TALIWAS sa alam ng nakararami, hindi ang pakikidigma ng isang “student army” noong 1762 ang dahilan ng pagiging “Royal” ng Unibersidad, kundi ang pagiging matapat nito sa Espanya.

Inihandog ni Haring Charles III sa UST ang titulong “Royal” noong 1785 dahil sa pagiging matapat nito sa Espanya noong kasagsagan ng digmaan sa pagitan nito at ng Inglatera.

“Palagay ko ay nabuo itong misconception dahil sa maling pagkakaintindi ng mga modernong historyador sa panahon ng pagsakop ng Inglatera sa Pilipinas. Nangyari itong [pananakop ng Inglatera sa Pilipinas] noong 1762 pero tulad ng sinabi ng mga bagong kaalaman, walang binuong student-army sa UST,” ani Jose Victor Torres, isang historyador.

Ayon sa akdang The Archives and the Story of the University ni Regalado Trota Jose, archivist ng Unibersidad, taong 1781 hanggang 1783 nang nagsanay ang Unibersidad ng 200 na mag-aaral upang labanan ang inaasahang pagbalik ng mga mananakop na sundalong Briton. Ang paghahandang ito ay nagpatunay ng katapatan sa hari ng Espanya na siyang ikinalugod ni Haring Charles III kung kaya’t inihandog niya ang titulong Royal sa kabila ng hindi pagkatuloy ng giyerang inaasahan.

“Nagkaroon muli ng panganib ng pananakop ng mga Ingles sa Pilipiinas, mahigit 20 matapos ng Thirty Years War noong bandang 1781 at dito sa taong ito ay nagbuo ng hukbo ng mga estudyante ang UST,” ani Torres.

Nakasaad din sa akda ni Jose na ginamit lamang ang Main Building ng Unibersidad bilang refugee center at feeding station ng mga sundalong nakipaglaban noong 1762 at walang student-army na binuo ang Unibersidad upang makidigma sa taong ito.

READ
Asean delegates laud UST drug center

“Tulad ng sinabi sa dekreto [ng hari ng Espanya], ang pagbibigay ng titulo ay dahil sa katapatan sa Hari at sa bayang Espanya. Ang katapatang ito ay isang katangian na itinuturo sa mga estudyante ng Unibersidad,” ani Jose.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang pinakabatang fellow member ng National Accredited Professional Organization of Architects na United Architects of the Philippines (UAP)?

Sa edad na 40, si Jose Siao Ling ay naging miyembro ng UAP kung saan siya’y nakilala bilang pinakabatang miyembro. Ang UAP ay binuo noong 1974 bilang isang organisasyong kakatawan sa tatlong samahan ng mga arkitekto—Philippine Institute of Architects (PIA), the League of Philippine Architects (LPA), at the Association of Philippine Government Architects (APGA).

Si Ling ay nagtapos sa ng kursong Architecture noong 1980 at sa sumunod na taon ay mabilis na namayagpag bilang design architect sa Hong Kong.

Naniniwala si Ling na hindi kailangan ng labanan sa industriya upang mas mapaganda ang trabaho. Mas mainam umano na magsama-sama ang mga may kaalaman dahil ito ang mas magpapaganda sa gawain.

Taong 1983 nang itatag niya ang kaniyang architectural firm na nakasunod sa kaniyang pangalan—ang Jose Siao Ling and Associates: Architects, Planners, Engineers.

Ang Benson Apartelle sa siyudad ng San Juan ang kanilang naging unang proyekto na sinundan na ng mas malalaki pang proyekto.

Kabilang din si Ling sa mga bumuo ng Fontana Leisure Parks sa Clark Field, Angeles City, isang proyektong nagnais na muling maibalik ang kagandahan at turista sa lugar matapos itong masalanta sa pagsabog ng bulkang Pinatubo.

READ
Indie movies and their poverty affectation

Bukod sa pamumuno ng kaniyang kompanya, isa ring principal architect si Ling sa Miceli Oldfield Sinton Architects, isang bantog na architectural firm.

Mga Sanggunian:

Boletin Eclesiastico de Filipinas, Vol. LXXXVIII, No. 888 (January-February 2012)

http://www.siaoling.com/jose-siao-ling.php

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.