Pagsabak ng Unibersidad sa Boksing

0
1740

ALAM na ba ninyong minsang nanaig ang mga Tomasino sa larangan ng boksing?

Ayon sa tala ng Varsitarian, taong 1932 nang unang sumabak ang Unibersidad sa pampalakasang boksing ng Big Three Tournament, isang ligang kinabibilangan din ng Unibersidad ng Pilipinas at National University.

Higit na naging kasabik-sabik ito para sa mga Tomasino sapagkat nangyayari ang mga salpukan sa dating UST Gymnasium.

Dumaan sa elimination rounds ang mga kalahok hanggang sa dalawa na lang ang naiwan sa bawat weight, mula bantam hanggang welter.

Noon, hindi pa man nakikitang sumabak ang mga Tomasinong boksingero, itinuturing na silang “dark horse,” lalo na sa welterweight division.

Bunga naman ng pagkapanalo ng Unibersidad sa taong 1933, nagbigyan sila ng pagkakataong makilala sa mundo nang inilimbag ang kanilang larawan sa Christmas issue ng The Ring, isang bantog na boxing magazine sa buong mundo.

Sa 1934–1935 na edisiyon ng Big Three Tournament, pinagpasiyahan ng Unibersidad na ipagpaliban ang pagsali sa pampalakasang ito habang hinihintay ang desisyon ng mga awtoridad kung tuluyan nang tatanggalin ang patimpalak.

Hindi isiniwalat ang dahilan ng pagtigil ditto. At, nagtapos ang pampalakasang boksing na walang talo ang Unibersidad.

Hanggang ngayon, hindi na ibinalik pa ang boksing sa hanay ng mga pampalakasan sa University Athletics Association of the Philippines o UAAP.

Tomasino siya

Naiuwi sa unang pagkakataon ni Ma. Lourdes Blanco ang karangalang Most Outstanding Student Nurse of the Philippines para sa Unibersidad noong 1968.

Siya ang kauna-unahang UST-trained nurse na nanguna sa Philippine Nurses Association (PNA) examinations na pinasisinayaan taon-taon mula 1964.

Nakamit niya ang titulo matapos magtala ng pinakamataas na marka sa patimpalak ng Philippine Nurses Association Research Department na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan at kolehiyo ng nursing sa bansa.

Nagtapos siya bilang magna cum laude at tumanggap ng mga parangal tulad ng Rector’s Award for Academic Excellence, Benavides Award for Campus Leadership at UST Nurses Alumni General Academic Award.

Full scholar si Blanco sa kaniyang limang taong panunuluyan sa Unibersidad. Aktibo rin siya sa mga co-curricular activities. Naging cultural chairman siya ng Central Board of Students at namuno sa tatlong yunit ng Pax Romana sa kaniyang kinabibilangang kolehiyo.

Nagsilbi rin siyang punong patnugot ng The UST Nurses Newsette.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.