ANG UST ay kanlungan din ng mga hindi kinikilalang “kapatiran.”

Ito ang napag-alaman ng Varsitarian matapos ang pagpaslang sa alumnus na si Marc Andrei Marcos, na freshman sa San Beda College of Law, dulot umano ng hazing sa hindi kinikilalang fraternity sa naturang paaralan.

Idineklarang patay si Marcos, 21, sa De La Salle University Medical Center sa Dasmariñas, Cavite noong Hulyo 30, limang buwan matapos matagpuang patay si Marvin Reglos, isa ring alumnus at San Beda Law freshman, dahil din sa hazing.

Si Marcos ay nagtapos ng kursong Legal Management sa UST nito lamang Marso, samantalang nagtapos ng kursong Business Administration si Reglos noong 2010.

Ayon sa isang mag-aaral ng Information Technology mula sa Faculty of Engineering na nagpatago sa pangalang “Robert,” may ilang underground fraternities sa UST, lalo na sa nasabing fakultad.

Aniya, hindi naman dumarating sa puntong may kailangang mag-agaw-buhay upang maging kasapi ang mga nais pumasok sa kapatiran.

“May mga physical exercises lang kami na pinapagawa na sa kanila, pero hindi naman namin sila pinapalo ng baseball bat o paddle, dahil alam naming hindi tama,” aniya.

Kadalasang pinapagawa sa mga nais pumasok sa hindi niya pinangalang kapatiran ay push-ups na umaabot sa bilang na dalawang daan, pumpings, squat, at isang oras na duck walk.

“Para kasi sa [a]min na hindi naman accredited ng UST, kailangan naming itago ang mga ginagawa namin at siyempre, may takot din sa ‘min na baka may masamang mangyari sa mga magiging kagrupo namin,” ani Robert.

Ang Office for Student Affairs (OSA) at ang Student Organizations Coordinating Council (SOCC) ang nagbibigay ng pagkilala sa mga university-wide at lokal na organisasyon sa UST, kabilang na ang mga fraternities.

READ
Wikang Filipino bilang global language

Tanging ang Alpa Phi Omega (APO)-Pi Chapter ang kinikilalang University-wide fraternity sa UST.

Mayroon ding mga local-based fraternities sa Faculty of Medicine and Surgery at Faculty of Civil Law na kinikilala ng pamunuan ng UST.

Kinumpirma ni Benjamin Zoilo Ravanera, pangulo ng SOCC, ang mga lihim na fraternities sa UST, ngunit hindi naman daw nagsasagawa ang mga ito ng hazing.

“After all, we, as a real brotherhood, want to help each other. We are not killers,” ani Ravanera, na siya ring vice president for external affairs ng APO-Pi Chapter.

Hindi umano gagawin ng mga “authentic fraternities” ang pagpaslang sa mga magiging kasapi nito, aniya.

“What they did to Andrei [Marcos] was very barbaric. There was nothing correct in that matter,” ani Ravanera.

Ayon naman sa isa pang mag-aaral sa Engineering na nagpakilalang kasapi ng Tau Gamma Phi na may underground chapter umano sa UST, mayroong mga initiation rites ang kapatiran.

“Oo, pinapalo namin ang mga lalaki, habang ang mga babae, sinasampal, pero binabantayan naming mga officers ‘yung master initiator para hindi siya sumobra sa mga gagawin niyang initiation,” ani ng hindi nagpapangalang mag-aaral.

Dagdag pa niya, mayroon ding mga unrecognized fraternities sa College of Architecture, ngunit iginiit niyang kailangan ito upang “magtulungan.”

“Marami kasing mga kinakailangan ang bawat mag-aaral dito sa Architecture, katulad ng mga gamit para sa pag-aaral. Sa grupo namin, iyon ang ginagawa namin—tulungan talaga,” sabi ng isang mag-aaral mula sa Architecture, na nagpakilalang kaanib umano ng “Samahang Ilocano.”

“Inaamin ko, may mga kaunting paluan na nagaganap sa grupo namin, pero sa amin na lang sa Archi iyon. Wala kaming plano na [magtatag] ng parang ‘branch’ sa ibang colleges sa UST,” aniya.

READ
Ambag ng teknolohiya sa nasyonalismo

Ang “Samahang Ilocano,” aniya, ay kilala sa buong bansa, ngunit minsan ay napagkakamalang “gangster” dahil umano sa mga maling impresyon ng mga tao sa grupo nila.

Maaaring lumahok

Sa Faculty of Civil Law, hindi ipinagbabawal ang paglahok sa mga fraternities at sororities, hangga’t ang mga ito ay kinikilala ng Unibersidad.

Ayon kay Mark Arthur Catabona, pangulo ng Civil Law Student Council, hindi matitiyak ng fakultad ang hazing sa mga fraternities at sororities.

Noong nakaraang taon, lumikha ng manifesto of non-violence ang fakultad na ang mga pinuno ng mga fraternity at sorority ay magiging responsable sakaling may mapahamak o may mangyaring hindi maganda.

Ani Catabona, malayang nakalalahok ang mga mag-aaral ng fakultad sa mga kinikilalang kapatiran—taliwas sa San Beda kung saan ipinagbabawal ang pagsali sa mga ito—dahil ilan sa mga ito ay nagsasagawa ng outreach programs upang makatulong sa komunidad.

“Ayaw naman naming i-discourage ‘yung mga fraternities at sororities dahil naii-stereotype sila. May mga ilan namang samahan na may cause, may iba namang nagbibigay ng legal mission,” ani Catabona.

Upang kilalanin bilang fraternity o sorority, kinakailangang magpasa ng by-laws, listahan ng opisyal, at sumunod sa mga alituntunin ng OSA, kabilang na ang representasyon sa team building ng SOCC.

Idineklara ang “Week of Lamentation” sa UST noong Hulyo 30 hanggang Agosto 4 matapos ang pagkamatay ni Marcos. Nagpamahagi ang Central Student Council ng itim na laso na sumisimbolo sa pagkondena sa nasabing krimen. Reden D. Madrid at Nikka Lavinia G. Valenzuela

1 COMMENT

  1. If my memory serves me right a neophyte of the Alpha Phi Omega in UST (Arts & Letters) died of haxing way back in the early 80’s. It’s good they have changed their ways in recruiting members

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.