MALAMIG na hangin ang pumasok sa bintana upang tuluyang lusubin at patayin ang kandila na nakapatong sa malaking hapag-kainan. Dagli-dagli akong tumayo upang abutin ang kaha ng posporo malapit sa naturang kandila.

“Huwag ka na ngang mag-abala pa, iho,” narinig ko ang malalim na boses ng aking Tiyo Manuel nang akma kong ikikiskis ang hawak kong palito ng posporo. “Mapapagod ka lang sa kasisindi.”

Nagkibit-balikat na lamang ako at ibinalik ang palito sa loob ng kahon. Bumalik ako sa aking kinauupuan at pilit na nakinig sa pinag-uusapan sa lamesa.

Negosyo, pulitika, buhay ng kung sinu-sino—tahimik lang akong nakaupo’t pilit iniintindi ang sinasabi ng mga tao. Mabuti pa ang pinsan kong si Simon, marunong makisalamuha sa mga usapang matanda kahit ayaw ng kanyang tatay.

Noche buena—ang pinaka-ayaw sa lahat. Dapat nandoon ako sa labas at nakikisaya sa mga pinsan kong mga bata—nagpapaputok, nagsisigawan. Subalit, mula noong magdisisyete na ako, napilitan akong sumalo sa mga matatanda dahil binata na raw ako. Halos mamatay na ako sa inip.

Sa may bintana, nakita ko ang mga pinsan ko na tumatalon sa tuwa habang pinapanood ang bumubugang fountain, na nagpapaliwanag sa madilim na Pasko. Sa kalayuan, dinig naman ang mga paputok subalit bigong lagpasan ang kalatong ng kampana ng simbahan na nagbabadya ng pagsilang ni Kristo.

Para hindi mainggit, muli kong ibinaling ang aking mga mata pabalik sa mesa. Sa gitna, nakaupo ang lolo sa kanyang wheelchair. Nakasuot ng puting damit ang kanyang kinukulubot na balat habang kanyang kinakamot ang puti niyang buhok. Sa gilid ng mesa, nakaupo ang aking mga tiyahin at tiyuhin. Abala sila sa kanilang pinag-uusapan.

“Payagan niyo na kasing ilibing ang inyong Mamang sa tabi ng ilog.” Tila anghel na dumaan sa sinabi ng lolo. Hindi pa rin nagbabago ang lalim ng kanyang boses, waring yumayanig sa mga nakakarinig nito na naging dahilan upang tumahimik ang lahat.

“Papang,” sabi ng Tita Mila. “Matagal na nating pinag-usapan ‘yan. Ayaw naming magkakapatid dahil ano lang ang isipin ng tao kung huhukayin uli natin si Mamang at sa tabing-ilog pa natin siya ililibing?”

“Naku, away na naman ito,” pabulong na wika ng isa kong pinsan. Napatango na lamang ako na hindi pa rin inaalis ang titig sa lolo. Kung sakaling mag-init ito, pihadong ang baso o ang plato sa harap niya ang kanyang ibabato. Ang mahirap, baka sumikip na naman ang paghinga at kailangan na namang itakbo sa ospital.

Imbes na magalit—tulad ng inaasahan ng lahat—kinuha niya ang baso at uminom dito sabay tulak sa mga gulong ng kanyang wheelchair, umatras at lumiko papunta sa salas.

“Pagpasensyahan niyo na,” sagot ng Tita Rica, asawa ng panganay sa magkakapatid at siyang nag-aalaga sa lolo. “Kapag hindi mo siya pinapansin, titigil din.”

“Ang Papang talaga,” mahinang tugon ng isa kong tiyahin nang lumayo nang kunti ang lolo. “Ulyanin na talaga. Akalain mong ipapahukay na lamang ang Mamang na parang aso.”

“Hindi naman po siguro,” bigla kong may galit na sagot. Matagal bago ko napagtanto na boses ko pala iyon. “Hindi naman po siya ulyanin,” pagpupumilit ko.

Napatitig ang lahat sa akin. Marahil, hindi sila makapaniwalang mangangahas akong pagsabihan sila. Subalit may katotohanan ang aking winika. Palagi nilang pinaparatangan ang lolo na ulyanin kahit alam kong hindi pa bumibigay ang utak ng matanda.

