TUNAY na maunlad ang wikang Filipino kung kaya’t masasabing ganap na itong isang wikang “global” lalo na’t ikaanim na ito sa mga pangunahing wika sa Estados Unidos maliban sa Ingles.
Ito ang tinuran ng manunulat at propesor na si Ruth Elynia Mabanglo ng University of Hawaii sa Panayam sa Wika 2010: “Kalikasan ng Wika, Wika ng Kalikasan” na ginanap sa Bulwagang Rizal, St. Raymund’s Building noong ika-5 ng Agosto.
Ayon kay Mabanglo, may sariling kalikasan ang wika ngunit ang kalikasan ay may sarili ring wika.
“May wika ang hangin, ang palaspas ng mga dahon, ang alimoy ng labi, ang hindi magkamayaw na boses sa palengke, ang busina at ugong ng makina ng sasakyan,” ani Mabanglo, na isang dalubhasa sa pag-aaral sa wika.
Dagdag pa niya, ang wika ay may kakayahang ipahayag ang tunay na damdamin ng tao.
“Likas sa wika ang mailahad ang kahit anong kumukutiltil sa tao. Kailangan lamang talagang pakinggan ito at pagtuunan ng pansin.”
Ipinaliwanag din ni Mabanglo ang relasyon ng wika sa isang manunulat.
“Bago ka makatula o makasulat ng akda sa isang lengguwahe, [dapat ay] alam mo ang wikang iyon. You have control over that language and that language has control over you,” aniya.
Dagdag pa niya, ang pagsusulat ay isang calling at kailangang tumalima agad ang manunulat dito dahil ang inspirasyon ay mabilis mawala, kaya’t dapat agad itong maisulat.
Nagbigay din ng pahayag si Mabanglo tungkol sa mga kontemporaneong usapin sa bansa tulad ng paggamit ng wikang Filipino ni Pangulong Noynoy Aquino sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA).
“Kaya ako natutuwa [ay dahil] fan ako ni Presidente Noynoy. Ang kaniyang pagsasalita sa kaniyang SONA ay talagang purong Filipino. Samakatwid, [ang hakbang niyang] ito ay nagbigay-prestihiyo sa wikang Filipino,” ani Mabanglo.
Pinuna rin sa talakay ang mga “jejemon” na sinabi niyang hindi mapipigilan ang paglaganap hangga’t may mambabasa at mananalita ito.
Para rin sa kaniya, hindi mga Kastila at Amerikano ang tunay na mananakop ng bayan, kundi mismong mga Filipino.
“Kaya lang tayo nagiging duwag kasi kulang tayo sa pagmamahal para sa ating sarili. At ang isang bahagi ng pagmamahal sa sarili ay ang salita. Kailangang mahalin natin ang ating salita,” ani Mabanglo.
Taong 2008 nang magkaroon ng pandaigdigang pagpupulong sa Hawaii na pinamunuan ni Mabanglo tungkol sa “Filipino as a global language.” Makalipas ang dalawang taon ay isinagawa rin ito sa University of San Diego, at sa susunod naman ay balak niya itong gawin dito sa Pilipinas.
Uminit ang talakayan nang magtanong ang isang mag-aaral tungkol sa panukala ni Rektor P. Rolando dela Rosa, O.P. sa Faculty of Arts and Letters sa paggamit ng wikang Ingles bilang medium of instruction and communication sa mga pang-akademikong asignatura.
“Language cannot be legislated,” sagot ni Mabanglo.
Aniya, maaaring magprotesta ang mga mag-aaral kung hindi sila pabor sa panukala.
Agad naman itong sinagot ng dekano ng Faculty of Arts and Letters na si Prop. Michael Anthony Vasco na nag-sabi na ang panukala ay pang-akademiko at hindi kasama ang asignaturang Filipino.
“Hindi natin papalitan ang Wikang Pambansa. Ang layunin ng panukalang iyon ay palawakin ang paggamit ng wikang Ingles sapagkat nakaaalarma na rin na hindi na marunong mag-Ingles ang mga mag-aaral. Kahit bihasa na tayo sa paggamit ng wikang Filipino, huwag din nating kalimutan maging bihasa sa wikang Ingles,” ani Vasco.
Ayon pa kay Vasco, malayang gumamit ang mga mag-aaral ng ibang wika sa mga asignaturang Filipino at wikang banyaga ngunit para sa mga asignaturang pang-akademiko tulad ng pilosopiya at ekonomiks na wala pang ganap na materyal sa Filipino at ang ginagamit na mga libro ay Ingles, dapat gamitin ang lengguwahe ng libro.
“Mayroon kaming inihahaing bagong kurso na tatawaging Bachelor of Arts in Filipino Major in Translation. Ito [panukala] ay preparasyon sa ating magiging bagong kurso,” dagdag ni Vasco.
Si Mabanglo ay isang tanyag na makata, mamamahayag at propesor ng Filipino. Itinanghal siya bilang Hall of Famer ng Gawad Carlos Palanca para sa Panitikan noong 1995 dahil sa kaniyang pagkapanalo ng limang unang gantimpala mula sa patimpalak. Siya ay itinanghal na isa sa mga Ten Outstanding Hawaii Filipino Women noong 2003 at “Makata ng Taon” noong 1992 para sa kaniyang tulang “Gahasa.” Ilan pa sa kaniyang mga tula ay ang “Ang Pag-ibig ay ‘Di Kasal,” “Mga Liham ni Pinay at Iba Pang Tula,” at “Bayan ng Lunggati, Bayan ng Pighati.” May ulat mula kay Rommel Marvin C. Rio