MABIBIGYAN na ng insurance program ang bawat mag-aaral, propesor, pari, at iba pang empleyado ng UST, alinsunod sa memorandum na inilabas ng Office of the Vice Rector for Finance.
Kasama sa naturang insurance ang pinansyal na suporta sa pagkamatay, pagka-aksidente, pagpapa-ospital, pagpapalibing, at iba pang cash assistance benefit.
Ayon kay Leonardo Syjuco, assistant treasurer ng Office of the Vice Rector of Finance, ang pagkuha ng insurance program ay “para ma-standardize ang tulong na maibibigay sa mga estudyante, propesor at staff kapag sila ay naaksidente.”
Ang nasabing insurance program ay epektibo simula ngayong taon.
May matatanggap na hanggang P40,000 ang estudyante, propesor, o staff para sa accidental death or disablement at unprovoked murder or assault, habang P70,000 naman ang pinakamataas na maibibigay para sa accidental medical expense. Mayroon namang P300 kada araw na sustento para sa mga mao-ospital. May matatanggap na hanggang P10,000 halaga ng tulong para burial expense at hanggang P5,000 naman para sa cash benefit assistance.
“Hindi UST ang magdedesisyon kung magkano ang ibibigay [na pera mula sa insurance]. Kapag may nangyari, kailangan nilang mag-file sa insurance company (MAA General Assurance Phils. Inc.) at sila ang mag-a-assess at mag-aapruba sa request nila,” ani Syjuco.
Dagdag pa niya, hindi ito idadagdag sa matrikula ng mga estudyante o ikakaltas sa sahod ng mga guro at empleyado.
“Ito ay kasama na sa registration fee, kaya hindi na namin kayo sisingilin pa para sa insurance,” ani Syjuco.
Sakop ng insurance program ang mga aksidente na mangyayari sa loob at labas ng Unibersidad, ngunit hindi nito sasagutin ang mga self-inflicted injuries, suicide, at pre-existing diseases.
Bago pa man nagkaroon ng naturang panukala ay may mga benepisyong medikal nang natatanggap ang mga mag-aaral, propesor, at ibang pang empleyado ng Unibersidad mula sa Health Service at UST Hospital.
Ayon sa student handbook, ang mga estudyanteng maaksidente sa loob ng Unibersidad ay makatatanggap ng libreng pagpapagamot mula sa UST Hospital.
Mayroong 50 porsiyentong diskuwento ang bawat mag-aaral sa mga laboratory services at P400 na sustento kada-araw kung sila man ay ma-confine sa UST Hospital. Kasama rin dito ang 50 porsiyentong diskuwento para sa kabayaran sa kanilang doktor kung siya ay isang Health Service physician.
Ayon sa direktor ng Health Service na si Maria Salve Olalia, ang insurance policy ay isang mabuting pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Tomasino.
Ayon naman kay Reynaldo Reyes, vice president for grievances ng UST Faculty Union (Ustfu), hindi kinonsulta ang unyon ukol sa desisyon.
“Bagaman ang desisyon [na kumuha ng insurance program] ay ginawa para sa ikabubuti ng lahat, dapat ay kinonsulta muna nila ang unyon dahil kabilang sa mga maaapektuhan ay ang mga propesor,” sabi ni Reyes.
Ayon naman kay Syjuco: “Hindi na kailangan pang konsultahin ang Ustfu dahil sila mismo ang humihingi ng insurance program.”