Lumaki ako sa piling ng aking lolo’t lola. Nang inatake sa puso ang lolo, ako na ang naturingang mag-alaga sa kanya. Kaya may tiwala ako sa aking sarili na ako lang ang nakakaalam sa iniisip ng lolo. At nang magsimulang ipagpipilitan ng lolo na hukayin ang puntod ni lola at ilipat ito sa tabing-ilog, pinigil ko na lang ang galit ko kapag pinagtatawanan siya ng lahat at sinasabing bumigay na ang utak nito.

READ
Two sophomore fashionistas hailed

“Hay naku Elmo,” pabuntong-hiningang sabi sa akin ng Tita Mila, “kahit seryoso pa ang Papa, hindi pa rin kami makakapayag sa binabalak niya.”

Tumango na lamang ako at yumuko. Sa kagandahang-palad, biglang umiba ang usapan at hindi na ako inabala ng mga tao.

Nagpunta ako sa sala. Dinig ko ang radyo na mahinang nagpapatugtog ng mga awit-Pasko. Naghahabulan naman ang mga ilaw na nakapalibot sa higanteng Christmas tree habang patung-patong naman itong tinitingala ng mga nakabalot na regalo sa may paanan nito.

Nakita ko ang lolo na nakaharap sa dingding kung saan nakasabit ang malaking pintadong larawan ng yumaong lola.

“Lo, naimbag a paskuam,” binati ko ang lolo, at bahagya akong napangiti dahil sa wakas napa-Iloko na rin ako. Tagalog ang usapan kanina sa may kusina. Hinawakan ko ang kanyang inuupang wheelchair.

Iniangat ng lolo ang kanyang mukha sabay hawak ng aking kamay.

“Saan ba ‘yung mga tao?” tanong niya sa akin.

“Andoon na po kasi ‘yung mga namamaskong seminarista. Baka kasi gusto niyo silang panoorin,” tanong ko sa kanya.

“Huwag muna ngayon,” sagot niya. “Ihatid mo nga ako sa likod ng bahay, sa may garahe.”

Itinulak ko ang wheelchair sa may pintuan sa likod ng bahay. Gusto ko man tanungin kung bakit siya pupunta ng garahe sa ganitong oras, minabuti ko na lang na huwag munang magtanong. Pihadong magagalit na naman ito kung sakali.

Pagbukas ko ng pinto, dama ko ang paglusob ng malamig na hangin dala ang amoy ng pulbura ng mga paputok.

“Tulungan mo akong sumakay at imamaneho mo ako,” sabi niya sa akin nang makarating kami sa tapat ng kotse na ibinigay sa kanya ng kanyang panganay na anak.

“Lolo,” hindi ko napigilan ang aking sarili na nagtanong. “Saan naman tayo pupunta? Paskong-pasko pa naman.”

“Sasabihin ko na lang sa iyo kapag naisakay mo na ako,” malumanay niyang sagot.

“Sa tabi ng ilog tayo. Huwag ka sa harap ng bahay dumaan nang hindi tayo makita,” utos niya sa akin nang nakaupo na ako sa harap ng manibela. Minabuti ko na lamang na tumahimik.

May maliit na daanan sa likod ng bahay subalit mabato ito at lihis sa kalsada, papunta sa bukirin at taniman na pag-aari ng lolo. Unti-unting humina ang tunog ng mga paputok habang papalayo kami. Tiningnan ko ang aking lolo at nakatingin ito nang diretso sa kanyang harapan. Dagli ko ring ibinalik ang aking mga mata sa kalsada dahil makitid at may kadulasan ang daan. Subalit, nakita kong may tumutulong luha sa kanyang mga mata.

Maliwanag ang buwan at maraming nakasilip na bituin. Nang malapit na kami sa kubo na tinutuluyan ng mga nagsasaka sa lupa ng lolo, nagsitahol ang mga aso. Kalimita’y nakabukas ang isang malaking kolman sa duruwangan nito subalit madilim ito dahil ang lahat ay nasa bahay at nakikipamasko.

