“WALANG diet-diet ngayong Pasko.”
Marahil iyan na ang iyong pinakamadalas na dahilan sa tuwing labis sa nakasanayang dami ng pagkain ang iyong mauubos sa bawat handaan na iyong dadaluhan ngayong holiday season. Maaaring ito rin ang iyong gagamiting alibi sa tuwing may magtatanong sa iyo kung bakit tila tumataas ang iyong timbang nitong nakaraang mga linggo. Sa paulit-ulit na pagdadahilang ito, mistulang sinisisi mo pa ang Pasko kaya’t nakalimot ka sa dati’y sapat na pagkain para sa iyo.
Sa ginawang pagsusuri ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology, tinatayang taong 1993 pa lamang ay nakapagtala na ang bansa ng 5.7 milyon kataong overweight at obese. Bawat taon, nasa 4.3 porsiyento ang pagtaas ng bilang ng mga overweight at obese na mga Pilipino. Ang pagiging overweight ay ang pagtaas ng timbang na may kaugnayan sa tangkad ng isang tao, samantalang ang pagiging obese nama’y pagkakaroon ng labis na taba sa katawan.
Walang nakikitang okasyon o pagdiriwang ang mga taong overweight at obese—mapa-Pasko man o sa pang-araw-araw na pamumuhay, napalalabis ang kanilang kinakain. Kadalasan, nagiging tampulan din sila ng tukso—sa kanila ipinupukol ang mga katawagang mula sa mga hayop hanggang sa mga bagay na may relasyon sa pagiging mataba. Sa kabila nito, hindi sila dapat itatwa o ikahiya; bagkus, nararapat silang paalalahanan.
Maaaring nakatuon nga ang mga mapanghusgang mata ng mga tao sa pisikal na anyo ng mga overweight at obese—ngunit, higit pa rito ang tunay na banta ng kalusugan kung hindi bibigyang solusyon ang mga naturang kondisyon.
Diabetes, coronary heart disease, cancer (sa endometrium, cervix, ovary, breast, at prostate), at gall bladder inflammation—iyan ay ilan lamang sa mga sakit na may mas malaking tiyansang makuha ng mga taong overweight at obese, kumpara sa mga may malusog na pangangatawan. Bukod dito, mas bumababa rin ang life expectancy ng mga taong overweight at obese sa bawat paglabis ng kanilang pagkain.
Ang totoo niyan, ang mga paalalang ito’y common knowledge na—hindi na dapat pang sinasabi ang mga ito, ngunit dahil sa nagbabagong panahon, marahil ay kailangan ng pagpapaalala hindi lamang para sa mga maihahanay bilang overweight at obese kundi para na rin sa lahat.
Hindi naman dapat magmalabis kung nais mong magbawas ng timbang. Ayon nga sa mga eksperto, isa sa mga pinakamabisang paraan ng pagpayat ay ang pagkain nang madalas ngunit kaunting dami lamang.
Hindi rin hinihiling ang tuluyang ‘di pagkain dahil pakiramdam mo’y tumataas ang iyong timbang—marahil ay ito naman ang makapagdulot ng anorexia o pagkawala ng ganang kumain.
Hindi rin ipinagbabawal ang paminsan-minsang guilty pleasure—tulad ngayong Kapaskuhan—pero nararapat isiping minsan lamang ito sa isang taon, kumpara sa maaari mong anihing pangmatagalang karamdaman.
At higit sa lahat, hindi mapapantayan ng kahit anong handaan ang pagdiriwang ng pagiging malusog at pagkain nang tama—kapag ika’y malusog, mas hahaba ang iyong buhay at mas maraming pagkakataong matikman ang lahat ng pagkaing gusto mo: sa tamang dami, sa tamang pagpipigil, nang may tamang disiplina.