KASABAY ng mabilis na pag-usbong ng modernong teknolohiya ay ang paglabas din ng mga bagong imbensyon na nagpapadali sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao.

Isa sa mga ito ay ang paglaganap ng teknolohiyang digital gaya ng Internet.

Dahil sa lawak ng sakop nito, nagsisilbi ang internet bilang isang malawak na susian ng impormasyong hindi lamang sa pang-akademiko, ngunit pati na rin sa pangkalahatang kaalaman sa iba’t ibang paksa.

Bagaman maituturing ito bilang isang midyum na apektado ng globalisasyon, hindi nagkukulang ang internet sa pagpapalaganap ng pambansang pagkakakilanlan ng tao, anumang lahi o nasyonalidad.

Naging instrumental sa adhikaing ito ang mga Philippine-based websites gaya ng WikiPilipinas.org at Filipiniana.net sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang impormasyon na siyang tumatalakay sa iba’t ibang paksang ungkol sa kultura ng mga Pilipino.

Portal ng kaalaman

Sa tulong ng Vibal Foundation, nabuo ang WikiPilipinas noong Hunyo 2007 mula sa orihinal na pangalang WikiPiniana. Nagmula ang konseptong ito sa pinakamalaking Pilipino digital library, ang Filipiniana.net.

Ang WikiPilipinas ay gumagamit ng parehong platform gaya ng sa Wikipedia at iba pang mga Wiki sites sa pamamagitan ng software at teknolohiyang binibigay ng Wikimedia.

Gaya ng Filipiniana.net, ang WikiPilipinas ay isa sa mga online knowledge portals ng bansa. Ang una ay tumututok sa pormal at akademikong mga paksa, samantalang ang sumunod ay nagbibigay ng pangkalahatang impormasyon sa bansa.

“Ang WikiPilipinas ay binuo upang magbigay ng libreng kaalaman sa mga Pilipino tungkol sa kanilang bansa at kanilang sariling pagkakakilanlan. Ito ang tinatawag na open knowledge advocacy (paglalaan ng bukas at libreng kaalaman) na siyang ibinibigay ng nasabing website,” sabi ni Merck Maggudayao, punong patnugot ng WikiPilipinas.

READ
Gen ed departments transferred to colleges next year

Sa hangad na makabuo ng pinakamalaking knowledge-based website sa bansa, ang WikiPilipinas ay nabuo bilang isang proyektong sinulat ng mga volunteer mula sa iba’t-ibang parte ng mundo. Maaaring i-edit ng kung sinumang may access sa internet ang nilalaman nito, ngunit ang kanilang mga kontribusyon ay dapat sumunod sa patakarang itinalaga ng mga patnugot ng WikiPilipinas.

Ang online portal na ito ay sumasaklaw sa sakop ng iba’t ibang libro gaya ng almanac, direktoryo, atlas, at encyclopedia.

“Naiiba ang WikiPilipinas sapagkat kahit sino ay puwedeng magsulat ng mga artikulo rito nang libre. Higit sa lahat, hindi ito komersyalisado at hindi tali sa anumang komersyal na interes,” ani Maggudayao. “Bukod pa rito, ‘di gaya ng ibang Wiki sites, kontrolado ang WikiPilipinas ng isang pangkat ng mga patnugot na syang nagtatakda ng kawastuhan ng mga artikulo.”

Samantala, ang Filipiniana.net naman ay isang online digital library kung saan ang mga koleksiyon ng impormasyon ay naka-imbak sa digital format.

Ito ay isang portal ng pananaliksik na nangangalap sa mga pinaka-mahalaga at makabuluhang mga dokumento at artifacts ng Pilipinas.

“Mahalaga ang WikiPilipinas upang paningasin ang interes ng mga Pilipino tungkol sa sarili nilang kasaysayan at pagkakalilanlan,” ani Maggudayao.

“Mahalaga ang pagpapalawak at pagpapatuloy ng daloy ng impormasyon hinggil sa ating bansa at lahi sapagkat ‘ika nga ni Francis Bacon, ‘Knowledge is power.’ Ang mga mamamayang hindi ignorante sa sarili nilang bansa, kultura, at kasaysayan ang inaasahang magtataguyod ng kinabukasan,” dagdag ni Maggudayao.

Tulong sa lengguwahe

Ayon naman kay Gary Devilles, isang propesor ng Pilipino sa Ateneo de Manila University, bagaman nakatutulong sa pagtaguyod ng wika at kulturang Pilipino ang mga nasabing website, walang atas ang teknolohiya sa pagtaguyod ng wikang Pilipino.

READ
Plant alkaloids, potential drug source says Japanese expert

“Tayo ang may atas noon sa ating pang-araw-araw na buhay, gumagamit man tayo ng computer o hindi,” ani Devilles.

Nabanggit rin niya na kahit maraming Pilipino na ang nagsusulat at nagsasalita sa wikang Ingles, nakakatulong pa rin ang mga sites na ito sa patuloy na intelektuwalisasyon ng Pilipino.

“Hindi man ito kasing lawak ng Mandarin o Ingles, patuloy ang pag-unlad ng wikang Pilipino at umaangkop ito sa usaping global at pandaigdigan,” sabi ni Devilles.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.