Nang madaanan namin ang naturang kubo, lumiko ako sa kanan nang masilip ng ilaw ng sasakyan ang isang lumang cardboard na may nakasulat na “To Karayan”. Nakita ko sa malayo ang mga ilaw ng mga sasakyan na galing sa mahabang tulay subalit ang nakapukaw ng aking pansin ay ang kakaibang liwanag na galing sa ilog. Hinalikan ng maliwag na buwan ang agos nito na waring sa kalaliman pa mismo ng ilog nanggaling ang liwanag nito.

READ
Morning sunshine for the perplexed mind

“Ihinto mo na lang dito,” namalayan ko ang kamay ng aking lolo na dumapo sa aking mga kamay na nakahawak sa manibela. Agad kong inapakan ang preno sa tabi ng isang patay na puno na nakatayo sa gitna ng mga mabuhanging pampang ng ilog.

“Ano po ang gagawin natin dito?” tanong ko sa matanda nang tuluyan kong mapatay ang makina ng sasakyan. “Baka ho hanapin tayo sa bahay.”

Parang walang narinig ang matanda. Bagkus, itinuwid niya ang kanyang pagkakaupo at itinuro ang patay na puno.

“Nang hindi nagkukua-quarry sa kabila, hindi lamang iyan ang puno dito. Nang lumawak na ang ilog at natabunan ng buhangin ang lupa, ‘yan na lamang ang natira.”

Sa kadiliman ng pampang, naaninag ko ang namamasang mata ng matanda. Palagi kasi itong nagkakaganito kapag bumabalik ang mga tagpo ng nakaraan simula nang atakihin ito sa puso.

Tumango lamang ako dahil hindi ko alam ang aking sasabihin. Gusto ko mang umalis na at bumalik sa bahay, takot naman akong sabihin ito sa matanda. Hindi ko siya kayang kulitin dahil sobrang manipis ang kanyang pasensya. “Yang punong iyan na lamang ang natitirang alaala namin ni Flora,” pagpapatuloy ng lolo. Napatingin ulit ako sa matanda at waring may sumapi sa aking balat upang magsitayo ang aking mga balahibo.

“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ko sa kanya. Nabighani ang aking interes dahil bata pa lamang ako ay nawiwili na ako sa kanyang mga kuwento.

Ngunit imbes na sagutin ang tanong ko, binuksan niya ang pintuan ng kotse at sinabi sa akin, “Elmo, tulungan mo akong bumaba dito.”

“Pero ‘lo…”

Napilitan akong tulungan siyang tumayo. Humawak siya sa nakabukas na pintuan. Nagpunta ako sa may likod ng kotse kung saan nakahiga ang kanyang walker at ibinigay ito sa kanya upang tuluyan siyang makatayo.

“Elmo, hindi ko na alam ang gagawin ko,” biglang gumaralgal ang tinig ng lolo. “Sana bago ko sundan ang iyong lola…”

Hindi niya ipinagpatuloy ang sinasabi dahil tuluyan na siyang humagulgol. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin at gagawin. Hindi ko namalayang bumalik ang aking paningin sa puno. Hindi ko alam kung pinaglalaruan lamang ako ng aking imahinasyon dahil nakita ko ang puno na biglang tinubuan ng mga dahon, tumingkad ang kulay sa dilim, nagsimulang lumakad papalapit sa ilog hanggang sa tuluyan itong magtampisaw sa tubig, unti-unting linulunod ng nagagalit na ilog.

Klak…

Nawasak ang aking pagmumuni-muni. Tiningnan ko ang patay na puno na nakatayo pa rin habang tahimik namang patuloy na umaagos ang ilog. Ibinaling ko ang aking paningin sa lolo at nakita kong pinilit pala niyang lumakad sa kanyang walker at nayapakan pala nito ang isang nakatiwangwang na bato.

“Saan po kayo pupunta?” pagmamadaling tanong ko sabay alalay sa kanyang balikat dahil muntik na itong matumba. “Mabato po diyan at saka madilim pa at baka kung ano matapakan natin diyan.”

Huminto ang matanda at hindi na umimik. Kinapa ko ang bato na sumingit sa paa ng walker at inalis ito.

“Alam mo ba, Elmo, kung paano kami nagkakilala ng iyong lola?”

