Higit isang taon na rin ang lumipas nang magdesisyon akong kumuha ng San Lorenzo Ruiz scholarship. Bunga ng problemang pinansyal ng aming pamilya, naisip ko na ito na lamang ang natitirang paraan para manatili ako sa Unibersidad at makatulong sa aking mga magulang.
Ang San Lorenzo Ruiz scholarship ay isang programa ng Unibersidad na nakalaan para sa mga Tomasinong nagnanais ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng problemang pinansyal. Ipinagkakaloob ito sa mga estudyanteng may general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 2.50 at handang maglaan ng serbisyo para sa Unibersidad na may 20 hanggang 30 na oras sa loob ng isang linggo. Hatid ng pribilehiyong ito ay ang 100 porsyentong diskuwento sa matrikula at buwanang suweldo.
Para makakuha ang isang estudyante ng nasabing scholarship, kinakailangang magpasa siya ng ilang dokumento tulad ng transcript of records sa Office of Student Affairs (OSA) at kumuha ng psychology at IQ exams. Matapos makumpleto ang mga kailangang ipasa at pagsusulit, tinatawagan ang mga kuwalipikadong aplikante para sa serye ng mga interbyu.
Abril noong nakaraang taon nang halos sumuko na ako sa pagkuha nito. Tuwing bakasyon kasi, mas dumarami ang aplikante kaya naman halos mawalan na ako ng pag-asa na matanggap pa. Bukod dito, isa ring dahilan ng panghihina ng aking loob ay ang aking mga grado na hindi naman ganoon kataas kumpara sa ibang mga aplikante. Sa sitwasyon kasing ito, parang naghahanap ka na talaga ng trabaho at ang nagsisilbing resume mo ay ang iyong transcript of records. Ngunit sa kabila ng suliraning ito, napatunayan ko na may magandang maibubunga ang pagtitiyaga at pasensya.
Nagpatuloy akong pumunta sa OSA noong mga unang araw ng pasukan para asikasuhin ang aking aplikasyon hanggang isang araw ay ipinadala nila ako sa Varsitarian para sumailalim sa isang interbyu. Sa kabutihang palad, natanggap ako. Lubos ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil dininig niya ang panalangin ko. Subalit, simula pa lang ito ng mga bago kong pagsubok bilang isang working scholar.
Hindi madaling pagsabayin ang pag-aaral at pagtratrabaho. Sa unang pagkakataon, naranasan ko ang magpuyat para mag-aral sa mga pagsusulit kinabukasan dahil kadalasan ay gabi na ako umuuwi mula sa aking trabaho. Hindi ko rin alam noon kung paano iiwasan ang paglalakwatsa. Nasanay kasi ako sa komportableng buhay-estudyante kung saan pagkatapos ng klase ay ginagawa ko kung anuman ang gusto ko at pumupunta ako kung saan man ako yayain ng mga kaibigan ko. Nahirapan akong isantabi ang mga ito para magbigay daan sa aking pag-aaral at trabaho.
Nang tumagal ay natutunan ko ring pagbalansehin ang dalawa. Maraming bagay ang kinailangan kong isakriprisyo. Isa na rito ang aking social life. Naalala ko nang minsang manood ng sine ang aking mga kaklase, sumama ang loob ko dahil unang beses akong hindi nakasama sa lakad nila dahil hanggang hapon pa ang toka ng “duty” ko. Isa pa sa bagay na kinakailangan kong pakibagayan bilang working scholar ay ang mga pagbabago sa aking oras. Ang oras na sana’y nakalaan sa aking pag-aaral ay napupunta sa trabaho. At ang oras na sana’y nakalaan sa aking pagpapahinga at paglilibang ay napupunta sa pag-aaral.
Noong sumunod na semestre ay hindi ko na naabot ang GWA na 2.50 dahil malaking oras na dapat sana’y igugugol ko sa pag-aaral ang nakain ng aking trabaho. Kung susumahin, nakakapanghinayang ang aking sinapit dahil ang bagay na pinaghirapan kong makuha ay ganoon na lamang naglaho. Ngunit kahit na sa maikling panahon lamang ako naging working scholar, nag-iwan naman ito ng mahahalagang marka ang sa aking pagkatao.
Dahil dito, natutunan kong gawing prayoridad ang aking pag-aaral. Ngayon, mas lalo kong naintindihan na una sa lahat, isa akong estudyante at nararapat lamang na unahin ko ang aking pag-aaral sa halip na paglalakwatsa. Mas pinapahalagahan ko na rin ngayon ang aking oras.
Bukod dito, nalaman ko rin ang kahalagahan ng mga working scholars sa ating Unibersidad. Sa aking opinyon, isa sa mga maipagmamalaki natin ay ang mga San Lorenzo Ruiz scholars. Sila ang mga estudyanteng pinili na magtrabaho para patuloy na makapag-aral sa kabila ng kanilang problema sa pera. Sila ang mga estudyanteng isinakripisyo ang paglilibang para makatulong sa kanilang mga magulang at mapaglingkuran mga kapwa Tomasino.Sa batang edad ay nagsusumikap na sila para sa ikabubuti ng kanilang kinabukasan. Isa silang magandang halimbawa sa mga kabataan. Tunay na maipagmamalaki silang mga Tomasino.