NI MINSAN, hindi ako natuwa sa ideya ng pamamaalam—maliban sa pamamaalam na aking kailangang pagdaanan ngayon.

Sabi nila, mayroong dalawang klase ng paglisan: mayroong biglaang paglisan, na tulad ng mga taong pumanaw sa aksidente’t sakuna, at mayroon din namang mga pamamaalam na nakatakda na, tulad ng mga taong nasawi dahil sa malubhang karamdaman. Sa magkaibang paraan maaaring tanggapin ang biglaan at ang nakatakdang paglisan, ngunit, anu’t ano pa man, mayroon silang parehong katangian—anumang pamamaalam ang iyong danasin, tiyak na ika’y manlulumo’t masasaktan.

Pumanaw ang aking Lolo Delfin sa edad na 77 dahil sa kanser. Base sa kategoryang nabanggit, pumapaloob ang pagkamatay ng aking butihing lolo sa tipo ng pamamaalam na nakatakda na—ngunit, sa totoo lang, ako’y nagulat pa rin nang malamang wala na siya. Kasama ko siya nang umaga ng kaniyang huling araw; kinahapunan ay tuluyan na niya kaming nilisan, subalit lubos pa rin ang aking pagkagulat. Hindi ko naihanda ang aking sarili sa pamamaalam na simula’t sapul ay alam ko namang darating na; ang pagkabatid kung kailan maaaring lumisan si Lolo ay hindi pa rin nakatulong para kahit papaano’y maibsan ang sakit, at maihanda ko ang aking sarili sa kaniyang huling oras.

Ganitong-ganito rin ang naghaharing damdamin sa akin ngayong tuluyan ko nang iiwan ang Unibersidad at ang Varsitarian—alam ko sa sarili ko na matapos ang apat na taon (kaakibat ang aking dalawang taon sa “V”), nakatakda rin akong mamaalam at magpatuloy sa aking buhay bilang ganap na indibiduwal, upang simulan ang aking karera, kung papalarin at pagsisikapan, bilang mamamahayag. Sa kabila ng kaalamang ito, laking gulat ko pa rin habang papalabas ng Arch of the Centuries; laking gulat ko pa rin nang dumating na ang kasalukuyang publication year sa ika-13 at sa ika-14 nitong paglabas—hudyat ng aking pagtatapos bilang mag-aaral ng Faculty of Arts and Letters, at bilang dating manunulat at patnugot ng Varsitarian.

READ
'Hazing,' kinondena ng mga fraternities sa Unibersidad

Maraming dahilan para malungkot at magdalamhati—kailangan ko nang tumulong sa mga gastusin ng pamilya, kasabay ng pagkayod para sa aking personal na pangangailangan; paminsan-minsan ko na lamang makikita ang mga taong araw-araw kong kasama; hindi na ako maaaring manatili pa sa comfort zones ko tulad ng St. Raymund’s Building at ng opisina ng Varsitarian—ngunit mas pinili kong humanap ng kasiyahan at kapayapaan ng isip sa aking paglisan.

Masaya at payapa kong tinanggap ang napakabigat na responsibilidad na kaakibat ng tinatawag nilang “real world.” Sa real world na ito, ang mga trabaho’y ‘di maaaring “puwede na,” kundi nararapat na tama’t pulido. Gayunpaman, ang katumbas na sahod ng bawat trabahong aking matapos ay isang pagsubok sa sining ng tamang paggasta at paglaan ng salaping mula sa aking dugo’t pawis, panahon at pagtangis.

Masaya at payapa kong tinanggap na kailangan ko nang palayain ang aking mga malalapit na kaibigan. Hindi dahil kalilimutan ko na sila, kundi para makilala ko naman ang mga panibagong tao sa buhay ko, na maaari ko ring ipakilala sa mga luma’t matatag na tao sa buhay ko. Lilisan man ako’t iiwanan sila, naniniwala akong kung tunay ang kung ano’ng nadarama namin para sa isa’t isa, matapos man ang buhay namin sa Unibersidad, paniguradong isang bagong buhay naman ang aming mararanasan sa labas nito, kasabay ng mas pinatatag at mas pinatibay na samahan.

Masaya at payapa kong tinanggap na makatatagpo rin ako ng mga bagong tambayan kung saan maaari akong magbasa, magsulat, makipagkuwentuhan, maipamalas ang tunay na “ako,” at maging kung sinuman ang aking nais maging.

READ
Bank donates P50M to UST Central Library

Masaya, payapa, at malaya akong magpapaalam sa aking mga katoto sa Unibersidad at sa Fakultad, at sa aking pamilya sa Varsitarian.

Totoong wala naman talaga akong pagpipilian sa pamamaalam na ito; totoong kailangan kong mamaalam kahit hindi pa ako handa… na kahit katakut-takot namang paghahanda ang aking gawin, paniguradong kapag dumating muli ang isa na namang kabanata ng pamamaalam, nanaisin ko ulit itong ipagpaliban na lamang.

Kaya’t, bago pa man ako mapaatras at bago pa man bumigat ang aking mga hakbang papalayo, mula sa kaibuturan ng aking puso, buo ang aking pagmamalaki’t masayang-masaya ako sapagkat nagkaroon ako ng isang UST at ng isang “V” sa aking abang buhay.

Hanggang sa muli.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.