NAKATAYONG pinagmamasdan ni Sela ang kabilang isla habang mahigpit siyang niyayapos ng malansang simoy ng hangin.

Papalapit sa pampang, pinailanlang niya ang kaniyang mga kamay at nagpaikot-ikot sa ilalim ng kalawakang unti-unti nang binabalot ng karimlan. Inindayog niya ang kaniyang katawan kasabay ng mga tikis na alon hanggang maabot niya ang pinong buhangin.

Bumangon siya at lumakad sa dagat. Sinalok ng nanginginig niyang kamay ang tubig at ininom ito. Pinahagod niya ito sa kaniyang lalamunan at tiniis ang alat. Bumungisngis siya at pumunta pa sa mas malayo at inisip na mas masarap ang tubig doon.

‘Di magkamayaw sa pagtingin sa dagat si Sela kahit na tinatakpan na ng hamog at ulan ang kabilang isla.

Habang naghihintay ay napatingin ang dalaga sa hawak na papel. Ngumiti siya at tinanaw ang lumalabong tanawin ng kabilang isla.

“Sa wakas, nakapasa rin ako. Makaaalis na rin ako rito at makikita ko na ang bayan.”

Ilang sandali pa lamang ay biglang may naulinigang boses si Sela mula sa malayo. Napatingin siya at natanaw ang isang babaeng pinipilit makatayo sa bangka.

“Sela! Sela! Susunod ka ha?” sigaw ni Karel.

“Oo! Pangako!” at ikinaway ng dalaga ang dalawa niyang mga kamay at patalon-talong nagpaalam sa kaibigan.

Nang ’di na matanaw ang kaibigan ay dali-dali niyang binitawan ang payong at ang nalukot nang papel. Nagtungo siya sa tubig at hinayaang hampasin siya ng nagagalit na alon. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at nilunod ang sarili sa marahas na agos ng tubig.

“Ano ka ba? Nakita mo nang sumama na ang panahon tapos nand’yan ka pa rin? Alam mo namang ayaw na ayaw kong lumalapit ka riyan, ” sigaw ni Mang Vicente sa kaniya.

READ
Students question calculator lending project in Eng'g

Lumingon ang dalaga at nakitang inaapakan ng ama ang lukot na papel. Umahon siya at agad na kinuha ang natapakang papel.

“’Tay, akala ko po na kina Mang Anton pa kayo, gumagawa ng mga lambat.”

Pinunasan ni Mang Vicente ang kulot na buhok ni Sela gamit ang kaniyang kamay. Napansin niyang maingat na inaayos ng anak ang papel na kanina’y kaniyang natapakan.

“Ano ‘yan Sela?” nakangiting usisa ng ama.

Nilingon ng dalaga ang tubig na tila pilit na inaabot ang kaniyang mga paa.

“’Tay, papayagan mo ba ako pumunta sa bayan?” natatakot na tiningnan niya ang mata ng matanda.

“’Ayan na naman tayo.”

Ibinigay ni Sela ang papel sa ama. Nanlaki ang mga mata ni Mang Vicente at galit na galit na pinunit ang papel. Itinapon niya ito sa tubig at may hagod na tinitigan ang dalaga.

“Walang aalis dito! Dito ko lang at tutulong sa paggawa ng mga lambat.”

Napayuko ang dalaga at kinagat ang kaniyang labi.

“Ganyan ka naman, ‘Tay eh! Sarili mo lang ang iniisip mo!”

Umagos ang luha sa pisngi ni Sela. Tinalikuran niya ang kaniyang ama at nagtungo sa may batuhan. Susundan sana siya ang matanda nang naramdaman niya ang paghaplos ng alon sa kaniyang mga paa. Napaurong ito at naglakad palayo sa may pampang. Tumangis ang langit at ginalit ang dating sumasayaw sa tuwa na mga alon.

Humiga si Sela sa isang malaking bato at hinayaang dumaplis ang mga patak ng ulan sa kaniyang balat. Alam naman niya na hindi siya papayagan kahit magpumilit pa siya sa matanda. Umalis siya ng pampang na tigib ng pag-aalinlangan.

READ
Dominicans adopt new English translation of Roman Missal

Pagkarating niya sa bahay ay nakita niyang natutulog ang matanda. Dahan-dahan ito lumapit at tinitigan ang ama.

Nagising si Mang Vicente dahil sa malakas na hampas ng malalaking sanga ng puno ng niyog sa labas ng kanilang bahay. Pilit binubuksan ng hangin ang ang kaniyang durungawan at nakitang patuloy ang pagpatak ng tubig mula sa kanilang kisame. Nang akmang aayusin na niya ang kama ay nakita niya ang isang papel sa kaniyang ulunan.

“’Tay, alam ko naman pong nag-aalala ho kayo sa akin at ayaw niyo po akong pag-aralin sa may kabilang isla. Pero, ‘Tay, sana maunawaan niyo na ang pag-alis ko rito ay ‘di nangangahulugang gusto kong maging malaya. Aalis po ako kasi gusto kong bumawi sa mga sakripisyo niyo sa akin ng kailanma’y ‘di kayo humingi ng kapalit sa akin. Ayaw kong palagpasin ang pagkakataon, baka wala na po kasing susunod. Mahal na mahal ko kayo, ‘Tay.”

Agad na lumabas sa bahay ang matanda at nagtungo sa pampang kahit masama na ang panahon. Doon ay nakita niya ang mga nagkukumpulang mga tao. Ang ilan ay nakikiusyoso, ang ilan ay umiiyak. Nanlamig ang buong katawan ni Mang Vicente at tila ‘di na makagalaw. Pilit niyang hinakbang ang kaniyang mga paa at nagtanong sa mga tao.

“Ano po ang nangyari?” kinakabahan na tanong ng ama.

Pinayungan ng ginang ang matanda at tiningnan ito.

“’Yung bangka na umalis kanina lang, lumubog ata. Kawawa naman, marami pa naming nakasakay na babae’t mga bata roon.

Natigilan si Mang Vicente at tinangkang lumusong sa galit na dagat.

READ
Misuse of social media and shallow youth

“Ang anak ko! Ang anak ko! Hindi siya puwedeng mawala!”

“Dito lang po kayo Manong!” suway ng mga tao sa kaniya habang pinipigilan siya.

“Hindi siya pwedeng mawala!

Dinala siya ng kaniyang mga kapitbahay sa kanilang bahay at pinaupo siya malapit sa binatana.

“Dito lang po kayo, Manong,” sabi ng isa.

Ilang oras siyang namalagi sa kaniyang kinauupuan at umiiyak na pinagmamasdan ang kumakalma nang mga alon. Naging maaliwalas ang kalangitan at unti-unti na niyang natanaw ang kabilang isla.

Gusto niya nang tumakbo papunta sa dalampasigan nang maaninag ang anak. Napaupo siya sa kaniyang nakita. Naalala niya ang kaniyang asawa na nais din matanaw ang bayan ngunit nalunod sa dagat noon.

Nagpayakap si Sela sa malansang simoy ng tubig. Pinailanlang ang kamay at sumayaw kasabay ng mga tikis na alon. Napatingin siya sa kabilang isla na kinain na ng karimlan. Gusto niyang lasahan ang alat ng dagat roon, ngunit tila ang tanging matitikman na lamang niya ay ang mapaklang dagat ng kanilang isla. Elora Joselle F. Cangco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.