PINUNA ng isang Tomasinong makata ang kawalan ng inisyatiba ng mga Filipino sa pagsasaliksik sa mga sinaunang wika at kultura ng bansa.

“[I]sang uri ng sampal sa mukha dahil sa halip na tayo ang nag-aaral sa sarili, bakit iba pang bansa ang nagpapadala ng iskolar para aralin tayo. E ‘di ba dapat tayo ang nag-aaral sa sarili natin, tayo ang nagpapaliwanag?” wika ni Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera sa kaniyang lekturang “Uicain Mo, Naquiquinig Aco: A lecture on 19th Century Tagalog” sa Museo ni Rizal sa Calamba, Laguna noong ika-15 ng Agosto.

Dagdag pa niya, dapat na himukin ang mga kabataan na magpakadalubhasa sa mga sariling larangan nang magkaroon ng ambag sa lipunan.

Binigyang-diin din ni Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian, na mahalaga ang pagsunod ng wika sa mga inobasyon sa agham at teknolohiya.

“Adaptasyon, ‘yong pag-angkop, ‘yong pag-akma mo sa mga nangyayari sa paligid para iayon mo sa mga nangyayari,” wika ni Nadera sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon pa kay Nadera, hindi lang dapat sa saliksik natatapos ang pagsunod ng wika sa mga pagbabago. Dapat itong ituloy sa preserbasyon hanggang maging popular ito sa bansa, aniya.

Winika rin ni Nadera na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang nagiging resulta ng panghihimasok ng ibang bansa sa kultura ng Filipinas.

“Binabago na ‘yong bansa mo, binabago na ‘yong mundo mo, binabago na ‘yong universe mo, tatawa-tawa ka pa? Ang lahat ng ‘yan ay maiiwan bilang alaala na makikita sa ating wika. ‘Yan ang pananakop,” wika ni Nadera.

Ipinalaganap ni Nadera ang “poetry therapy,” o ang paggamit ng tula at pagtatanghal sa paghilom ng sarili. may ulat mula kina Klyra V. Orbien at Renzelle Shayne V. Picar

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.