PUMASA na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na nagbabawal sa “No Permit, No Exam” policy ng mga kolehiyo at unibersidad.

Ang House Bill (HB) 4791 o ang “Anti-No Permit, No Exam Act of 2011,” ay naglalayong mabigyan ng karapatan ang mga mag-aaral na kumuha ng pagsusulit kahit may balanse sa mga bayarin sa paaralan.

Kinakailangan na lamang maipasa ang panukalang batas sa Senado at mapirmahan ng Pangulo upang ito ay tuluyang maisabatas.

Sa ilalim nito, ituturing nang paglabag sa batas ang pagpapakuha sa mag-aaral ng permit bago ang pagsusulit at ang pagsingil ng down payment sa enrollment na hihigit sa 30 porsiyento ng kabuuang matrikula kada semester. Sakop nito ang lahat ng pribado at pampublikong kolehiyo at unibersidad sa bansa.

Ngunit ayon sa panukala, obligasyon ng mga estudyante at ng kanilang mga magulang na magbayad ng interes na hindi hihigit sa anim na porsiyento kada taon para sa hindi nabayarang utang sa paaralan.

Ang pagkuwenta ng interes ay magsisimula sa araw na kinuha ng mag-aaral ang pagsusulit hanggang sa araw na mabayaran ng buo ang utang.

Gayunman, may karapatan pa rin ang mga paaralan na huwag ibigay ang mga grado at clearance ng mga mag-aaral hangga’t hindi pa nababayaran ang kanilang utang sa paaralan.

Maaari rin nilang tanggihan ang mga mag-aaral na nais mag-enroll sa susunod na semestre hanggang mabayaran nila ang pagkakautang.

Ang mga opisyal ng paaralan, kabilang na ang mga dekano, coordinators, class advisers, at mga propesor na mapatutunayang lalabag sa batas ay pagmumultahin ng mula P20,000 hanggang P50,000.

READ
Alumni abroad issue UST-Quadri vehicle plates

Ayon sa explanatory note ng HB 4791, ang “No Permit, No Exam” policy ng mga paaralan ay nagiging balakid sa pagtatapos ng mga mag-aaral, gaano man sila nagsikap sa pag-aaral.

Noong Enero ng nakaraang taon, naglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHEd) na naghihikayat sa mga paaralan na payagang makakuha ng pagsusulit ang mga estudyante kahit hindi pa nila nababayaran ng buo ang kanilang matrikula.

Ngunit hindi ito sapilitan kung kaya hindi ito pinansin ng maraming paaralan. Daphne J. Magturo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.