MATATAGPUAN sa Unibersidad ang isang hardin na nagkakanlong ng maraming uri ng mga halaman at mga paru-parong nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Noong Disyembre 1948, pinangunahan ni Padre Angel de Blas, dating rektor, at ni Eduardo Quisimbing, isang tanyag na botaniko, ang pagbubukas ng botanical garden sa Unibersidad.
Dating kilala bilang Pharmacy garden, ang naturang hardin ay matatagpuan sa pagitan ng UST Main Building at Santisimo Rosario Church.
Bahagi ng inagurasyon ng hardin ay ang “symbolical tree planting” kung saan ang mga punong itinanim ay ipinangalan sa mga kilalang tao sa Unibersidad, halimbawa ang puno ng suha kay Padre Jesus Castañoa, dating bise rector, at ang Dama de Noche kay Gabriel Lao, dating dekano ng College of Civil Law.
Taong 2001 nang kinilala ni Tamerlane Lana, O.P., dating rektor, at ni Gloria Bernas, dating dekana ng College of Science, ang botanical garden bilang live classroom at laboratory ng mga Tomasino.
Sa naturang taong iyon, naglagay din sa hardin ng isang butterfly sanctuary kung saan ang mga paru-paro ay nagmula pa sa Palawan at Los Baños.
Noong 2005 naman, napabalitang matatagpuan sa botanical garden ang isang halamang may potensiyal na pigilan ang pagkalat ng cancer cells sa katawan ng tao.
Itinampok nina Hannah Vergara, alumna ng College of Science, at Bernas ang halamang Barringtonia asiatica (Linn) Kurz o Botong sa pag-aaral na pinamagatang “A Preliminary Investigation on Barringtonia asiatica (Linn) Kurz as a Potential Anti-Tumor Agent.”
Napatunayan sa pananaliksik na may kakayahang pigilin ng extract ng Botong ang angiogenesis o pagkalat ng cancer cells.
Naging finalist ang pag-aaral nina Vergara at Bernas sa Philippine Council for Health and Research Development sa kategoryang Gruppo Medica Award for Outstanding-Research in Herbal Medicine.
Tomasino siya
Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kauna-unahang Pilipinong nakatanggap ng gantimpala mula sa United Nations Environment Programme (UNEP)?
Si Elisea Gozun, nagtapos ng Secondary Education noong 1968 sa Unibersidad, ay ginawaran ng UNEP ng “Champion of the Earth” award noong 2007.
Ang UNEP ay isang organisasyon sa ilalim ng United Nations na may adhikaing panatilihin at pangalagaan ang kalikasan.
Noong 1987, nagsimula si Gozun bilang head executive assistant at hindi naglaon ay naging assistant secretary for policy sa Department of Environment and Natural Resources. Noong 2002, siya ay naging kalihim ng naturang kagawaran.
Binuo rin ni Gozun ang ECOWATCH program, isang environmental program kung saan kasama rin ang World Bank. Samantala, inilunsad din niya ang Brown Fund, ang kauna-unahang funding source sa bansa para sa mga bubuuing environmental programs sa mga iba’t ibang bayan at siyudad.
Sa kasalukuyan, si Gozun ay ang Presidential Assistant on Climate Change.
Tomasalitaan
Apuhap (PNG)—paghahanap sa pamamagitan ng kamay.
Hal.: Sa gitna ng dilim, inapuhap ni Maritoni sa sahig ang kaniyang nahulog na kuwintas. Jonah Mary T. Mutuc
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo LXXIII, Blg. 3 Setyembre 1, 2001
The Varsitarian: Tomo LXXVI, Blg. 4 Agosto 31, 2004
The Varsitarian: Tomo LXXVII, Blg. 3 Agosto 6, 2005
The Varsitarian: Tomo LXXIII, Blg. 4 Oktubre 5, 2007