PAIKOT-IKOT.
Ganito mailalarawan ang naging kalagayan ng wikang Filipino sa UST magmula nang buwagin noong 1979 ang dating Kagawaran ng Filipino at ipagsanib ito sa isang departamentong binubuo ng iba pang itinuturong wika sa Unibersidad. Nang maglaon, binuwag rin ang kagawaran ng wika at pinalitan ng isang departamento para sa mga asignaturang general education.
Mula noon, makailang ulit nang nailathala sa Varsitarian ang hinaing ng mga guro ng Filipino sa UST na ibalik ang sariling kagawaran na tutugon sa mga pangangailangan ng displina.
Ayon na rin kasi kay Marilu Madrunio, tagapangulo ng Department of Languages, may iba’t ibang pangangailangan ang bawat sangay ng departamento na matutugunan lamang ng maayos kung ang pokus ng namamahala ay doon lang.
Sa kasalukuyan, ang Filipino ay nasa ilalim ng Department of Languages kasama ang wikang Ingles at Espanyol. Dito, hindi lamang sa pangalan naghahati ang tatlo kung hindi maging sa badyet at pagpapahalaga.
Ayon kay Jose Dakila Espiritu, propesor ng Filipino sa College of Education, magiging madali ang paglutas sa mga problema, lalo na sa pinansiyal, kung may sariling departamento ang Filipino.
“Mas mainam kung talagang may kaniya-kaniyang tanggapan na sasagot sa mga tiyak na pangangailangan ng bawat kagawaran. Mas magiging madali rin ang paglutas ng anumang suliraning darating sa kanila,” ani Espiritu.
Mukha namang narinig ng administrasyon ng UST ang hinaing ng mga propesor tulad nina Espiritu at Ampil. Kamakailan lang kasi ay binuo ang isang panibagong departamento – ang Department of History na pamumunuan ni Prop. August de Viana.
Ayon kay Madrunio, ito na ang simula ng vertical articulation sa Unibersidad.
Sa ilalim nito ay magkakaroon ng pokus sa isang disiplina ang isang departamento na may sariling tagapangulo, opisina, tauhan, at badyet.
“Kapag nagkaroon ng sariling departamento, magkakaroon ng pokus ang atensiyon, at pagbubuti ng faculty profile, maging ang pagpapaigting ng pananaliksik,” ani Roberto Ampil, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters.
Sa katunayan, may mga plano nang nakalatag para sa inaasahang pagbabalik ng Kagawaran ng Filipino. Ayon kay Espiritu, may mga lupon nang itinalaga si Madrunio na binubuo ng mga komite gaya ng sa seminar, information at program na nagbabalangkas ng mga proyekto bilang paghahanda sa pagkakaroon ng sariling kagawaran ng Filipino.
Ilan pa sa pinaplano ay ang “pagpapaigting ng pananaliksik sa Filipino at pagkakaroon ng journal na titingalanin sa international publishing” gaya ng Daluyan ng University of the Philippines, ani Ampil.
“Wala pa kaming kagawaran kaya hindi pa namin magawa ng todo-todo ang lahat ng aming mga iniisip. Kung talagang manunumbalik ang kagawaran ng Filipino, magagawa na siguro (ang mga ito), mas higit pa sa kung ano ang mayroon ang ibang mga pamantasan,” ani Espiritu.
Subalit, hindi ito ganoon kadali. Aminado rin kasi si Ampil na sa ngayon, kulang ang suportang kanilang natatanggap para maibalik ang kagawaran. Bukod pa rito ang kakulangan ng Unibersidad sa pasilidad at kuwestiyon sa badyet.
“Ang laging palaisipan, sino ang mamumuno? Karapat-dapat ba siya sa puwesto?Siguradong may isyung lalabas sa pagpili ng itatao sa kagawaran,” ani Ampil. “Halimbawa ako ang iupo. Maaaring sabihin na sa papel, binigyan ako ng appointment pero nasa akin ba ang mandato, ang suporta ng mga kapwa ko?”
Sa kabila nito, tiwala si Espiritu na hindi magtatagal ay mababalik din ang Kagawaran ng Filipino.
Batid rin kasi ng mga nasa kapangyarihan na makatutulong ang kagawaran sa pagpapayabong ng iba pang wika sa Pilipinas na hindi magawa ng kasalukuyang departamento ng wika dahil sa tatlo na ang disiplinang hinahawakan nito, ayon pa kay Madrunio.
Inaasahan ding maibabalik ng kagawaran ang undergraduate at postgraduate degree program para sa Filipino, dagdag pa niya.
Sa pamamagitan nito ay maibabalik ang pagtingala ng ibang institusyon sa UST pagdating sa Filipino.
Kung ikukumpara sa ibang mga pamantasan sa bansa tulad ng UP, Ateneo de Manila at De La Salle na may magagandang programa sa wikang Filipino, “nahuhuli na tayo,” paliwanag ni Ampil.
Gayunman, sinabi rin na paunti-unti at hindi dapat apurahin ang pagtatatag sa hiwalay na kagawaran ng Filipino. Hindi umano maaaring sabay-sabay buuin ang mga kagawaran.
“Pero nasa pipeline na naman ito. I think (we are waiting for proper) timing as to when the department will come,” ani Madrunio. Ma. Karla Lenina Comanda at Rose-An Jessica M. Dioquino at may ulat mula kay Alexis Ailex C. Villamor, Jr.