Alam n'yo ba na nanguna ang UST sa pagkakaroon ng hiwalay na kagawaran para sa Filipino?

Bilang tugon sa itinatag na Institute of National Language ng Pamahalaang Komonwelt noong 1935, binuo ng Unibersidad ang Department of National Language noong 1941 sa ilalim ng Faculty of Philosophy and Letters bilang “Bachelor of Literature in National Languages.” Makalipas ang ilang buwan, inilipat ang kagawaran sa College of Education bilang “Bachelor of Science in Education Major in Filipino.”

Ayon sa librong “The University of Santo Tomas in the 20th Century” ni Josefina Lim-Pe, nilalayon ng departamento na ituro at ipaunawa sa mga Tomasino ang wastong paggamit ng wikang pambansa. Isinaad din sa aklat na ang pagsusulong ng naturang kagawaran ay isang paraan upang mapanatiling buhay ang mayamang kultura ng Pilipinas.

Ipinahayag sa Varsitarian noong 1957 ni Jose Villa Panganiban—isang lengguwista’t unang tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad—na unang nagbukas ang Unibersidad ng mga klase sa wikang Filipino noong 1937. (Si Panganiban din ang itinuturing na tagapagtatag o “Ama ng Varsitarian” dahil pinangunahan niya ang pagkakatatag ng pahayagan noong 1928.)

Sa pamumuno ni Panganiban, dinaluhan ang karamihan ng mga klase ng mga dayuhang pari at madre. Makalipas ang dalawang taon, nahinto ang pagtuturo ng Filipino sa UST nang ipadala ng Unibersidad si Panganiban sa Notre Dame University sa United States of America upang mag-aral.

Sa muling pagbubukas ng Unibersidad noong Hulyo 1943 sa panahon ng Hapon, ang mga mag-aaral na kumukuha ng mga kursong pre-medicine at medisina ay kinailangang kumuha ng mga asignaturang nasa wikang Filipino. Sa kaparehong taon din tinulungan sa pamamahala ni Paz Latorena, isang kuwentista’t propesor sa Unibersidad, ang kababalik pa lamang na si Panganiban mula sa Amerika.

READ
Musical tribute to the Neo-centennial

Ngunit pagdating ng 1947, naging elective na lamang ang pagkuha ng mga klase na nasa wikang Filipino at ‘di kalauna’y nabuwag na rin ang departamento.

Noong 1949, nagkaroon ng Master’s Degree ang kursong “Wikang Pambansa.” Nagkaroon naman ng “Batsilyer sa Pamamahayag sa Tagalog” sa Faculty of Philosophy and Letters taong 1955.

Ibinalik ni Antonia Villanueva ang Department of National Languages bilang Department of Filipino sa Unibersidad noong 1967. Ilan sa mga asignaturang itinuro ay Grammar and Composition, Advanced Pilipino Grammar, at Survey of Appreciative Study of Filipino Literature.

Pero noong dekada ’70, unti-unting nawala ang departamento at naisanib ito sa “Department of Languages.”

Mula nang buhaying muli ang Departamento ng Filipino sa Unibersidad noong 2009, mas pinalawak pa ng kagawaran ang relasyon nito sa Unibersidad at sa iba’t ibang institusyon.

Ayon kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, patuloy na kinikilala ang naturang sangay sa loob at labas ng Unibersidad.

“Ginawaran ang departamento [ng Filipino] ng pagkilala mula sa Komisyon ng Wikang Pambansa dahil sa masigasig na pagsasagawa ng mga proyekto sa pagiintelekwalisa ng wikang Filipino,” ani Ampil.

Sa kasalukuyan, maraming programang nais ipatupad ang departamento, tulad ng paggamit ng media upang mas lalo pang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Tomasino.

“Pangunahin sa aking balak ay magkaroon ng sariling journal at website ang departamento. Ikalawa, ang masigasig na programa ng pananaliksik at publikasyon,” ani Ampil.

Para kay Ampil, may ilan mang kinakaharap na suliranin ang departamento, partikular na ang usaping pinansyal, hindi pa rin ito naging balakid upang makilala ang sangay sa iba’t ibang institusyon.

READ
Campus journalists told to uphold tenets of craft

“May ilang imbitasyon din sa mga fakultad mula sa iba’t ibang unibersidad upang maging tagapagsalita,” ani Ampil. “Dagdag pa ang ilang publikasyon na kinuha ang serbisyo ng fakultad upang magsulat ng textbooks. Tanda ito ng unti-unting pagkilala ng departamento.”

Tomasino siya

Alam niyo ba na isang Tomasino ang isa sa mga unang tagapagsulong ng modernong disenyo ng mga gusali sa Pilipinas?

Si Carlos Arguellas, nagtapos ng Bachelor of Architecture sa Unibersidad noong 1939, ang nagdisenyo ng gusali ng Philam Life headquarters at Manila Hilton (ngayo’y Holiday Inn) na matatagpuan sa United Nations Avenue, Philippine National Bank sa Escolta, Development Bank of the Philippines, Allied Bank, at Solid Bank na makikita naman sa Makati.

Sa isang taon na pagiging reserve officer sa Philippine Army, nagdesisyon si Arguellas noong 1940 na lumipad patungong United States of America (USA) upang kumuha muli ng kurso ng arkitektura sa Massachusetts International School of Technology, isa sa mga pangunahing paaralan sa buong mundo. Taong 1941 siya nagtapos.

Naudlot ang pagkuha niya ng master’s program sa arkitektura dahil nagsimula na ang ikalawang pandaigdigang digmaan. Naging tank commander siya sa Nevada, USA at ‘di kalaunan ay naging intelligence officer sa Australia.

Taong 1946 nang makuha niya ang master’s degree sa arkitektura. Bandang 1950s ay nagtrabaho siya sa Welton Beckett and Associates, isa sa mga pinakamalaking architectural firm sa USA noong 1950s.

Naging dekano rin siya ng College of Architecture noong 1954 sa Unibersidad.

Siya ay kilala rin sa pagplano at pagdisenyo ng Philam Life Homes sa Quezon City, ang kauna-unahang “gated community” sa Pilipinas. Ang subdibisyon na ito ay unang nagkaroon ng bakod, central park, clubhouse, at higit sa lahat ay residential design na naaayon sa model unit ng isang bahay.

READ
Habang maaga ay magparehistro

Dahil sa kaniyang mga makabagong disenyo, ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura. Naging honorary fellow rin siya sa American Institute of Architecture at naging aktibo sa Philippine Institute of Architecture.

Si Arguellas ay pumanaw sa edad na 85 noong 2008.

Tomasalitaan:

Balunglugod(png)—kayabangan; kahambugan

Hal.: Ang kaniyang balunglugod ang dahilan kung bakit wala siyang kaibigan sa klase.

Mga Sanggunian:

Alcazaren, P. (2008, August 26). Requiem for the Master Architect. Retrieved August 14, 2012, from philstar.com: http://www.philstar.com/article.aspx?articleid=82439

Lico, G. (n.d.). National Commission for the Culture and the Arts. Retrieved August 14, 2012, from ncaa.gov.ph: http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?igm=1&i=108

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.