READ
Of suggestions and evaluations

“Ho?” napangiti akong nagtanong. Natatandaan ko noong bata ako na kinukulit ang dalawa kung paano sila nagkakilala subalit ngingitian lamang nila ako kaya sumuko na ako sa kakausisa.

“Diyan sa punong iyan,” bumalik ulit ang garalgal sa kanyang tinig, waring ang mga salita’y tinataboy ng hangin, hinihigop ng naturang puno kung saan ang mga matatamis na alaala nito’y nagpapayanig sa kanyang nalulumbay na puso

“Ikalawang Pasko ng digmaan noon. Kasali ako sa mga gerilya subalit namataan kami minsan at hinabol ng mga Hapon. Nabaril ako dito,” sabay turo sa kanyang balikat kung saan kita pa rin ang malaking namumula na peklat nito. “Dahil hindi na ako makahabol sa mga kasama ko, nagtago ako sa punong iyan at nagpanggap na patay.”

Yumuko ang matanda at tumahimik ng konti. Ang dating isang luha na tumutulo ay unti-unting dumami, mga mapapait na ulan na dumidilig sa mabatong pampang.

“Okey lang po ba kayo?” may pag-alalang usisa ko sa kanya.

Tumango lamang siya at pinabayaan ang mga luha na magmantsa sa kanyang nangungulubot na mukha.

“Inumaga ako sa punong iyan. Hindi na ako pinansin ng mga Hapon kasi akala nila patay na ako. Nang nawala na sila, namimilipit na ako sa sakit at ayokong dumugo nang tuluyan ang aking sugat. Doon ako nakita ng lola mo.”

Yumuko ulit ito at pinunasan sa kanyang damit ang mga luha sa kanyang mukha. Nagulat ako nang makita kong ngumiti siya nang iangat niyang muli ang kanyang mukha.

“Sasalok sana siya ng tubig sa umaga. Katulong siya kasi dati ng mga Ilustre. Taga-Bisaya kasi siya at sa kaka-evacuate, napadpad dito sa atin. Tinulungan niya ako, hinugusan ang aking sugat, pinainom at ikinuha ng pagkain. Kung hindi dahil sa kanya, patay na siguro ako. Sa kasamaang palad, inunahan pa niya ako—siya na nagligtas sa aking buhay.”

At tuluyan na itong humagulgol, isang iyak na waring nagsisisi sa kalupitan ng kapalaran. Hindi ko alam ang aking sasabihin at gagawin kaya inakbayan ko na lamang siya sa balikat at tinapik nang marahan ang kanyang batok.

“At alam mo ba kung ano ang hindi ko makakalimutan sa araw na iyon?” humihikbing pagpapatuloy ng matanda.

“Namalayan ko na lamang na naghahawakan na kami ng kamay, naghahalikan, habang unti-unting lumalabas ang araw.”

At sa pagkakasabi niyang iyon, biglang nagsitilaok ang mga manok sa malayo habang unti-unting inakyat ng araw ang malaking bundok sa kabila ng ilog, tuluyang pinapaliguan ng liwanag ang tahimik na tubig ng ilog.

At sa tagpong iyon, biglang nagliwanag ang lahat sa akin. Sa pag-akyat ng araw sa Pasko, biglang nasagot lahat ang aking mga katanungan—kung bakit ipinagpipilitan ng lolo na ilibing ang kanyang asawa dito sa lugar na ito; kung bakit araw-araw, simula nang pumanaw ng lola, gigising siya ng maaga at magpapahatid sa lugar na ito upang hintayin ang pagsikat ng araw.

Tiningnan ko uli ang lolo at nakita ko siyang nakatingin nang malalim sa sumisikat na araw, waring hinihigop ang hiwagang dala ng bukang-liwayway.

“Elmo,” binasag niya ang namayaning katahimikan. “Kung mawawala man ako, sana pagtabihin mo kami ng iyong lola diyan sa punong iyan kung saan kami unang nagkita.”

Nginitian ko ang matanda at tumango. Sa malayo, nakita ko ang dalawang ibon na dumapo sa patay na sanga ng puno. Pinisil ko ang balikat ng matanda at inaya pabalik sa sasakyan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.