MADRID, Espanya—Humigit- kumulang tatlong libong Pilipino mula sa iba’t ibang parokya, diyosesis, at paaralan sa Pilipinas at maging sa iba’t ibang dako ng mundo ang nagtungo sa lungsod na ito upang makiisa sa pagdiriwang ng ika-26 na World Youth Day (WYD) na naganap nitong buwan.

Ayon sa mga nag-organisa ng WYD dito sa lungsod na ito, 2, 000 Pilipinong kabataan, pari, madre at mga layko ang lumahok sa WYD na galing sa Pilipinas at may isang libong overseas Filipino workers (OFW), layko at paring misyonero naman ang nakiisa kasama sa delegasyon ng ibang bansa.

Nagmistulang reunion ng mga Pilipino ang isang linggong pagtitipon ng mga WYD delegates dito noong ika-16 hanggang 20 ng Agosto. Kahit na nagmula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at iba’t ibang bansa, agad na nagkukumustahan at nakikipagkaibigan ang mga Pilipino sa kanilang mga kababayan na may daladalang watawat ng Pilipinas o kaya nama’y nakasuot ng damit na may mapa ng bansa.

Isa si Padre Uldarico Camus, isang Pilipinong pari na lider ng WYD delegation mula sa Sacred Heart Church ng bansang Bahrain, sa mga Pilipinong nagrehistro kabilang ang mga delegado mula sa ibang bansa. Ayon sa kaniya, kakaiba ang pakiramdam na makakita ng kaniyang kabayan sa WYD.

“Masaya ako ‘pag nakakakita ako ng mga Pilipino, lalo na sa WYD. Excited ako makipagkuwentuhan at makibalita mula sa kanila. Pagkausap ko sila, para na rin akong nasa Pilipinas,” ani Camus.

Para naman kay Rosalyn Villanueva, isang OFW na nagtatrabaho sa Milan, ang pagdiriwang ang nagsilbing pagkakataon na rin upang makipagkita muli sila ng kaniyang mga kapwa Cabalen.

READ
Hair-raising policy

Sa loob ng isang linggo ng WYD, natutulog ang mga delegado ng WYD sa lapag ng iba’t ibang paaralan, sports center, at mga parokya sa Madrid at ilang kalapit na lungsod. Araw-araw silang nagtiis sa mataas na temperatura sa España, naglalakad o nagbibyahe nang matagal upang makibahagi sa mga aktibidad ng WYD sa iba’t ibang lugar sa lungsod, naliligo sa “communal shower” at naghihintay ng matagal sa pila sa mga limitadong charging ports para makargahan ang baterya ng kanilang mga electronics.

Ngunit sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan nila, kabilang ang paglakad ng mahaba sa kasagsagan ng tanghali upang makadalo sa vigil at closing Mass na pinangunahan ng Santo Papang si Benedicto XVI sa Cuatro Vientos Airspace.

Kasabay nito, hinimok naman ng Obispo ng Legazpi, Albay na si Joel Baylon ang mga Pilipino na ialay ang kanilang paghihirap bilang sakripisyo para sa Panginoon.

“Bahagi ng regalo ng WYD ang lahat ng hirap na napag-daanan ng mga delegado. Nakalulungkot isipin na ‘di makikita ng ilan ang dahilan kung bakit nila naranasan ang naranasan nila. Woe to those who will miss the point of their experience,” aniya.

Sabi pa ni Baylon, chairman ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, obligasyon ng mga delegado ng WYD na ibahagi ang kanilang mga natutunan sa WYD sa kanilang mga kasamahan sa parokya, komunidad at pamilya.

Niyaya rin niya ang mga Pilipinong kabataan na makilahok sa susunod na WYD na gaganapin sa Rio de Jainero, Brazil sa 2013. Pinaalalahanan niya lamang ang mga ito na ihanda ang sarili para sa okasyon.

READ
Un-granted wishes

Bagaman ang mga organizers ng WYD ay isinasaalang-alang ang ECY-Pilipinas bilang opisyal na delegasyon na kumakatawan sa Pilipinas, mayroong pa ring maraming mga grupo sa labas ang ECY-Pilipinas na pumapasok sa WYD na nakikitira sa iba’t ibang lugar sa Madrid.

Ilang grupo rin ng mga mag-aaral mula sa UST ang nakilahok sa taunang pagdiriwang kasama ang Archdiocese ng Manila.

Isa pang group mula sa Unibersidad ang sumali sa isang magkahiwalay na grupo, ang Dominican Network (DomNet) ng Pilipinas, na lumahok naman sa Dominican World Youth Day, na gaganapin sa kasavay ang opisyal ng WYD.

Taong 1995 nang isigawa ng UST ang WYD sa Pilipinas na dinaluhan ng libu-libong Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo.

Sa tulong ng Internet

Maibabahagi sa sambayanang Pilipino ang pagdiriwang ng WYD sa pamamagitan lamang ng paggamit ng Internet.

Inilunsad ng ECY ang isang website (www.wyd.pinoy.com) na naglalayong ibahagi sa mga hindi makakadalo ang magiging karanasan ng mga kabataang Pilipino sa WYD.

Bahagi ng delegasyon ng ECY para sa WYD ang 427 na pilgrims mula sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng chairman ng ECY na si Albay Bishop Joel Baylon na ang pinaka-inaalala ng mga Pilipinong gustong dumalo sa WYD ay ang distansya ng Pilipinas sa paggaganapan ng pagdiriwang kung saan ang isang tao ay gagastos ng halos P78,000 para sa kaniyang two-way ticket, hindi pa kasama rito ang gugugulin sa pagpapatala.

Ngunit idinagdag ni Baylon na ang mga Pilipinong hindi makapupunta sa mismong WYD ay maaaring makibahagi sa pamamagitan ng isang website.

READ
A 'Thomasian Jesuit's' calling: Protect the sanctity of marriage

Samantala, sinabi ni Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-ECY, na kaalinsabay ng pagdiriwang ng WYD sa Madrid ay ang pagdedeklara ng CBCP sa taong 2011 bilang “Taon ng mga Kabataan.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.