NOON pa man, kayunin na ng Unibersidad ang palawakin at paunlarin ang kaalaman at wastong paggamit ng wikang pambansa kung kaya't isang kapisanan ang itinatag ng mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Edukasyon noong Agosto 1947.
“Diwa ng Kabataan” ang naging tawag sa naturang samahan sapagkat pangunahing adhikain nito ang buksan ang kamalayan ng mga Tomasino sa kagandahan at kahalagahan ng Wikang Filipino.
Kinabilangan ito noon ng mga mag-aaral ng Bachelor of Science in Education Major in Filipino. Si Jose Villa Panganiban, isang lengguwista’t unang tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang naging unang tagapayo nito samantalang si Emiliano Rico Silverio naman ang unang nahalal na pangulo. Magugunitang si Panganiban din ang itinuturing na tagapagtatag o “Ama ng Varsitarian” dahil pinangunahan niya ang pagkakatatag ng pahayagan noong 1928.
Setyembre 1947 nang ipagdiwang ang tinaguriang pista ng Diwa ng Kabataan na dinaluhan naman ng mga mananagalog. Idinaos ang animo’y kapihan ng mga tanyag na mambabalarila at mga bantog na pangalan sa larangan ng panitikang Filipino. Nagkaroon ng tulaan at awitan, tampok ang mga lathala ng mga manunulat. Sa pagtitipon ding ito pinagkasunduang gawaran ang ilang miyembro bilang Mutya ng Pagtitipon, Mutya ng Inang Wika at Mutya ng Diwa ng Kabataan.
Isang buwan makalipas ang pista, ginawaran ng kapisanan sa Caloocan ang ilang manunulat sa Filipino. Nilahukan ito nina Lope K. Santos, Dionisio San Agustin, Nemesio Caravana at marami pang ibang peryodista sa iba’t ibang pahayagan at magasin.
Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng mga samahang pampanitikan sa Unibersidad, tulad ng UST Panulat, Tanggol Wika at marami pang iba, ang mga layunin at gampanin na sinimulan ng Diwa ng Kabataan. Layon nila na imulat ang kamalayan ng mga Tomasino sa pambansang wika at bigyan ng panibagong sigla ang paggamit nito.
Katuwang ang mga guro, mga mag-aaral at mga nagpapakadalubhasa sa wika, inaasahang mas magiging malaki ang maiaambag ng Unibersidad sa pagyabong ng Filipino sa mga henerasiyong darating.
Tomasino Siya
Dugong Tomasino ang nananalaytay sa isang tanyag na speech therapist na ginugol ang buhay sa paglilingkod at pag-aaruga sa mga may kapansanan sa pagsasalita at pandinig.
Nagtapos ng kursong AB Philosophy sa Faculty of Philosophy and Letters (ngayon Arts and Letters) si Leticia Nietes-Buhay noong 1952 at nagpakadalubhasa sa larangan ng Speech Therapy sa Unibersidad ng Illinois sa Estados Unidos.
Taong 1987 nang itatag niya ang Maria Lena Buhay Memorial Foundation, Inc. at nagsilbing direktor nito. Ito ang unang organisasiyon sa Filipinas na kumakalinga at nagbibigay ng edukasiyon sa mga hearing-impaired. Naitatag ito bilang pag-alala sa kaniyang namayapang anak.
Tinutulungan ng nasabing non-profit foundation ang mga batang may kapansanan sa pandinig at pagsasalita. Napamahal na kay Buhay at magiliw siyang tinatawag na “Teacher Mom” ng mga batang kaniyang natulungan.
Dagdag pa rito, naging kauna-unahang tagapangulo ng Speech Department ng Unibersidad si Buhay, at nagsilbi bilang speech therapist sa Manila Hearing Aid Center at sa Apolinario Mabini Rehabilitation Center na nasa loob mismo ng UST Hospital.
Walang pag-iimbot na ibinahagi ni Buhay ang kaniyang kaalaman at ginamit ito upang makatulong sa kaniyang kapuwa. Bukod sa pagiging isang alagad ng agham panrehabilitasiyon, isa rin siyang prominenteng may-akda at respetadong akademiko.
Pinarangalan siyang “Most Exalted Sister” ng Phi Lambda Sigma Sorority at ng iba pang samahan kagaya ng Honorary Society for Women in Speech in America at Quota International, Inc.
Tomasalitaan
Upasala (PNG) – paghamak sa kapuwa; panlalait; pagmumura
Hal.: Hindi niya inalintana ang mga upasala dahil alam niyang walang katotohanan ang mga ito.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo XVII Blg. 9, Agosto 11, 1947
The Varsitarian: Tomo XVII Blg. 11, Septyembre 10, 1947
The Varsitarian: Tomo XVII Blg. 18, Oktubre 10, 1947
The Varsitarian: Tomo XX Blg. 7, Agosto 10, 1948
The Varsitarian: Tomo XX Blg. 9, Agosto 28, 1948
2014 TOTAL Awards Souvenir Program.
Leticia Nietes-Buhay. Nakuha mula sa http://www.philstar.com/education-and-home/2014/07/03/1341916/outstanding-thomasian
Leticia Nietes-Buhay. Nakuha mula sa http://www.mb.com.ph/totally-thomasian/