KUNG hika ang ‘yong problema at nais mong mapabuti ang iyong paghinga, subukan mo ang Buteyko breathing method.

Ito ay isang ehersisyo sa paghinga upang makontrol ang hika at ibang pang mga chronic diseases gaya ng migraine, high blood pressure, bronchitis, at allergies nang hindi gumagamit ng gamot o anumang uri ng medikasyon.

“Ang kahalagahan ng ‘Buteyko method’ ay ang malaking tulong nito sa sakit sa baga at mga karamdaman sa paghinga,” ani Jac Vigden, isang eksperto sa pagtuturo ng Buteyko breathing method sa mga may hika.

Ang naturang method ay isang ideya ni Dr. Konstantin Buteyko, na nagsabing ang tamang paraan ng paghinga ay may kinalaman sa pagpapanatili sa maayos na kalusugan ng isang tao. Sa kaniyang pagnanaliksik, binuo n’ya ang isang sistematikong paraan sa “tamang paghinga.”

Ito ay napatunayang epektibo sa pag-aral ni Alexander Stalmatski, isang estudyante ni Buteyko, na naglathala ng “Freedom from Asthma,” na nagsasabing 100 porsyento ng mga sumubok ng Buteyko breathing method ay naging mas umigi ang kondisyon ng kanilang hika, habang 90 porsyento naman ay hindi na umasa sa mga nebulizer, inhaler, at iba pang uri ng medikasyon.

“Ang paraan ng paghinga ng tao ay isang kritikal na aspeto, lalo na sa mga taong naapektuhan ng chronic diseases o mga sakit na matagal nang nananatili sa katawan,“ ani kay Jac Vigden sa isang e-mail interview .

Nadiskubre ni Buteyko na ang mababang lebel ng carbon dioxide sa katawan ay may kinalaman sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng chronic disease.

Ang tamang lebel ng carbon dioxide ay nakukuha sa pamamagitan ng paghinga palabas ng mga tatlo hanggang apat na litro nito kada minuto. Ani Buteyko, nakita n’ya na ang mga taong apektado ng chronic diseases ay kadalasang may hyperventilation o sobrang pagbilis ng paghinga.

READ
Tomasino, bagong hukom sa Supreme Court

Upang makontrol ang mabilis na paghinga, lumikha si Buteyko ng isang paraan upang masolusyonan ang problemang dulot ng mga chronic disease.

Ang tamang paghinga ay nagsisimula sa dalawang normal na paglanghap at paglabas ng hangin. Ito ay susundan ng isang matagal na pag-exhale. Ang kailangang gawin ay mapatagal ito ng isang minuto.

Ang susunod na hakbang ay ang shallow breathing. Gamit lamang ang ilong sa paghinga, huminga nang mabilis sa magkakasunod na limang minuto. Dapat ay nakasara ang bibig habang ginagawa ito.

Ito ay maaaring gawin mula tatlo hanggang apat na beses sa isang araw sa loob ng isang linggo. Pagkatapos ng isang linggo, mapapaabot ng isang minuto ang pagpigil sa hininga, at ang hika ay mas kontrolado na.

Ang carbon dioxide ay responsable sa pananatili ng pagpasok ng oxygen sa katawan at pagbalanse ng acid-alkali balance o lebel ng asido sa katawan.

Ang carbon dioxide din ay may mahalagang parte sa pagapapagana ng mga malambot na tisyu sa katawan gaya ng utak, puso, baga, at mga daluyan ng dugo.

Nakita ni Buteyko na ang lebel ng carbon dioxide sa katawan ang tanging pinagkaiba ng mga taong may chronic disease, at dahil dito, siya ay nakabuo ng sistema ng paghinga upang makontrol ang mga sakit gaya ng hika, allergies at sleep apnea.

Naiiwasan ng Buteyko method ang paggamit ng mga gamot at makina na umaalalay sa paghinga.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.