SA TULONG ng mag-asawang Tomasinong sina Jude at Maria Theresa Roldan, kinilala kamakailan ang Hail Mary the Queen Children’s Choir bilang pinakaunang “Children’s Choir of the World.”
Ang hangad nilang magturo ng musika sa mga kabataan ang nagtulak sa kanila upang sumali sa ika-67 Llangollen International Musical Eisteddfod sa North Wales ng United Kingdom kung saan nila nakamit ang gantimpala.
Dahil sa kanilang makasaysayang pagkapanalo, natulungan ang mga kabataang kasapi ng koro na nanggaling sa iba’t ibang antas ng buhay sa paglago ng kanilang talento sa pagkakanta at musika.
Matimping panimula
Tinaguyod ng mag-asawang abogado na sina Ulan at Dinna Sarmiento ang unang koro ng parokya ng Immaculate Concepcion sa Cubao noong 1999 upang magkaroon ng mga magagaling na mang-aawit sa mga misa.
“Gusto [ng magasawang Sarmiento] magbuo ng children’s choir by getting professionals. And at the same time, lima rin ang anak nila. So noong nabuo yung choir, apat doon sa first batch ay anak niya,” ani Jude, isang piano major graduate.
Estudyante pa lamang ang mag-asawang Roldan sa UST Conservatory of Music nang kinuha na sila bilang guro para sa koro ng parokya.
Nabuo ang grupo noong nagkaroon ng inspirasyon ang Mary the Queen Parish sa San Juan na magkaroon ng sarili nilang koro. Noong nagkaroon ng koro ang parokya, kinuha din nila ang magasawang Roldan para magturo dito.
Pinag-isa nila ang dalawang koro at ito’y kinilala bilang Hail Mary the Queen Choir.
Noong nakaraang taon, naghandog ang koro sa Christmas Gala ng Unibersidad na isinasagawa tuwing Disyembre.
“Siguro the reason why UST invited us to perform is because we are also from UST. The competition is just icing on the cake. The reason for the choir is to serve for the mass and that has been the vision since then,” ani Patrick Yap, isa ring Tomasino at ang project coordinator at tagapamahala ng koro.
Tinatanggap ang lahat ng batang sumasali sa audition, ani Jude. Karaniwang nasa edad ng walo hanggang labindalawang taong gulang ang sumasapi sa koro. Ngunit nababawasan ang kanilang bilang dahil sa mahigpit na pamantayan sa ensayo.
Ani Jude, hindi lamang kakayanan sa pagkanta ang kailangan upang tumagal sa koro kundi puso at debosyon din.
“Ang mga bata na kasali ay galing pareho sa mga public at exclusive schools, from all walks of life,” aniya.
Kasanayan patungo sa tagumpay
May dalawang kategorya ang Hail Mary the Queen Children’s Choir—ang concert chorale na nanalo sa U.K. at ang koro sa mga misa.
“Sa isang linggo, tig-dalawang araw ang pagsasanay sa bawat dibisyon. Kumakanta rin kami sa tatlong simbahan tuwing Linggo. Tuwing Sabado, nagsasanay ang buong koro,” ani Jude.
Tinuturuan nilang mag-asawa ng mala-European na paraan ng musika ang koro mula sa theory hanggang sa aplikasyon nito sa pagkanta. Si Maria Theresa ang nagsisilbing konduktor habang si Jude ang nagsisilbing musical director ng koro—nasa harap palagi ang mag-asawa upang masubaybayan ang mga bata.
“Sabi nila ay mahirap ang mga ensayo namin, pero mas lalo kaming nakakapagtrabaho ng maayos gamit mga ensayo na ito,” sabi ni Jude, na kasalukuyang nagtuturo ng piano sa Centro Escolar University.
Inaamin naman ni Maria Theresa, isang voice major at music education graduate at kasalukuyang isang faculty member sa Conservatory of Music, na magkakaiba ang nakagawi ng mga batang sumasali sa koro kaya kinakailangan hindi iisa ang paraan ng pagtuturo nila.
“Mas effective ang paggamit ng iba’t-ibang approach sa pagtuturo. Merong mga bata na kapag pinapagalitan, mas nagpupursige. The discipline that we observe has been carried over through years of practice,” aniya.
Natutuwa naman silang mag-asawa dahil napapamana ng mga dating miyembro sa mga bago ang disiplinadong kultura ng kanilang koro.
“Natuturuan sila na mabalanse ang kanilang pag-aaral at makapag-adjust sa grupo ng maayos,” sabi ni Maria Theresa, na dating guro rin ng musika sa Ateneo High School.
Koro ng mundo
Nagsimulang mapansin ang koro noong sumali at nanalo sila ng unang gantimpala sa “Choir Olympics” noong 2004 sa Alemanya.
Nakipagpaligsahan na rin ang koro sa Jakarta, Indonesia at nakapag-concert tour na rin sa Estados Unidos upang matulungan ang Sisters of Social Service, isang kongregasiyon na tumutulong sa mga kapos-palad at naghihirap sa buhay.
“Pinag-Disneyland kami ng congregation bilang pasasalamat sa serbisyo na inihandog namin,” ani Maria Theresa.
Ang Hail Mary the Queen Children’s Choir lang rin ang natatanging Filipinong koro na naghandog sa Disneyland Carnation Plaza Gardens.
Non-profit organization ang koro. Suportadong-suportado ng mga magulang ng mga kurista ang grupo. Pero sa mga outside events, nagkakaroon ang koro ng compensation.
“We serve churches. That is our primary mission,” inulit ni Yap.
Bago nila nakamit ang mga gantimpala sa iba’t-ibang parte ng mundo, marami ring pinagdaanang ensayo ang koro upang gumanda ang pagdala nila sa kanilang mga piyesa.
Sa huli, ang paglilingkod sa kabataan at simbahan gamit ang musika ang kanilang inspirasiyon.
“Mayroon kaming pilosopiyang mag-asawa: likas na karapatan ng bawat bata na makarinig at matuto ng magandang musika at siyempre, maranasan nila ang music of the masters at di lamang yung mga naririnig nilang karaniwang mga kanta sa radio,” panapos ni Jude. Alfredo N. Mendoza V at Catalina Ricci S. Madarang