“BINUHAY” ng Unibersidad ang Department of History na posibleng magbigay-daan sa mga bagong programang pang-akademiko sa Unibersidad.

Pinamumunuan ni Prop. Augusto de Viana ng Graduate School, ang departamento ang nagsisilbing simula ng vertical articulation sa UST kung saan ang mga propesor sa bawat kolehiyo mula sa iisang disiplina ay kabilang sa isang departmento.

“Sa totoo lamang, dati nang mayroong Department of History at ngayon, ito ay muling binubuhay sa maraming kadahilanan,” ani De Viana.   “Mayaman sa kasaysayan ang ating Unibersidad kung kaya’t nararapat lamang na magkaroon tayo ng isang kagawaran para rito.”

Unang itinatag noong 1967, ang noo’y Institute of History ay nilikha upang hubugin ang kakayahan ng mga propesor ng Unibersidad sa kasaysayan. Walang nakakaalam kung bakit ito nabuwag noong dekada ‘80.

Pinamunuan ito ni P. Lucio Gutierrez, O.P., kasalukuyang rehente ng College of Commerce at UST archivist.

Sa pagbabalik ng Department of History, inaasahan ni De Viana ang muling pagtatalaga ng kursong History sa Faculty of Arts and Letters sa susunod na taon. Una nang nabalita na balak ibalik ng Artlets ang kursong AB History bilang bahagi ng five-year development plan ng pakultad.

“Ang kasaysayan ay hindi isang patay na paksa.  Ito ay umiiral pa at importante sapagkat ang ugat ng mga disiplina kabilang na ang Nursing, Law, Education pati na ang Relihiyon ay batay rin sa kasaysayan,” dagdag pa niya.

Layon ng bagong departamento na gawing “mas propesyonal” ang mga miyembro ng pakultad sa Unibersidad. Aniya, ang mga tagapagturo ng kasaysayan sa UST ay dapat “mas may kamalayan sa mga pag-usbong ng mga bagong kaalaman sa kasaysayan pati na ang pagbabalangkas ng kani-kanilang sariling pilosopiya.”

READ
Melody Campilla

Dahil dito, nagpanukala ang Department of History sa Graduate School na magbigay ng 18-unit certificate course sa History, lalo na sa mga propesor na nagtuturo ng Rizal Course at Philippine History.  

Hinihintay naman ng Varsitarian ang pahayag ni Prop. Clarita Carillo ukol sa napabalitang pagsasanib ng Office of the Vice Rector for Academic Affairs  at ng Office for Research and Development (ORD), na kikilalaning Office of the Vice-Rector for Academic Affairs and Research.

Ang ORD ay dating nasa ilalim ng pamamahala ni Fortunato Sevilla III na kamakailan ay itinalaga ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang miyembro ng Presidential Coordinating Council on Research and Development. Jilly Anne A. Bulauan at Adrienne Jesse A. Maleficio at may ulat mula kay Alexis Ailex C. Villamor, Jr.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.