SA NGALAN ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Panginoon, patawarin niyo po ako. Hindi ko po sinasadyang magsinungaling.

Passing score. Iyan lang naman ang gusto ko. Sa pagsusulit na iyon, kailangan ko talagang makapasa dahil tagilid na talaga ako. Ayaw ko pong umulit. Ayaw ko pong manatili sa eskuwelahan na ito. Higit po sa lahat, ayaw ko pong magalit ang mga magulang ko.

Sapat na po ba ang mga dahilang ito upang maintindihan niyo po ang ginawa ko?

Tatlong gabi na ang nakalilipas. Ano kaya ang score ko sa nakaraang pagsusulit? Bakit hindi pa rin ito binabalik ng prof namin? Nahalata po kaya niya?

Sorry, Lord. I’ m really, really sorry.

Magpapaliwanag ako.

Pagtunog ng bell, agad-agad kaming nagkumpulan para sa recess. Niyaya ako ng ilan sa mga kaklase kong dean’s lister para sa group study. Siyempre pumayag po ako. Sino ba namang ayaw makasama mag-aral ang mga matatalino, ‘di ba po?

Nang dumating kami sa bahay nina Sherina, ang dean’s top lister namin, agad niya kaming inanyayahang mananghalian at pagkatapos ay nagpahinga.

“Digest muna tayo ng limang minuto,” sambit ni Irish, ang Top 2 namin.

“Oo nga, manood muna tayo ng pelikula. One More Chance!” sulsol pa ni Jean, na wala naman sa Top 10 pero gusto lang makapasok sa barkada nila upang matawag na “matalino.”

At dahil paborito kong aktor si John Lloyd, sumang-ayon ako at sumamang manood.

Tatlumpung minuto. Isang oras. Dalawang oras. Patuloy ang pagtakbo ng oras na tila isang palamuti lamang sa kanilang tatlo.

READ
Love in a different light

Nasorpresa ako na may panahon pa pala sila mag-‘petix’ o mag-relax maski bukas na ang aming pagsusulit,

Natapos ang pelikula. Sa wakas.

“Anong sunod nating papanuorin?” tanong ni Irish.

“Meron ditong Temptation Island, Ang Babae sa Septic Tank, or marathon na lang kaya tayo ng Harry Potter?” nag-aanyayang sagot ni Sherina.

“Sige, sige! Marathon na!” malakas na sigaw ni Jean.

Nagpanting ang aking tainga sa narinig. Kasabay ng mabilis na tibok ng aking puso ay ang paghiyaw ng damdamin na tila naipon lamang sa loob at hindi mabigkas.

Sa kalagitnaan ng palabas, unti-unting sumasagi sa aking isip ang mga “palakol” kong marka noong mga nakaraang quarter. Hindi. Ayaw kong bumagsak.

“Guys, mauuna na ‘ko. Sa bahay nalang ako mag-aaral,” ang paglalakas loob ko.

Pinagtinginan nila ako at naghalakhakan silang lahat.

“Hindi kasi ako matalino gaya ninyo! Kung mamaya pa kayo magsisimulang mag-aral, hindi ko kayang sabayan ang kapasidad ng mga utak niyo. Akala ko tutulungan niyo ako.”

Natigil ang lahat at tanging ang telebisyon lamang ang tunog na namayani sa buong sala. Bigla silang naglipon at niyaya akong umupo.

Naglabas si Sherina ng isang papel at napansin kong ngumiti silang lahat.

Tumingin ako sa kanila ng nakakunot ang noo at tila nabasa nila ang tanong sa utak ko “Narito ang lahat ng sagot sa pagsusulit bukas. Relax ka lang.”

“Paano?”

“Matalik na kaibigan ni mommy ang sekretarya ni Sir na siyang nagta-type ng ating mga pagsusulit,” aniya. “Kaya bago pa man ibigay ni Sir sa klase ang pagsusulit ay mayroon na kaming kopya nito. At nahanap na rin namin ang mga sagot,” dagdag pa ni Sherina.

READ
Artlets professor, awarded honorary doctorate in UK

“Ang mommy kasi ni Sherina ang nagbigay ng trabaho sa sekretarya ni Sir kaya naman bilang pagtanaw ng utang na loob, ibinibigay ng sekretarya ni Sir ang kopya ng pagsusulit,” dagdag ni Irish.

“Ito ang dahilan ng mga matataas naming marka sa pagsusulit ni Sir. Oha! Bilib ka ba?” “Ano? Aayaw ka pa ba?” ani Jean.

Oo nga naman. Hindi ko na kailangan basahin lahat ng hand-outs ni sir. Hindi ko na kailangan magpa-xerox ng notes na wala ako. In short, hindi ko na kailangang mag-aral.

Ang mga dean’s lister na inakala kong buong araw nag-aaral at tila mga diyos sa silid— mga hangal pala.

Naiintindihan ko na ang lahat ngayon. Kung bakit tila wala silang pangamba para sa pagsusulit bukas, kung bakit ang saya-saya nila habang ang buong klase ay halos hindi na makaupo nang maayos sa kaba. Ngayon alam ko na—sila’y mga diyos-diyosan sa sarili nilang palasyo.

Natahimik ako sa ibinunyag nila. Isa-isa silang tumayo, tinapik ako sa balikat, at tinuloy ang kanilang siyesta. Naiwan ako sa sala at kanilang iniwan ang papel sa ibabaw ng hapag.

Sorry, Lord. I’ m really, really sorry.

Kinabukasan, mabigat ang aking loob nang pumasok sa silid. Nanginginig, namamawis ang mga kamay, mabilis ang tibok ng puso.

“Class, this is your last exam. Make it good. Last chance niyo na ito,” ani Sir Ronquilio.

Lumipas ang sampung minuto, isa-isang umalis ang barkada nila Sherina.

Sila na talaga ang mga “matatalino!” Kahit man lang para sa kanila, matawag nila ang mga sarili na matatalino. Ngunit hindi para sa akin. Dahan-dahang binabasa ng aking mga mata ang bawat tanong, hinuhukay ang isipan sa posibleng sagot habang nag-aalinlangan sa sariwang alaala na iniwan ng kahapon.

READ
Retrato't rekuwerdo ng siglo de oro ng pelikulang Pilipino

Tatlumpung oras ang nakalipas, pawis na pawis ang noo ko at batok.

“Bahala ka na Lord,” bulong ko sa aking sarili sabay ng pagtayo upang ipasa ang exam paper.

Dumating na ang oras ng katotohan. Palabas ako ng silid nang bigla akong tinawag nila Sherina.

“O Ella, bakit iniwan mo yung kodigo? Don’t tell me nakonsensiya ka pa,” bulong ni Sherina.

Kasabay ng paghangin ay ang lagaslas ng mga dahon sa tabi. Dinig ang hiyawan ng mga batang mag-aaral na naglalaro ng patintero sa labas ng silid.

“Next time uli Ella. Sama ka?” tanong ni Jean.

Ngumiti lamang ako at tumalikod upang maglakad papalayo.

Bahala ka na po Lord. Sorry, I’ m really, really sorry.

Huwag niyo po akong pabayaang bumagsak.

Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen. JONAH MARY T. MUTUC

1 COMMENT

  1. When we attended Inkblots’11 we received a copy of the Varsitarian and my friend Arielle and I read this story and we were very pleased. It’s sad but true—-many students resort to cheating and get high grades they don’t deserve at all while those honest ones still study very hard and yet……….

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.