Rektor P. Jesus Castañon, O.P., ang programa na maaaring matamasa ng mga mamamahayag at ng kanilang mga asawa’t anak.
Noong panuruang taon 1957-1958 ay nagsimula nang tumanggap ng tatlong iskolar ang Unibersidad bawat semestre.
Kabilang sa mga kursong maaaring kunin ng mga iskolar ay education, medicine, pharmacy, law, philosophy and letters, journalism, liberal arts, commerce, engineering, architecture, fine arts, music, nursing, at pati na rin sa mataas na paaralan.
Pinipili ang mga iskolar sa pamamagitan sa isang komite na pinangungunahan ni Luis Mauricio, dating bise presidente ng NPC. Ang mga napili ay irerekomenda sa Rektor na siyang mamimili sa mga bibigyan ng scholarship.
Makalipas ang ilang taon, ang nasabing scholarship ay kusang nahinto sapagkat hindi na nagpadala ang NPC ng mga iskolar para sa programa.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang namumuno sa pag-imprenta ng mga pera sa inyong mga pitaka ngayon?
Si Nanette Adorador-Ella, isang kimiko, ang Tomasinong nag-iimprenta ng mga salapi para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Nagtapos ng kursong B.S. Chemistry noong 1974, naging empleyado si Ella ng Bureau of Animal Industry, isang ahensiya ng pamahalaan na sumusuri sa kalagayan ng mga domestikadong hayop sa bansa.
Matapos nito ay nanilbihan siya bilang quality control technician sa kumpanyang Mead Johnson Philippines Inc. na tumitingin sa mga gamot, bitamina, gatas, at iba pang mga produkto ng kompanya.
Gumawa rin si Ella ng mga saliksik tungkol sa posibleng plant feeds sa Bureau of Plant Industry, isang ahensiya ng gobyerno na tumitingin sa sektor ng paghahalaman sa bansa.
Taong 1977 nang siya ay maging tagasuri ng barya o coin inspector sa BSP kung saan masinsinan niyang sinusuri ang bawat detalye ng mga barya kung depektibo ang mga ito.
Ang laboratoryo ng BSP rin ang namamahala sa mga baryang nagmumula sa ibang bansa kung saan si Ella ay naging tagasuri ng coin metal contents upang matukoy kung alinsunod ang kalidad ng mga ito itinakdang pamantayan ng BSP.
Mula taong 2004 hanggang sa kasalukuyan, si Ella ay nanunungkulan bilang Deputy Director of the Mint and Refinery Operations Department ng BSP. Pinamamahalaan niya rito ang dalawang departamento, ang mint laboratory at coin refinery.
Ang minting ang proseso ng paggawa ng mga barya samantalang ang kalidad ng mga ito ay sinusuri sa refinery.
Si Ella ay isa sa mga taong nasa likod ng layuning pagkakaroon ng mga baryang may nakalagay na “UST at 400” bilang pagdiriwang sa nalalapit na ika-400 na anibersaryo ng Unibersidad sa susunod na taon.
Tomasalitaan:
Alimpuyu (png) – nunal
Halimbawa: Si Nora Aunor, na kinikilalang isa sa mga pinakamahusay na aktres sa pinilakang tabing, ay kilala sa kaniyang alimpuyu sa kaliwang pisngi.
Mga Sanggunian:
De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc., 2000
The Varsitarian: Breaktime. Tomo 4 Blg. 1, Mayo 2006