BILANG paghahanda sa ika-500 taong anibersaryo ng Katolisismo sa bansa sa darating na Marso 16, 2021, ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay naglabas ng isang pastoral letter na tumatalakay sa “panahon ng bagong ebanghelismo.”
“Ang bagong ebanghelismo ay higit nararapat sa mga taong nawalan na ng pananampalataya, at sa mga nagmula sa mga Simbahan sa mga tradisyunal na bansang Katoliko, lalo na sa Kanluran,” ani Cebu Archbishop Jose Palma, pangulo ng CBCP, sa kaniyang pastoral letter noong Hulyo 18.
Binuo ni Pope Benedict XVI ang isang pontifical council sa bisa ng motu proprio, Ubicumque et semper, upang maipalaganap ang bagong ebanghelismo. Ayon sa Santo Papa, tungkulin ng Simbahan na ipalaganap nang palagian at kahit saan man ang mga Mabuting Balita ni Hesukristo. Naniniwala rin siyang magiging Kristiyano ang mga nasyon kung saan laganap ang sekularisasyon.
Bilang pagdiriwang ng panahon ng bagong ebanghelismo, tinalakay ni Palma ang ilang makasaysayang pangyayari simula nang dumating ang Katolisismo sa bansa, kasama na ang unang Banal na Misa sa Isla ng Limasawa, at ang pagpapabinyag ni Rajah Humabon at ng kaniyang asawang si Harsa Amihan noong 1521. Sa parehong taon, ibinigay ni Ferdinand Magellan kay Rajah Humabon ang Santo Niño de Cebu—ang pinaniniwalaang pinakamatandang imahen ng relihiyong Katoliko sa bansa.
“Sa harap ng katotohanan na bilyong tao ng panahong ito ang nabuhay at hindi tunay na natagpuan si Hesus, at hindi nakapakinig ng Kaniyang Salita, tayo ay hinahamong tuparin ang layunin ng bagong ebanghelismo,” ani Palma.
Idinagdag ni Palma na nilalayon ng Simbahan na gumamit ng mga “bagong pamamaraan para sa mas epektibong pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.”
Samantala, sinabi ni P. Socrates Mesiona, executive secretary ng Episcopal Commission on Missions, na inilabas ng CBCP ang pastoral letter alinsunod sa deklarasyon ni Pope Benedict XVI ng taong 2012 bilang “taon ng pananampalataya.”
Sinabi rin niya na ang bagong ebanghelismo ay pangunahing inilunsad para sa mga taga-Europa na dumaranas ng post-Christian era.
Idinagdag pa niya na posibleng mapabilang sa mga plano ng CBCP ang paggamit ng media bilang bagong paraan ng ebanghelismo sa mga kabataan.
Ani Palma, may siyam na prayoridad ang Simbahan para sa bagong ebanghelismo bago ang taon ng Jubilee sa 2021: Integral Faith Formation sa taong 2013, the Laity (2014), the Poor (2015), the Eucharist and of the Family (2016), the Parish as a Communion of Communities (2017), the Clergy and Religious (2018), the Youth (2019), Ecumenism and Inter-Religious Dialogue (2020) at ang “Missio ad gentes (2021)—isang natatanging bokasyon na naglalayong bigyan ng consecrated na buhay ang mga kasapi ng Simbahan.”
“Sa panahong ito, bibigyang-halaga natin isa-isa ang mga dimensyong ito ng pananampalataya, ebanghelismo, at paglilingkod,” ani Palma. “Bilang natanggap natin ang pananampalataya 500 taon na ang nakalilipas, ninanais natin na sa taong 2021 ay maging isang tunay tayong mapagpahayong Simbahan.”
Ibinigay ni Palma ang apat na pangunahing gawain para matupad ang tungkulin ng bagong ebanghelismo: ‘Missio ad gentes’ na ayon kay Mesiona ay ang pangunahing misyon ng Simbahan, ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa mga mahihirap, pag-abot sa mga nawalan ng pananampalataya at sa mga umalis sa Simbahang Katoliko patungo sa ibang relihiyon, at ang pagbuo ng Katolikong pamumuhay sa lahat ng mga kabataan.